Tuesday, December 7, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-08-10)

LUKAS 1:26-38

26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"

29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."

34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.

35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."

38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel.



MAGNILAY:

Isang lalaki ang hindi makapaniwala sa doktrina ng Immaculada Concepcion. Sabi niya na imposibleng mangyari ito.



Minsan, napakita sa kanya ang anghel na nagsabi na binibigyan siya ang pribilehiyo na pumili ng magiging bahay para sa kanyang kaisa-isang anak na mahal na mahal niya. Dinala siya ng anghel sa isang lugar na maraming bahay at pinamili siya. Lumibot ang lalaki pero sa kahuli-hulihan ay bumalik na nagrereklamo sa anghel. Sabi niya na wala siyang mapili dahil lahat ng bahay doon ay sira-sira at marumi.



Kaya't sabi ng anghel na binibigyan siya muli ng isa pang pribilehiyo na umisip ng bahay na bagay para sa kanyang anak at ito ay ipagkakaloob sa kanya. Nang tanungin siya ng anghel kung anong klaseng bahay ang naisip niya, ang sabi niya ay ito ay malinis, maayos at maganda malayung-malayo sa mga nakita niyang bahay roon. At nang tanungin siya ng anghel bakit ganung bahay ang naisip niya para sa anak, ang sabi niya ay siyempre, kaisa-isang anak niya ito at mahal na mahal. Hindi siya puwedeng mag-isip ng mas mababang uri ng bahay para sa kanyang anak. Ang sabi ng anghel sa kanya na naresolba na niya ang problema niya sa Immaculada Concepcion. Ang Diyos noong pumupili ng magiging ina ng kanyang pinakamamahal at bugtong na Anak, wala siyang mapili na karapat-dapat sa kanya. Kaya't nilikha niya si Maria - ganap sa kabanalan, kagandahan at kalinisan.



Pinararangalan ngayon ang Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng pagkilala sa natatanging grasyang pinagkaloob sa kanya ng Diyos bilang magiging Ina ng kanyang bugtong na Anak na si Hesus. Dahil sa kanya magmumula ang dugo't laman ng magkakatawang-taong Diyos Anak at siya ang mag-aaruga rito ang Mahal na Ina ay iniligtas mula sa bahid ng kasalanan na minamana ng lahat tao sa simula pa lang ng paglilihi sa kanya. Si Maria sa unang sandali pa lamang ng paglilihi sa kanya ay hindi na napailalim sa kondisyon ng kasalanan. Sa simula pa lamang ay ginawa na siyang ganap na maganda ng Diyos. At dahil dito nagpupuri tayo sa Diyos na gumawa ng lahat ng kagandahan at kabanalan. Si Maria ay tunay na Immaculada Concepcion.



Nangyari ito sa pamamagitan din ng magiging bunga ng pagpapakasakit ni Kristo sa krus. Bagama't magaganap pa lamang ang gawaing pagtubos ni Hesus sa Kalbaryo natamo na ng kanyang ina ang bunga nito. Ito ang dahilan kaya't natatangi ang grasya ng Immaculada Concepcion. Si Maria lang ang nagtamo ng pagtubos sa ganitong paraan. Lahat ng tao ay nagtamasa ng pagtubos pagkatapos ng kaganapan sa krus. Si Martia ay nauna dahil sa siya ang magiging Ina ng Manunubos. Sa simula pa lamang ay ginawa na siyang napupuno ng grasya.



