Monday, July 12, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (07-11-10)

LUKAS 10: 25-37
25 Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. "Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?" tanong niya.

26 Sumagot si Jesus, "Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?"

27 Sumagot ang lalaki, "'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;' at 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.'"

28 Sabi ni Jesus, "Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan."

29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, "Sino naman ang aking kapwa?"

30 Sumagot si Jesus, "May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.'"

36 At nagtanong si Jesus, "Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?"

37 "Ang taong tumulong sa kanya," tugon ng abogado. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Sige ganoon din ang iyong gawin."

MAGNILAY:
Sa gitna ng kagipitan, lahat ay nagiging kapwa mo. Ikaw ay kapwa sa sinumang nangangailangan ng iyong tulong at pagkalinga. Walang sinisino sa pagmamalasakit. Kaibigan man o kaaway, kakampi o katunggali, tagasuporta o kritiko, tagataguyod o taga-usig, kapag nangailangan, ang lahat ay nagiging iyong kapwa.

Madaling tumulong sa kaibigan, sa kakampi, sa tagasuporta at sa tagataguyod. Madaling maging kapwa sa isang nagmamahal at nagmamalasakit din sa iyo. Pero ang hamon ng kuwento ng Mabuting Samaritano, matuto kang maging kapwa sa mga taong hindi ka itinuring na isa. Dito nasusukat ang kadakilaan at kadalisayan ng ating pagmamahal.

Ang tunay na pag-ibig na nakikita sa malasakit ay lagpas sa mga kahon, husga, paratang, limitasyon na nilikha natin sa pagitan natin dahil sa mga masasakit at hindi magaganda na nagawa natin sa isa't-isa. Sa pag-ibig at malasakit, nabubuwag ang lahat ng pader at harang na itinayo natin.

Walang tagasunod ng Panginoon ang magkakait ng malasakit sa isang kaaway kapag ito ay nangailangan. Ito ay halimbawang pinamalas ni Hesus. Kung seryoso tayong tagasunod niya, tatahakin natin ang landas ng pagpapakasakit.

Ang pag-ibig at malasakit lalo sa isang kaaway ay desisyon. Hindi ito nakabase sa pakiramdam. Ang bigat ng kalooban ay maaaring hindi agad maibsan lalo at malaki ang atraso. Gayunpaman, ang gawa ay dapat pamayanihan ng katwiran, hindi lang ng pakiramdam. Ang maging kapwa sa iba, ang maging isang mabuting Samaritano, ay isang desisyon!

No comments:

Post a Comment