Sunday, October 10, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-10-10)

LUKAS 17: 11-19

Pinagaling ang Sampung Ketongin

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, "Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!"

14 Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, "Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari."

Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.

17 "Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis?" tanong ni Jesus. "Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?" 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, "Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."



MAGNILAY:

"Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis? Nasaan ang siyam? ..."



Maraming pasakit ang dinaanan si Hesus. Noong oras ng kanyang pagpapakasakit, naroong hagupitin siya, putungan ng koronang tinik, kutyain at lurhan, papasanin ng krus at ipako dito, pero sa lahat ng ito, hindi umalma ang Panginoon. Tahimik niya itong tinanggap. Pero ngayon, umalma ang Panginoon. Nasaktan siya. Naapektuhan siya. Hindi nakuha man lamang magpasalamat ng siyam na Hudyo at ang nagpasalamat pa ay isang dayuhang Samaritano na kaaway ng mga Hudyo. Siya ang nagpuri sa Diyos sa tinanggap niyang kagalingan.



Malaking bagay kay Hesus ang marunong tumanaw ng utang na loob, ang magpasalamat. Ang pagpapasalamat ay katumbas ng pagkilala at pagpapahalaga sa iba. Kung may importansya sa iyo ang iba - ang kanilang kaligayahan, ang kanilang kapakanan - hindi puwedeng hindi mo kilalanin ang kanilang kabutihan lalo't ito'y ipinakita at ipinadama sa iyo. Ang pasasalamat ay pagpapahayag ng kagandahan ng iba na naipagkaloob sa iyo. Kung hindi ka marunong magpasalamat, masakit iyon para sa iba. Kay Hesus, masakit ang hindi kilalanin ang kanyang kabutihan.



Oo, hindi dapat ipinipilit ang pagpapasalamat. Dapat itong kusang binibigay. Pero huwag nating sabihin, "E hindi naman dapat ipilit pala e. Malaya akong gawin ito o hindi!" Dapat nating malaman na mahalagang sangkap ng buhay ang relasyon natin sa kapwa. Kung meron tayong dapat alagaan at palalimin, ito ay ang relasyon natin sa kanila. Kung gusto nating sirain at wasakin ang relasyong ito, maging inggrato o inggrata tayo. Makikita natin kung paano tayo lalayuan ng lahat isa-isa.



Oo, hindi rin natin dapat ipilit na kilalanin ang ating kabutihang ginawa. Hindi natin dapat hingin ito bilang kabayaran sa mga magandang ginagawa natin. Gayunpaman, alam din nating pangunahing pangangailangan natin ang kilalanin sa ating kagandahan. Lahat tayo kailangan ng "affirmation." Sana, huwag natin itong ipagmadamot sa pamamagitan ng pagiging inggrato at inggrata. Kahit ano pa ang sabihin natin, nasusugatan tayo kapag nakakatagpo tayo ng mga taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob at hindi marunong magpasalamat.



Sa Diyos, hindi tayo magkakaroon ng talagang relasyon sa kanya kung hindi natin kikilalanin ang kaniyang kabutihan. Ito ang pundasyon ng kahit anong espiritwalidad. Ang pagsamba ay katumabas ng pagpapasalamat. Siya ang pinanggalingan ng lahat. Kung wala siya wala tayo. Ang pinakamabuting pagsamba ay magpasalamat. Kaya nga ang tawag din sa Misa ay Eukaristiya na ang kahulugan ay "magpasalamat."



Matutunan nawa ang pagpapasalamat hindi bilang isang gawi o "empty habit." Gawin natin itong ugali o 'attitude.' Magikng sinsero rin ang pagpapasalamat natin. Sa ganito matatagpuan natin ang yaman ng relasyon sa kapwa at sa Diyos. Ang ugaling ito ay susi sa tunay na kaligahayan.



MANALANGIN:

Panginoon, salamat po sa lahat-lahat!

Friday, October 8, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-09-10)

LUKAS 11: 27-28

Ang Tunay na Mapalad

27 Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, "Mapalad ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo."