Gayunpaman, higit nating pinararangalan ang Mahal na Ina hindi dahil sa kung ano siya noong simula pa lamang ng paglilihi sa kanya kundi kung ano siya naging noong siya ay naging ganap sa pag-iisip at nagkaroon na ng kakayang mamili at magdesisyon. Pinararangalan natin siya dahil pinili niya na mahging isang ganap na masunurin sa kalooban ng Diyos. Si Maria ay hindi naging robot noong pagkalooban siya ng pribilehiyo ng Immaculada Concepcion. Hindi siya naging de-susi. Buo pa rin ang kanyang kakayahan at kalayaang mamili at magdesisyon. Puwede siyang humindi sa panukala ng anghel Gabriel. Puwede siyang tumalikod sa Diyos tulad ng ginawa ng unang tao na nilikha ring maganda at mabuti. Pero hindi nagsamantala at nag-abuso si Maria sa kanyang pribilehiyo. Ang kanyang kabanalan ay ginamit niya sa pagsunod sa kalooban ng Diyos anumang hirap at inkumbinyente ang dadaanan niya. Hindi ligtas si Maria sa hirap, sa sakit lalo na ng kalooban, sa kurot sa puso lalo na ng masaksihan niya ang pagpapahirap sa kanjyang anak. Pero hanggang sa hukli, hanggang sa krus, nanatili si Maria na nakasuko sa kalooban at plano ng Diyos. Pinaparangalan natin si Maria ngayon dahil naging ganap siyang disipulo ng kanyang anak na si Hesus. Si Maria ay inspirasyon at modelo. Nanay din natin siya dahil nanay siya ni Hesus at tayo ay katawan ni Kristo. Makakasiguro tayo sa kanyang panalangin at proteksyon.



Kung meron mang hamon ang araw na ito ay ang maging responsable sa bawa't pribilehiyo at grasya na pinapagkaloob sa atin ng Diyos. Maraming pabor ang ibinibigay sa atin. Marami nga, hindi man lamang kilalanin na ito'y galing sa Diyos. Akala ng iba, kanila yon at pinaghirapan nila. Hindi man lamang makapagpasalamat sa pinanggalingan nito - ang Diyos. Ang mas masaklap ay ang abusuhin ang mga biyayang pinagkaloob ng Diyos, gamitin ang mga ito para sa pansariling kapakanan, at magpakalayu-layo sa plano ng Diyos. Bawa't galing na meron tayo, bawa't magandang bagay na meron tayo, lahat ng ito ay pribilehiyo lamang. Matuto tayong magpasalamat at maging responsable sa mga ito. Gamitin ang mga ito para makasunod ng mas tapat sa kalooban ng Diyos sa atin.



MANALANGIN:

Panginoon, pinupuri kita sa pagpapamalas mo sa amin ng kung ano ang puwede mong gawin. Ang kabanalan, kagandahan at kalinisan ni Maria ay sumasalamin sa iyong kabutihan at kadakilaan. Purihin ang iyong pangalan. Akayin mo kaming lahat sa kaluwalhatiang tinamo ng Mahal na Ina. Sa pamamagitan ng kanyang panalangin maakay nawa kaming lahat palapit sa iyong pinakammahal na Anak, ang aming Panginoong Hesukristo.

Monday, December 6, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-07-10)

MATEO 18: 12-14

12 "Ano sa akala ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikinagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, ayaw ng inyong Ama na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito."



MAGNILAY:

Ang tupa kaya lalong naliligaw ay dahil sa hindi alam na naliligaw na siya. Nag-eenjoy siya sa mga nakikita niya at nabubusog ng kung anu-ano sa daan kaya sige lang ang lakad. Hindi niya namamalayan na naligaw na pala siya. Hihinto siya at iiyak kapag nalaman niyan naligaw siya. At ito ang unang hakbang para siya matagpuang muli. Sisikapin niyang bumalik hanggang matagpuan din siya ng kanyang panginoong naghahanap sa kanya.



Ganitong-ganito rin tayo. Sabi nga, hangga't hindi tayo nauuntog, hindi rin natin malalaman na nasa maling landas tayo. Kasi nga, masarap ding maligaw. Nakaka-enjoy ang maraming bagay na hindi natin nasubukan dati. Hindi natin namamalayan na mali na pala ang daan. Nakatuon tayo sa sarap na nararanasan natin. Bulag ang isipan natin. Hindi natin alintana kung tama o mali. Magigising na lang tayo sa katotohanang naliligaw na pala tayo. At saka lang tayo hihinto.



