Tuesday, February 15, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (02-16-11)

MARCOS 8:22-26

Pinagaling ang Isang Lalaking Bulag

22 Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. 23 Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, "May nakikita ka ba?"

24 Tumingin ang lalaki at sumagot, "Nakakakita po ako ng mga tao na parang punongkahoy na naglalakad."

25 Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan."



MAGNILAY:

Sanay na tayo sa mabilis. Lahat ng bagay gusto nating makuha ng mabilisan. Mas matimbang na sa atin ngayon ang bilis kaysa kalidad. Minsan, kahit mababa ang kalidad, ayos na basta't mabilis. Nakakainis maghintay. Nakakabagot ang magtiyaga. Nakakainip ang magpunyagi.



Nakakatawag-pansin ang unti-unting pagpapagaling ni Hesus sa bulag. Una na niyang ginawan ng seremonya ng pagpapagaling ang bulag pero bahagya lang itong nakakita. Inulit ni Hesus ang seremonya at saka lamang ito nakakita ng lubusan. Puwede naman sigurong biglaan na lang. Kaya naman niya sigurong gawin ito ng isang seremonya lamang. Wala naman sigurong problema kung agad-agad magaling na siya. Pero siguro may karunungan sa likod ng dahan-dahan niyang pagpapagaling. Sa parte ng bulag, isa itong pagsubok ng kanyang pananampalataya. Paraan ito para ipakita kung hanggan saan ang kanyang patitiwala. Isang daan din ito para ipaunawa sa kanya na mahalaga ang kanyang pagpupunyagi bilang ambag upang ganapin ng Panginoon ang himalang ito. Walang himala na naganap ng walang partisipasyon at kolaborasyon natin. Hindi magic ang himala para pamanghain lang tayo. Kilos ito ng Diyos para tawagin tayo sa pagkaalagad.



Ang kuwentong ito ay puwede natin i-apply sa ating pagpapakabanal. Walang kabanalan na mabilisan, agad-agad, na isang upuan lamang. Dahan-dahan ang pagkakamit nito. Tuluy-tuloy na kolaborasyon sa grasya ng Diyos ang hinihingi nito. Tiyaga at pagpupunyagi ang kailangan upang magkamit tayo nito. Tulad ng relasyon sa kapwa, pinapalalim din ng panahon ang relasyon natin sa Diyos. Kaya nga ang pagdarasal ay istilo ng buhay. Araw-araw tayong nagbababad kasama ang Panginoon. Sa ganitong paraan ay nakikilala natin siya, nakakapalagayang-loob, at napapadali ang pagsunod natin sa kanyang kalooban. Ang kabanalan ay sanayan o habit. Para masanay tayo sa mga gawaing kabanalan, dapat natin itong gawin lagi-lagi ng may tiyaga at punyagi hanggang matutunan natin, hanggang maisaloob natin, hanggang maging sistema na natin, hanggang kasanayan na natin.



Hindi natin puwedeng i-apply ang sistema ng mundo na mabilisan sa larangan ng pagpapakabanal. Siguradong bababa o lalabnaw o tatabang ang kalidad nito. Ang kabanalang nakamit ng mabilisan ay mabilis din ang paglaho. Konting pagsubok, susuko ito. Pag usaping seryosohan, aatras ito. Ang tunay na kabanalan ay pinagtityagaan, pinagpupunyagian, pinaghihirapang kamtin ng dahan-dahan at unti-unting hakbang hanggang marating ang kalubusan nito.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong madiskubre uli ang ganda ng paghihintay at pagtitiyaga upang makamtan ang aming hinahangad na mabuti at banal sa buhay na ito. Huwag sana naming isakripisyo ang kalidad para lamang mapabilis ang proseso. Unti-unti ay akayin mo kami sa matamis na pakikipag-isa sa iyong kabanalan.

No comments:

Post a Comment