28 Ngunit sumagot siya, "Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!"



MAGNILAY:

Sa mentalidad ng mga Hudyo, napakamahalaga ang pagbubuntis. Ang isang sinapupunan na mabunga ay itinuturing na pagpapala. Sagisag ng pagpapala ng Diyos ay ang pagkakaroon ng mga anak. Ito ang pangarap ng bawa't babaeng Hudyo. Samantala, ang hindi pagdadalantao ay itinuturing na sumpa. Ang sinapupuinang hindi namumunga ay itinuturing na kawawa, kabag-habag, itinakwil. Talagang aba ang kalagayan ng mga babaeng hindi magkaanak. Mababa ang tingin sa kanila. Makasalanan ang turing sa kanila dahil nga pinarusahan sila ng Diyos.



Sa ating Ebanghelyo, isang babaeng nasa karamihan ang nagparangal sa ina ni Hesus. Una, kinikilala niya ang pagiging pinagpala ng ina ng Panginoon dahil sa pagsisilang sa kanya. Ikalawa, mas higit ang pagpapala niya dahil nga magaling at kilalang tagapagturo si Hesus. Itinuturing pa siyang propeta. Doble ang pagpapala ng ina kung ang anak ay lumaking mabuti, magaling at tanyag.



Gayunapaman, ang bwelta ni Hesus ay meron pang mas higit na pinagpala sa mata ng Diyos kaysa relasyon sa kanya sa dugo at laman. Ito ay ang pakikinig sa kanyang salita at pagtupad nito. Bagama't isang pagpapala ang magdalan-tao, at dobleng pagpapala ang lumaki ang anak na magaling, at lalong pagpapala kung ang anak na ito ay si Hesus na Guro at Propeta, pero sa lahat ng ito, pinakapinagpala ang nakikinig at tumutupad ng kanyang salita.



Ang tugon ni Hesus ay hindi man pagtatwa ng karangalan ng kanyang ina na si Maria. Hindi niya sinasabi na hindi siya pinagpala talaga kahit ba nanay niya ito dahuil nga ang talagang pinagpala ay yaong nakikinig sa kanyang salita. Hindi niya sinasabing hindi nakikinig sa salita ng Diyos ang kanyang ina. Kung tutuusin nga, modelo ng pakikinig sa salita ng Diyos ang kanyang ina. Ang sinasabi niya, ang pagpapala ni Maria ay hindi dahil nanay niya ito o naging karelasyon sa dugo at laman. Si Maria, bagama't pagpapala ang maging ina sa laman, siya ay mas pinagpala dahil nakinig siya at tumupad sa salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya.



Ang pagpapala ay nararamdaman sa puso. Ang pagpapala ay nararanasan sa isip at kalooban na dumadaloy sa kilos at gawa. Ito ang nangyayari kapag regular tayo sa pakikinig, pagninilay at pagtupad ng kanyang salita. Sana, bitbit natin ang ating Bibliya araw-araw at nagbubuklat nito para magnilay ng salita ng Diyos. Sana, pumuopunta rin tayo sa kung saan pinapahayag at pinapaliwanag ang salita ng Diyos - sa Misa, seminar, Bible study and sharing. Sana nakikinig din tayo sa salita ng Diyos kapag nagdadasal tayo ng tahimik at mahaba. Nababasa rin natin ang salita ng Diyos sa mga nangyayari sa buhay natin. Kapag dinala natin ang ating mga karanasan sa panalangin at pinagnilayan ito, maririnig natin ang gusto ng Diyops sa atin.



Gawin natin gawi o 'habit' ang pakikinig sa kanyang salita. Mababago ang buhay natin, sigurado yun!



MANALANGIN:

Panginoon, gawin maging laging bukas ang aking isip at puso sa pakikinig ng iyong salita. Bigyan mo rin ako ng kakayahang tuparan ang mga ito sa aking araw-araw na buhay.

Thursday, October 7, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-08-10)

LUKAS 11: 15-26

15 Subalit sinabi naman ng ilan sa mga naroon, "Nakapagpalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo."

16 May ilan namang, sa pagnanais na siya'y subukin, patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himalang mula sa langit. 17 At dahil alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila, "Ang kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat ay babagsak at ang sambahayang nag-aaway-away ay mawawasak. 18 Kung may mga pangkat sa kaharian ni Satanas na naglalaban-laban, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung sa kapangyarihan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21 "Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.

23 "Ang hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat."