Totoo hinahanap tayo ng Panginoon pabalik sa kanya pero importante din na dinadala rin natin ang ating sarili para mahanap niya. Unang hakbang para mahanap tayo ay ang aminin na naliligaw nga tayo ng landas. Marami ang hindi matanggap na naliligaw sila ng landas. Kaya't kahit anong paalala mo walang epekto. Ang kamalayan ay mahalaga. Ito sana ang huwag mawala sa bawa't pagtahak natin sa landas ng buhay. Lagi nating suriing mabuti ang tinatahak nating landas at ang bawa't hakbang natin. Lalo tayong maliligaw kapag wala tayo sa matinong kamalayan. At minsang namalayan nating naliligaw pala tayo, huminto tayo at sikaping makabalik.



Matuto rin tayong umiyak tulad ng tupa. Madalas hindi natin kayang mag-isa. Ipaalam natin sa iba na naliligaw tayo at humingi ng tulong. Huwag na tayong magyabang na kaya natin o hindi natin kailangan ang iba. Lunukin na rin natin ang yabang na nakakahiya na malaman ng iba na nagkamali tayo. Importante na may inisyatibo tayo para sa sarili natin para mahanap tayo ng Panginoon. Kung hindi tayo kusang magpapahanap ay hindi nga tayo mahahanap. Sa Diyos mahalaga ang kolaborasyon natin. Hindi madaling makabalik. Kuing gaano kalayo ang kinaligaw natin ay ganoon ding haba ang ating babalikan.



MANALANGIN:

Panginoon, kapag ako ay naligaw kaagad mong gisingin ang aking kamalayan. Huwag sanang umabot na ako'y mapalayo ng husto na halos imposible nang makabalik.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-06-10)

LUKAS 5: 17-26

Pinagaling ang Isang Paralitiko

17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo sa di-kalayuan. Sila'y galing sa lahat ng bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Nagpipilit silang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinaba sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, "Kaibigan, pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan."

21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, "Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?"

22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, 'Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan,' o 'Tumayo ka at lumakad'? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa..." sinabi niya sa paralitiko, "Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!" 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sila'y namangha at nagsabi, "Kahanga-hanga ang mga bagay na nasaksihan natin ngayon!"



MAGNILAY:

Kahit anong galing natin, kahit anong talino natin, kahit gaano pa tayo maabilidad, kung maysakit ang konsensya, mapipilay ang buo nating pagkatao. Ang galing, ang talino, ang abilidad ginagamit sa tama at mabuti. Lalong umuunlad ang ating kakayanan lalo't ang disposisyon natin ay mabuti. Mas mataas ang mga ito kung mamayagpag kapag malaya rin ang puso sa pananagutan sa kasalanan. Sa kabilang banda naman, sayang ang lakas natin kapag alam nating may kasalanan at nagkakasala tayo ngayon. Ang dapat ay mataas nitong pamamayagpag ay kabaligtaran dahil may sugat o may tali o nalagas ang mga pakpak. Sinusupil ng kasalanan ang potensyal natin. Hindi tayo makatakbo ng mabilis dahil mabigat na bagahe ito sa kalooban natin. Kailangan natin ng pagpapatawad. Kailangan natin ng pag-amin. Kailangan nating magbago ng direksyon sa buhay. Kasilnagan natin ng mapaghilom na mga salita ng Panginoong Hesus - PINATAWAD KA NA SA IYONG MGA KASALANAN!



Ito ang paralitiko sa ating Ebanghelyo ngayon. Pilay pero ang gamot niya ay pagpapatawad. Ang pilay sa kanya ay hindi lang katawan pero lalo na ang kanyang konsensya at ang kanyang kaluluwa. Nang pinagaling siya ng Panginoon at pinatawad, ang pinakamagandang lawaran ng dating paralitko ay nakayanan na niyang buhatin ang kanyang higaan. Nagkalakas na siya para labanan ang pumipilay sa kanyang pagkatao. Nagkalakas na siya para magsimulang gawin ang tama at mabuti. Nagsimula na siyang mamayagpag dahil napanauli na ang kanyang mga pakpak.



