Monday, February 28, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (02-27-11)

MATEO 6: 24-34

Diyos o Kayamanan?

24 "Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.

25 "Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

28 "At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon na napakayaman ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na buhay ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!

31 "Kaya't huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 33 Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.

34 "Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw."



MAGNILAY:

Dapat ba tayong mag-alala sa buhay? Aba'y oo. Ang dami yatang problema ng buhay. Ang daming dapat isipin. Ang daming dapat alalahanin. Sa hirap ng buhay ngayon at sa gulo ng mundo ngayon nararamdaman natin ang instabilidad. Hindi tayo nakasisiguro. Mahirap magsiguro ngayon. Pagmulat mo isang umaga wala na ang mga bagay na inaasahan mo. Kaya kung tatanungin kung dapat ba tayong mag-alala o mabalisa, OO at tumataginting na OO!



Pero HUWAG SOBRA! Ito ang punto ng Panginoon ngayon. Huwag mag-alala ng sobra na akala mo wala ng Diyos na nagmamahal, wala ng Diyos na nagmamalasakit, wala ng Diyos na kumakalinga, at wala ng Diyos na makapangyarihan sa lahat at mas makapangyarihan sa lahat nating alalahanin at problema sa buhay. Sinisiguro lang ng Panginoong Hesus na sa gitna ng marami nating hamon sa buhay may nagmamasid, may nakatutok, may nakiki-alam para magbantay, gumabay, umalalay, makiramay, umagapay. Kahit anong hirap ng buhay magtiwala tayo sa Diyos na pinanaligan nating hindi tayo iiwan kailanman.



HUWAG SOBRA! Dahil ang sobrang pag-alala ay masama rin sa atin. Pinaparalisa nito ang pagharap natin sa ating mga alalahanin. Hindi nagmumungkahi si Hesus ng katamaran noong sinabi niyang huwag tayong mabalisa. Hindi niya sinasabing wala na tayong dapat gawin. Alam nating napaka-ilusyunadong panukala ito kung ito nga ang ibig niyang sabihin. Napaka-impraktikal nito. Kailangan pa rin nating gumawa sa gitna ng pagtitiwala natin sa biyaya ng Diyos. Kung sobra tayong mag-aalala, hindi na tayo makakakilos ng maayos. Hindi na tayo makakadiskarte ng tama. Kailangan natin ng linaw ng isip at matatag na damdamin kapag humaharap sa mga problema ng buhay. Ang sobrang pag-aalala ay nakapagpahina ng kalooban, nakakagulo ng isip, at nakakabawas ng tiwala sa sarili, sa kapwa at higit sa lahat sa Diyos.



HUWAG SOBRA! Dahil ang buhay ay hindi lang tungkol sa kakainin, susuotin at iba pang materyal na pangangailangan. Ang buhay ay hindi lang kayod ng kayod para makamit ang mga materyal na pagpapala kahit minsan hindi na talaga kailangan. Ang buhay ay pagmamahalan, pagsasama-sama ng maligaya kahit minsan simple lang ang buhay. Mas higit sa pera, kailangan ng pamilya ang kalidad na presensya ng bawa't-isa. Kailangan tayong magtrabaho, oo, pero hindi lang tayo puro trabaho. Ang buhay ay relasyon na ang pundasyon ay pagmamahalan.



HUWAG SOBRA! Dahil minsan ang ugat ng matinding pag-alala natin ay ang matatayog nating ambisyon na madalas hindi naman talaga kailangan. Maging simple sa pangangailangan. Matutong maging maligaya sa bawa't pagpapala na nakakamit natin. Matuto tayong magdiwang para sa mga maliliit na natatanggap natin sa buhay. Nababalisa tayo minsan dahil ambisyoso tayo ng sobra, mayabang, mapagmataas. At dahil mayabang, kapag dumating ang oras ng pagbagsak, bagsak talaga lahat ng kayabangan natin pati na ang buo nating pagkatao. Hindi natin matanggap na bumabagsak talaga tayo paminsan-minsan pero puwede namang bumangon muli.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong magtiwala sa iyo sa gitna ng marami naming alalahanin sa buhay. Bigyan mo rin ako ng wastong karunungan upang maging sapat lang sa mga bagay-bagay na dapat kong tamuhin sa buhay. Ipaunawa mo na sa buhay mas mahalaga ang pananampalataya sa iyo, masayang pagsasamahan ng mga mahal ko sa buhay, at pagbubuklod bilang magkakapatid ng lahat ng tao. Turuan mo akong maging masaya kahit sa gitna ng mga alalahanin.

No comments:

Post a Comment