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu

24 "Kapag umalis sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, 'Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.' 25 Sa pagbabalik niya ay matatagpuan niyang malinis at maayos ang bahay. 26 Kaya't, lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon."



MAGNILAY:

Sinasaad ng ating Ebanghelyo ngayon ang posibilidad ng pagbabalik ng masamang espiritu sa atin kapag ito ay umalis na. At sa kanyang pagbabalik, magiging mas malala ang magiging kalagayan natin. Paano natin ito uunawain?



Kung uunawain natin ito ngayon, ito ay tumutukoy sa ating pakikibaka laban sa masama at laban sa kasalanan. Alam natin na ang ating pinakamahigpit na kaaway ay kasalanan. Kaya araw-araw ay inuusisa natin ang ating konsensiya. Araw-araw nagdadasal tayo ng pagsisisi. Araw-araw pinapanibago natin ang pagtakwil sa masama. At sa mga pagkakataong malaki ang ating nagagawang kasalanan, dumudulog agad tayo sa Sakramento ng Kumpisal upang tumanggap ng pagpapatawad at pakikipagkasundo. Ang pagsisisi ay pangunahing sangkap ng Kristiyanong espiritwalidad.



Pero hindi sapat ang magsisi lang. Hindi sapat na ibsan lang natin ang ating konsensiya ng kasalanan. Hindi lang sapat na maglinis tayo ng ating budhi at tapos na. Ang pag-alis ng masama sa ating kalooban ay dapat palitan natin ng aktibong pagkilos ng mabuti. Hindi sapat ang mapatawad lamang. Hindi sapat na itigil lamang ang dating masamang hilig at gawain. Dapat itong palitan ng bagong gawa, ng bagong hilig na mabuti, ng bagong istilo ng buhay na nakatuon sa paggawa ng mabuti. Kung hindi, malamang-lamang, babalik tayo sa dating kasalanan at mas malala pa.



Kailangan gumawa tayo ng mabuti sapagka't sa pamamagitan nito, nakakabuo tayo ng bagong ugali, bagong kinahihiligan at kinagagawian na nakatuon sa mabuti. Ang kasalanan ay may kinalaman sa kinagawian o 'habit.' Minsan alipin tayo ng kasalanan kasi nakagawian na natin. Ayaw man natin pero nasanay na tayo at ang hirap kumawala sa nakasanayan na. Kailangan itong putulin at bumuo ng bago na hahatak sa atin sa kung ano ang mabuti. Sa ganitong paraan, maghihirapang bumalik uli ang masamang espiritu ng pagkakasala. Kung hindi tayo makakabuo nito, mas madalaling bumalik ang espiritung ito. At tayo ay babalik at babalik sa dati nating kasalanan kahit napakaraming beses na natin itong naikumpisal.



Maitutulad natin sa baso ang ating sarili. Kapag inalisan natin ito ng laman, dapat punuin naman ng bagong laman. Kung inalis natin sa atin ang masama, dapat palitan ng mabuti. Kung may lamang mabuti, walang nang mapaglalagyan pang muli ang masama. Pero kung walang laman, libreng-libre itong malalagyan muli ng pagkakasala na mas malala pa.



MANALANGIN:

Panginoon, huwag lang sana akong magsisi sa aking mga kasalanan. Tulungan mo akong magsimula ng bagong paraan ng pamumuhay na mag-aakay pa lalo sa akin sa kabutihan. Punuin mo ang aking puso ng iyong grasya upang walang mapaglagyan ang espiritu ng kasamaan.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-07-10)

LUKAS 1: 26-38

Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"

29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."

34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.

35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."

38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel.



MAGNILAY:

Ang Sto. Rosario ay isang panalangin kung saan pinagninilayan natin kung paano tinupad ng Diyos ang kanyang pangakong pagliligtas sa pagdating ng ating Panginoong Hesukristo. Sa pagninilay natin ng mga misteryo ng buhay ni Hesus, sinasariwa natin kung paano noon pa man ang Diyos ay pumasok sa kasaysayan ng tao upang magpakilala at ipaalam ang kanyang planong pagliligtas. Lahat ng pangako ng Lumang Tipan ay tinupad sa pagsusugo niya sa kanyang Anak na si Hesus. Sa pagninilay natin ng kasaysayan ng kaligtasan, nakikita rin natin kung paano ang Diyos patuloy na kumikilos sa ating personal na kasaysayan at kasaysayan ng mundo ngayon. Ang Diyos ay nangungusap sa atin sa pamamagitan ng mga pangyayari sa araw-araw nating buhay. Ang isang nananampalataya ay nagninilay at binabasa ang pangungusap ng Diyos sa nangyayari sa kanyang buhay at sa buong mundo. Kaya nga, ang Rosaryo ay nagtuturo sa atin magnilay ng mga pangyayari. Ito ang paraan ng pagpapakilala ng Diyos ng kaniyang sarili at ng kanyang plano. Habang binabalikan natin ang aklat ng nakaraan, binubuksan naman natin ang aklata ng kasalukuyan. Sa gayong paraan, naliliwanagan tayo sa kilos ng Diyos ngayon.



Ang Sto. Rosario ay panalanging pagpaparangal din sa Ina ng Panginoon, ang Mahal na Birheng Maria, na sa buhay niya nagningning ang grasya ng Diyos. Napupuno siya ng grasya ng Panginoon. Siya ay larawan ng nilalang na lubos na kinalugdan ng Diyos. Sa kanya, nagkatawang-tao ang Anak ng Diyos. Ang pagpaparangal kay Maria ay pagpaparangal sa Diyos na nagbigay-dangal sa kanya. Siya'y inspirasyon natin sa pagtahak sa landas ng kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos. Sa mga misteryo man ng tuwa o hapis, ng liwanag at luwalhati, ang Diyos ay naroon upang maging kaagapay natin.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo kaming pahalagahan ang mga pagpapakilala mo sa amin sa kasaysayan ng aming buhay. Tulungan mo kaming mabasa ang iyong salita sa mga nangyayari sa aming buhay upang lubos kaming makatugon sa banal mong pagtawag.



Mahal na Birhen ng Sto. Rosario, ipanalangin mo kami.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-06-10)

LUKAS 11: 1-4

1 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, "Panginoon, turuan nga po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad." 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,

'Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.Nawa'y maghari ka sa amin.

3 Bigyan mo kami ng aming kakainin sa araw-araw.

4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.At huwag mo kaming hayaang matukso.'"



MAGNILAY:

Ang ituro na tawaging 'Ama' o 'Tatay' ang Diyos sa panalangin ay isang radikal at robolusyunaryong aral ni Hesus. Sino ang tatawag na 'Tatay' sa Diyos na Makapangyarihan? Sino ang tatawag sa kanya ng gaya ng pagtawag natin sa sarili nating mga ama? Sa mata ng mga eksperto sa kabanalan, isa itong kalapastanganan. Hindi mo dapat ibaba sa lebel ng tao ang Diyos na Lumikha at May-akda ng lahat sapagka't siya ay Walang Hanggan, ang Di-Maarok, ang Dakilang Mahiwaga, ang Pinaka!



Pero hindi ito ang isip ni Hesus. Sa pagtuturo niya ng panalangin, sinabi lang niya na tawagin ang Diyos na 'Tatay.' Oo, Makapangyarihan siya. Oo, siya ang Dakilang Maylikha. Oo, siya ang Walang Hanggan. Pero sa ang Diyos na Ubod Taas na ang tanging hangad maging malapit sa atin lalo na sa panalangin. Kapag nakikipag-usap tayo sa kanya, ang gusto niya relasyong tatay-anak, hindi amo-alipin bagama't alipin talaga tayo sa harap ng dakilang Diyos!



Kaya't kung may katangian ang Kristiyanong panalangin, ito ay pagiging malapit (intimate) at simple. Hindi kailangan ng Diyos ng mga mabulaklak at sopistikadong mga salita para kausapin siya. Ang hinahanap lang niya ay sinseridad ng isang anak na nakikipag-usap sa kanyang Tatay.