Ang adyenda ng adbiyento ay pagsisisi. Pero ang pinakamabuting balita ng adbiyento ay ang pagpapatawad ng Panginoon. Tulad ng paralitiko magkusa tayong lumapit sa kanya. Kahit parang imposible dahil para sa iba sa atin sobrang laki na ng utang natin sa kanya. Hindi natin makakayanan ang kahihiyan. Pero hindi. Lumapit tayo kahit sa munting paraan na makakaya natin. Ang Panginoon ang gagawa ng daan para makauwi tayong pinatawad at pinagaling at pinalakas. Naghihintay lang siya. Maawa rin tayop sa ating sarili. Sobra na ang dinadala ng ating konsensya. Bigyan natin ang ating sarili ng ginhawa. Huwag na tayong mag-atubili na lumapit sa Pasnginoon.



MANALANGIN:

Panginoon, hatakin mo akong papalapit sa iyo. Bigyan mo ako ng kasiguruhan upang huwag akong mahiyang lumapit sa iyo. Makuha ko nawang idulog sa iyo ang pinakamalaking pagkakasala ko na pumipilay sa akin. Akayin mo ako tungo sa kalayaan ng aking puso.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-05-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO (Dis. 05)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Sunday, December 5, 2010 at 6:08am

MATEO 3: 1-12

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo

1 Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. 2 Ganito ang kanyang sinasabi, "Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!" 3 Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:"'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!'"

4 Gawa sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 5 Dinayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea, at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. 6 Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

7 Nang makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, "Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? 8 Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi na, 9 at huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng tunay na mga anak ni Abraham. 10 Ngayon pa lamang ay nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ang siyang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman."



MAGNILAY:

Nakadalo ka na ba ng pulong na walang adyenda? Naku, asahan mo, walang direksyon ang pag-uusap. Halu-halo, sala-salabat, buhul-buhol. Hindi mo alam kung saan pupunta ang pag-uusap. Hindi mo alam kung ano ang layunin ng diskusyon. Sigurado, magpapa-cute lang ang presider para hindi mabuking na wala siyang plano, wala siyang target, wala siyang alam.



Hindi ganoon ang kaharian ng Diyos. May adyenda ito. Malinaw. Klaro. Deretso. Sapul. Walang pasikut-sikot. Walang cheche-bureche. Walang tinatago. Hindi nahihiya. Walang alinlangan. Tapatan. Simple. Walang paliguy-ligoy. Isa lang ang adyenda ng kaharian ng Diyos: MAGSISI NA KAYO AT TALIKURAN ANG INYONG MGA KASALANAN!



Kung akala natin na puwede tayong kumabit sa Panginoon pero wala kang planong magbago sa mga maling ginagawa mo, nagkakamali ka. Ngayong panahon ng adbiyento at kapaskuhan, kung wala kang adyenda ng pagbabago, kalimutan mo yang adbiye-adbiyento na yan at pasko-pasko na yan. Hindi ito panahon ng party-party lang, gathering-gathering, gift dito, gift doon, bakasyon grande, shopping dito shopping doon. May adyenda ang Diyos sa iyo ngayon. Tingnan mo ang iyong sarili. Pumasok ka sa disyerto ng iyong sarili. Makinig sa konsensiya. Pakinggang mabuti ang bulong nito. Walang perpektong tao. Lahat tayo may babaguhin sa sarili. Huwag nating sabihing mabait naman ako. Oo, mabait ka pero may ibabait ka pa. Pero yung nagsasabing mabait siya ay madalas siyang kabaligtaran nito. Yung adyenda ng Diyos sa atin ay siya rin sanang maging adyenda natin sa sarili natin ngayong panahong ito.



Bigyan natin ng pagkakataon ang sarili na umusad sa espiritwal na buhay. Pag sumapit ang mga simbang gabi, magnilay at magdasal talaga tayo. Gawin natin itong pagkompronta sa Diyos at sa sarili natin. Baguhin ang kaya nating baguhin ngayon. Kung hindi mo man matapos ang adyenda ngayon panahong ito, tuloy ang adyenda na yan kahit hindi na adiyento at kapaskuhan. Kaya nga taun-taon ang adbiyento at kapaskuhan, maging ang kuwaresma at panahon ng pagkabuhay dahil tuluy-tuloy ang pagbabago natin. Taun-taon may target tayong babaguhin sa sarili. Kay ang mahalagang tanong ngayon ay ano ba yung target mong baguhin sa sarili mo ngayon. Sana makamit mo ito sa tulong ng biyaya ng Diyos!



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo ako upang ang adbiyentong ito ay maging konlkretong panahon ng pag-usisa sa sarili, pagsisisi at pagbabagung-buhay. Akayin mo akong umangat ng umangat sa kabanalan taun-taon, araw-araw, at sa bawa't sandali.

Friday, December 3, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-04-10)

MATEO 9:35 - 10:8

Nahabag si Jesus sa mga Tao

35 Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon doon. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman. 36 Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y nanlulupaypay at litung-lito, parang mga tupang walang pastol. 37 Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Napakarami nang aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. 38 Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani."

Ang Labindalawang Alagad

1 Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. 2 Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; 3 si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, 4 si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus.

Sinugo ni Jesus ang Labindalawa

5 Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, "Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. 7 Humayo kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. 8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.



MAGNILAY:

Minsan, maikli ang pasensya natin sa paghahanap. Minsang hindi natin makita ang ating hinahanap, iniiwan na lang natin. Inaabandona na lang natin. Di bale na nga lang! Hindi lang sa bagay maikli ang pasensya natin sa paghahanap. Sa tao rin. Kapag may hinahanap tayo sa iba, kapag may inaasahan tayo sa kanya, at hindi natin makita-kita, nauubos din ang ating pasensya. Iniiwan na lang natin. Inaabandona na !lang natin. Lahat na ng pangaral nasabi mo na, lahat na ng paalala naibigay mo na, pero wala pa rin. Diyan ka na lang!



Ang Diyos ay iba. Mahaba ang pasensya niya. Hindi niya tayo iniiwan. Kahit iniwanan na tayo ng lahat, kahit sumuko na ang lahat sa atin, kahit inaabandona na tayo ng lahat, ang Diyos ay hindi. Magtitiyaga pa rion siyang maghanap at maghintay. Kahit ulit-ulitin niya ang pangaral sa atin. Kahit isanglibong beses na niya itong nasabi sa atin at sa kabila noon parang wala pa ring nangyayari sa atin, maghihintay at maghihintay pa rin siya. Hahanapin na niya tayo hangga't matagpuan. At kapag natagpuan, hihilumin at palulusugin muli at bibigyan ng bagong buhay.



Kaya, todo hanap ng Diyos sa atin, tayo naman hindi naghahanap sa kanya. Oo, mapagpasensya siya sa atin pero huwag din nating abusuhin. Pahalagahan naman natin ang kanyang pagsisikap. Huwag tayomng manhid. Huwag tayong abuso. Siya na nga ang nagtitiyaga sa atin, paimportante naman tayo at pakipot. Tandaan natin, Diyos iyon, tao lang tayo. Isang tiris lang ng Diyos sa atin...



Naghahanap ang Diyos sa atin...magpahanap naman tayo.



MANALANGIN:

Panginoon, ngayong panahon ng Adiyento tukungan mo akong matagpuan ko ang aking sarili. Akayin mo ako na makabalik sa iyong yakap at pagkupkop. Huwag mong hayaang tuluyan akong mawalay sa iyo.

Thursday, December 2, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-1-3-10)

MIYERKULES NG UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

MATEO 15: 29-37

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Pag-alis doon, nagbalik si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo upang magturo. 30 Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. 31 Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel.



Ang Pagpapakain sa Apat na Libo

32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, "Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan."

33 Sinabi naman ng mga alagad, "Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?"

34 "Ilan pang tinapay ang nariyan?" tanong ni Jesus sa kanila.

"Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda," sagot nila.