Ang dasal na 'Ama, Namin' ay dasal din ng isang anak na naghahangad na lumago at maging isang ganap at responsableng tao at anak. Ang dasal na ito ay para sa mga anak na malaki na (adult) at gustong lumaki at mag-mature. Hindi ito para sa mga anak na suwail, walang intensyong lumago sa sarili, tatamad-tamad sa buhay, walang gana sa panalangin at buhay. Ang palatandaan ng pagiging ganap na tao o adulthood sa mga Hudyo ay yung nakikinig at sumusunod sa karunungan ng kanilang ama. Malayo sa konsepto natin ngayon. Parta sa ating makabagong tao, ang pagiging ganap na tao o adulthood ay yung malaya ka na sa impluwensiya ng magulang. Habang napuputol ang relasyon mo sa magulang mas lalo kang nagiging ganap. Sa Diyos, hindi. Habang natututo tayong isabuhay ang salita ng ating Amang nasa langit ay lalong napapatunayan natin ang ating paka-responsableng anak. Kapag dinadasal natin ang Ama Namin, ito ay sa espiritu ng pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Ama. Si Hesus ay lalong naging Anak noong nasa hardin ng Getsemani kung saan sa kabila ng hirap na haharapin ay nasabi niyang 'Ama, maganap nawa ang iyong kalooban, hindi ang akin.'



Sa susunod na dadasalin mo ang Ama Namin, magawa mo nawa ang dasal na ito na may pagiging malapit sa kanyang kalooban at simplisidad; may sinseridad at intensyon na maging responsableng anak ng Kagalang-galang nating Ama sa langit.



MANALANGIN:

'Tay, sundin ang loob mo dito sa lupa para ng sa langit.

Monday, October 4, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-05-10)

LUKAS 10: 38-42

Dumalaw si Jesus kina Marta at Maria

38 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta 39 at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, "Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nagiisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako."

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya."



MAGNILAY:

Sa bilis ng takbo ng buhay ngayon, hindi tayo magkanda-ugaga para magawa ang mga dapat nating gawin. Sobrang abala natin. Palipat-lipat at papalit-palit ng pinagkakaabalahan. Minsan, kulang ang maghapon para matapos ang lahat ng dapat gawin. Tulog ka na sa gabi pero tumatakbo pa rin ang isip para sa susunod na araw. Kaya lang, sa gitna ng pagkaabala, naaalimpungatan na lamang tayo na parang may malaking kulang sa kalooban natin. Hindi porke abala ka at nagagawa mo ang obligasyon mo ay okey na. Minsan, nakikita na lang natin ang sarili nating nalulunod sa mga ginagawa natin. Ang dami-dami minsan pero may kawalan. Hindi kaya dahil sa hindi natin natutumbok ang talagang mahalaga?



Totoo nga, masyado ang trabaho natin at madalas naisasaalang-alang ang talagang mahalaga. Una. ang pangangalaga sa sarili hindi lang katawan pero lalo't higit ang kalooban, ang kaluluwa, ang espiritwal na paglago. Napapakain pa ba natin ang ating isip? Nagkakaroon pa ba siya ng laman? May mga bago ba tayong natututunan? Nahahamon pa ba ang ating pananaw sa mga bagay-bagay, ang ating opinyon, ang ating talino?



Ikalawa, ang puso, ang kaluluwa. Napapatibok pa ba ng pag-ibig ang ating puso? Alam pa ba natin ang init ng nagmamahal? May nagmamahal pa ba sa atin? Kumusta ang relasyon sa pamilya? Puro lang ba tayo materyal na pangangailangan? May panahon pa ba tayong makinig at makipag-usap sa isa't-isa? Sa Diyos, may panahon ba tayo? Sa panalangin? Sa pakikinig at pakikipag-usap sa kanya?



Pangatlo, relasyon sa mundo. Ang pinagkakaabalahan ba natin ay uri ng serbisyo sa sangkatauhan? Hangga't hindi natin natutuklasan kung paano tayo makakaambag sa ikabubuti ng mundo, hindi natin mararanasan ang kaganapan sa buhay. Kung nagtratrabaho lang tayo para kumita at hindi dahil ito ang akmang paraan sa atin para magbigay serbisyo sa mundo, hindi tayo magiging maligaya sa ginagawa natin. Hindi lang suweldo ang usapan sa trabaho kundi kaligayahan na nanggagaling sa katotohanang dahil sa trabahong ito ay nakakapag-ambag ako sa kabutihan ng mundo. Ito ang aking munting kontribusyon sa mundo.



Totoo nga ang mensahe ng Ebanghelyo: "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya." Maraming ginagawa pero ano ba talaga ang kailangan lamang? Maraming pinagkakaabalahan pero ano nga ba ang tunay na mahalaga lamang? Ilan ang Marta sa atin; ilan din ang Maria?