35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 37 Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing.



MAGNILAY:

Ang paghahari ng Diyos ay maihahalintulad sa isang piging o salu-salo o kainan. May mga elemento ang isang piging: kasiyahan at pagdiriwang, pagbubuklod at pagkakasunduan, pagbabahaginan at pagmamahalan.



Sa paghahari ng Diyos mapupuno ang puso natin ng kasiyahan na nagmumula sa mapagmahal at mapangligtas na presensya ng Diyos. Sa kabila ng maraming pagsubok may galak ang puso dahil siya ay minamahal at nagmamahal. Ang galak ay hindi kinikimkim. Dahil may galak, may pagdiriwang. Ang buhay kristiyano ay walang iba kundi pagdiriwang ng pagmamahal ng Diyos sa atin.



Sa paghahari ng Diyos mahihilom ang mga sugat ng pagkakahiwa-hiwalay. Ang bunga ng kanyang paghahari sa puso natin ay pagsasama-sama, pagbubuklod at pagkakasunduan. Walang puwedeng humilom ng sugat ng ating puso dulot ng alitan sa kapwa maliban sa Panginoon. Ang sugat ang dahilan kung bakit hindi tayo puwedeng magdiwang at makibuklod sa iba. Sa biyaya ng Diyos nagiging possible uli ang pagkakasunduan.



Sa paghahari ng Diyos matututo tayong magbahagi at magmahal ng iba. Busog tayo, oo, pero hindi sakim. Binusog tayo ng pagmamahal ng Diyos kaya’t bilang pagpapasalamat ibinabahagi natin ito sa iba. Sinusuklian natin ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal din para sa iba. Hindi natin maatim na busog tayo at ang iba ay gutom. Nagkakaroon tayo ng kasiyahan sa puso kapag nakita nating nabusog hindi lang tayo kundi ang lahat.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong isabuhay ang aking pananampalataya sa diwa ng isang piging. Ang aking buhay kristiyano nawa ay matatakan ng mga katangian ng pagdiriwang ng kagalakan, pagkikipagkasundo na nauuwi sa pakikibuklod, at pagbabahagi ng iyong pagmamahal sa lahat. Ang buong buhay kristiyano ko nawa ay maging paunang karanasan ng piging na inilalaan mo sa amin pagdating ng iyong paghahari.











HUWEBES NG UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

MATEO 7: 21-27

Hindi Ko Kayo Nakikilala

21 "Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, 'Panginoon, hindi po ba kami ay nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa iyong pangalan?' 23 Ngunit sasabihin ko sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.'"



Sa Bato o sa Buhanginan?

24 "Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. 25 Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. 26 Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. 27 Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak."



MAGNILAY:

Isang kahangalan ang malaman ang katotohanan at ayaw mo naman itong isabuhay. Para itong bumili ka ng sasakyan pero ayaw mong sakyan. O gumawa ka ng sulat pero ayaw mo naming ihulog. O hinanap mo ang numero ng telepono ng kaibigan mo pero ayaw mo naming tawagan.



Ang salita ng Diyos ay isang katotohanan na hindi lang pinakikinggan kundi dapat isabuhay. Kapag hinayaan nating baguhin ng kanyang salita ang pag-iisip, pananaw at pagkilos natin, oo, may takot sa una, dahil nga may iibahin sa buhay natin, pero sa huli, makakaranas tayo ng ibayong seguridad at katatagan. Walang ibang magbibigay sa atin ng kasiguruhan at katatagan maliban sa pagsasabuhay ng salita ng Diyos dahil Diyos mismo an gating sandigan.



Kaya’t walang araw sa isang kristiyano na hindi siya nakinig ng salita ng Diyos – nagbuklat ng Bibliya para magnilay, magbasa ng mga espiritwal na babasahin, makinig sa paliwanag ng salita ng Diyos sa Misa o anumang pagtitipon, pagnilayan sa panalangin paano nagsalita ang Diyos sa mga nangyayari sa buhay natin araw-araw. Ito ang ilan sa paraan na nakikinig tayo ng kanyang salita. Pero, sabi nga, huwag lang makinig. Maging matapang sa pagtanggap sa hamon ng salita. Hayaan itong baguhin ang dapat baguhin, ayusin ang dapat ayusin, paunlarin ang dapat paunlarin sa sarili natin.



MANALANGIN:

Panginoon, buksan mo ang aking isip at puso para makinig ng seryoso sa iyong salita. Pero pakilusin mo rin ang aking mga kamay at paa para tuparin ito sa aking pang-araw-araw na buhay. Maging permanenteng sangkap nawa ng aking buhay ang pagsasabuhay ng iyong salita.











BIYERNES NG UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

MATEO 9: 27-31

Ang Pagpapagaling sa Dalawang Bulag

27 Pag-alis ni Jesus doon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila habang nasa daan, "Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!"

28 Nang si Jesus ay nasa loob na ng bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, "Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?" "Opo, Panginoon!" sagot nila. 29 Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, "Mangyari ito sa inyo ayon sa inyong pananampalataya." 30 At nakakita nga sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin iyon kaninuman. 31 Ngunit nang sila'y makaalis, ipinamalita nila sa buong lupaing iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.



MAGNILAY:

Bakit kailangan dumating ang Panginoong Hesukristo at magkatawang-tao? Naparito siya para maging larawan ng isang nakikitang Diyos. Naparito siya para makita natin ng malinaw kung ano at sino ang Diyos. Naparito siya para mahipo natin ang Diyos na inaakala nating pagkalayu-layo.



Sa madali’t-sabi, naparito ang Panginoong Hesus upoang bigyan tayo na mas maliwanag at mas tamang larawan ng tunay na Diyos. Madalas bulag tayo sa kung sino at ano talaga ang Diyos sa atin. Maraming nag-aakala na mahirap malapitan ang Diyos. Na kinatatakutan siya dahil siya’y mapanghusga. Na wala siyang pakialam sa mga pinagdadaanan natin. Na manhid siya sa mga paghihirap natin. Na wala siyang ibang nakikita kundi ang mali natin. At napakarami pang ibang konsepto o pag-aakala na taliwas sa tunay na mga katangian ng Diyos.



Para makilala ang tunay na katangian ng Diyos, kailangang kilalanin natin si Hesus na namuhay sa Nazareth. Ang Ebanghelyo ay nagpapahayag sa atin sa kung sino ang Panginoong Hesus. Sa kanya natuklasan natin ang isang mapagmahal na Diyos na walang kondisyon kung magmahal. Sa kanya nakita natin ang Diyos na naghirap para sa atin. Sa kanya nakita natin ang Diyos na nagpakababa para lang abutin ang tao at iangat niya ito. Kay Hesus nakita natin ng maliwanag na maliwanag kung sino ang Diyos.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, tulungan mo akong makilala ka pa mas lubos. Kilalanin nawa kita sa pamamagitan ng pagninilay sa Ebanghelyo araw-araw, sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iyo sa panalangin araw-araw at lalo’t-higit sa pagtanggap ng palagian sa Sakramento ng iyong mahal na presensya sa Eukaristiya.

Monday, November 29, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (11-30-10)

MATEO 4: 18-22

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda

18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao." 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.

21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.


MAGNILAY:

Kapag tinawag ka ng Panginoon, sa isang banda, kailangan mong iwan ang iyong dating gawain. Pero sa kabilang banda naman, gagawin mo pa rin ang dati mong ginagawa nguni't sa isang panibagong dahilan at layunin. Hindi ka na magiging yung dati pero hindi pa rin naman talaga mawawala yung dati. Ipipihit lang sa isang bagong direksyon, bagong pananaw, bagong patutunguhan.