MANALANGIN:

Panginoon, gawin mo akong masaya sa aking ginagawa. Maging daan nawa ito para matuklasan ko ang lalong mahalaga. Tulungan mo akong talikdan ang mga hindi naman talaga kailangan.

Sunday, October 3, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (10-04-10)

LUKAS 10:25-37

Ang Mabuting Samaritano

25 Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. "Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?" tanong niya.

26 Sumagot si Jesus, "Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?"

27 Sumagot ang lalaki, "'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;' at 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.'"

28 Sabi ni Jesus, "Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan."

29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, "Sino naman ang aking kapwa?"

30 Sumagot si Jesus, "May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.'"

36 At nagtanong si Jesus, "Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?"

37 "Ang taong tumulong sa kanya," tugon ng abogado. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Sige ganoon din ang iyong gawin."



MAGNILAY:

Minsan nasusukat ang iyong pagmamahal hindi sa kung paano ka magmahal ng isang kaibigan kundi kung paano ka magmahal ng kapitbahay. Yung kaibigan, napipili siyempre yan. Ang kaibigan umuusbong kapag may parehong interes o nagkakapalagayan ng loob o nagkokomplemento ng personalidad. Dahil dito may mutual na atraksyon na nagiging madali para mahalin ang isa't-isa.



Pero ang kapitbahay hindi! Masuwerte ka kung mabait ang iyong kapitbahay. Masuwerte ka kung hindi sakit ng ulo ang kapitbahay. Sabi nga, mas mabuting magkaroon ng mabuting kapitbahay kaysa malayong kaibigan. Hindi mo pinipili ang iyong kapitbahay. Kung sino ang dumating at kung sino ang nariyan. Kapitbahay mo yan. Dapat mong pakisamahan. Dapat mong pakitunguhan. Dapat mong pakitaan ng pakikipag-kapwa-tao. Ang mas masaklap pa, permanente mo siyang kasama malibang lumipat ka o siya ng bahay. Araw-araw mo rin siyang nakikita. Magkapitbahay kayo araw at gabi, pitong araw sa sanglinggo. At kapag natutunan mo siyang mahalin at ituring na kapwa at kaibigan, isang malaking tagumpay.



Siguro kaya 'neighbor' ang ginamit na salita sa utos ni Hesus na magmahal. Hindi lang ito patungkol sa kapwa na pangkalahatan. Marahil, literal na kapitbahay ang ibig sabihin nito. Bakit nga hindi? Nasusukat nga ang laki ng ating pagmamahal sa kapitbahay.



Sa Talinhaga ng Mabuting Samaritano, ang kapwa ay hindi lamang yung kaibigan o kakampi o kalahi. Ang kapwa ay kahit sino na nangangailangan. Walang sinisino. Lahat dapat ituring bilang kapwa. Walang pinipili. Para talagang kapitbahay na hindi mo kontrol kung sino. Basta kapitbahay ay kapitbahay na dapat pagmalasakitan.



Mahalin natin ang ating kapwa lalo kung sino ang nangangailangan. Pero magsimula sa mga kapitbahay natin. Baka minamahal at tinutulungan mo ang iba pero kapitbahay mo hindi. Ni hindi mo pinapansin. Ni hindi mo binabati. Ni hindi mo kinakausap. A, kasi talagang masama ugali ng kapitbahay mo. Pag gumawa ka ng mabuti, ni hindi man lang magpasalamat kahit konti. Yung iba masarap tulungan kasi may pasalamat na, napapansin pa ng iba. May bonus na papuri. Pero sa kapitbahay mo, naku....! Pero, uulitin natin, ang tunay na pag-ibig sa kapwa nasusukat kung paano mo ito natutupad sa talagang kapoitbahay mo! Love your NEIGHBOR ... as yourself!



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong magmahal ng kapwa kahit sino pa man sila basta't nangangailangan. Pero turuan mo akong magsimula sa aking kapitbahay. Nawa maging mabuting kapitbahay ako sa kaninuman magkalayo man ng bahay o yung mismong katabing bahay ko. Maramdaman nawa nila na may kapitbahay silang may malasakit na tulad mo.