Ang mga unang tinawag ni Hesus upang maging mga alagad at apostol ay pangingisda ang hanap-buhay. Isa rito si San Andres kasama ang kapatid na si San Pedro. Mga mangingisda dati pero nang tawagin ng Panginoon ay iniwan ang dating gawain upang sumunod sa Panginoon. Pero hindi talaga pag-abandona ng buo sa dating gawain. Kung noon ay mangingisda sila sa dagat, ngayon ay magiging mangingisda sila ng mga tao. Mamamalakaya sila ng mga tao. Ang galing nilang mangisda ay gagamitin para makabingwit ng mga tao para sa Panginoon. Ang talento nilang manghuli ang magiging instrumento nila para hulihin ang mga tao sa kapahamakan at ilagay sa landas ng kaligtasan.



Maraming katangian ang mga mangingisda na bagay sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos. Una, ang mangingisda ay dapat may kakayanan. Hindi puwedeng mangisda na lamang ng hindi nagsikap na matutong mangisda. May masusing sistema ito. Pinag-iisipan at dinidiskartehan ito. Hindi ito basta-basta o bara-bara. Gayundin, sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos, kailangang hinubog siya ng Panginoon. Pinili ni Hesus ang mga apostol dahil puwede at handa silang hubugin at turuan. Walang yabang sa katawan. Hindi pasiklab na akala mo alam na ang lahat ng bagay. Hindi nagmamagaling. Alam nilang bago sila isabak sa laot, kailangan nilang matuto muna. Ikalawang katangian ay tiyaga. Hindi biro ang mangisda sa laot. Hindi ibig sabihin na kapag inihulog mo ang lambat ay may huli agad. Titiyagain mong maghintay, maghanap ng tamang lugar, mag-abang ng maraming huli. Kapag nakahuli, titiyagain ang paghihiwalay sa makakain at hindi makakain na huli. Parang sa kaharian ng Panginoon na lahat ay aanyayahan. Walang hindi kasali. Mabuti o masama puwede sa kaharian. Yung mabubuti, titiyagain mong hubugin pa para lumalim at maging mas mainam. Yung masasama, titiyagain mong hubugin para magbago at putulin ang sungay. Sa huli, depende kung ano ang tugon ng bawa't-isa, ihihiwalay ang talagang tumutugon sa hindi tumutugon. At sa hindi tumutugon, titiyagain mo talaga na ibigay ang kahuli-hulihang pagkakataon na magbago bago siya hatulan. Ikatlong, katangian ng mga mangingisda ay tapang at sipag. Ibayong tapang ang kailangan para pumalaot ng magdamagan o ilang araw pa nga. Minsan, masungit ang panahon. Marami ring lamang dagat na mapanganib. kung wala kang tapang, hindi ka tatagal sa pangingisda. Sa gawin sa kaharian ng Diyos, ganoong tapang ang kailangan. Maraming sasalungat sa gawain ng Panginoon. Maraming kokontra. Marami ring pagsubok at bagyong haharapin. Tapang na may kasamang sipag ay importanteng sangkap para magampanan ang gawain sa kaharian.



Kapag tinawag tayo ng Panginoon, gagamitin niya kung ano ang galing natin ngayon. Kung ginagamit natin ang galing natin ngayon para sa pansariling layunin, kapag tinawag tayo ng Panginoon, gagawin mo pa rin ang magandang ginagawa mo noon pero para sa kanya na at sa ikalalaganap ng kanyang kaharian. Kung manginguisda ka noon, mangingisda ka pa rin pero ng mga tao. Kung doktor ka noon, doktor ka pa rin ngayon hindi lang ng katawan kundi pati ng kaluluwa. Kung tagapagturo ka doon at tagahubog, magtuturo at huhubog ka pa rin ngayon pero ituturo mo ang aral ng Panginoon at huhubugin ang iba ayon sa imahe niya. Kung abogado ka noon, abogado ka pa rin ngayon at ipagtatanggol mo ang mga api at dukha at mga nauuhaw sa kataryngan ng Diyos. At marami pang ibang gawain na lahat ay may lugar sa kaharian ng Panginoon.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong linangin ang aking personal na kakayanan na sa iyo rin nagmula. Turuan mo ako na ilaan ko ang mga kakayanang ito sa pagpapalaganap ng iyong kaharian.