Sunday, September 12, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-11-10)

LUKAS 6: 43-49

Sa Bunga Makikilala ang Puno

43 "Walang mabuting punongkahoy ang namumunga ng masama, at wala ring masamang puno ang namumunga ng mabuti. 44 Nakikilala ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. 45 Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong tigib ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi."

Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay

46 "Bakit ninyo ako tinatawag ng 'Panginoon, Panginoon,' gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? 47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. 48 Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakikinig naman ng aking mga salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang bumaha at bumugso ang tubig sa bahay na iyon, kaagad itong bumagsak at lubusang nawasak."



MAGNILAY:

"Kung ano ang itinanim, siyang aanihin."



Ito ay kasabihang Pinoy na nagpapalawak pa ng mensahe ng ating Ebanghelyo. Oo, kung ano ang puno siyang bunga pero tayo ang nagtatanim ng puno at kung ano ang itinanim natin siyang aasahan nating anihin. Kung sa una pa lang, masamang puno na iyan, alam na natin kahit papaano ang inaasahan nating aanihin. Kapag mabuti ang itinanim, siyempre mabuti ang aanihin.



Ito siyempre ay tungkol sa kung paano natin kusang hinuhubog ang sarili natin - ang pag-iisip, opinyon at paniniwala natin, ang ating ugali at mga pinahahalagahan (values), sa madali't sabi, ang ating buong kalooban. Sa mga pinipili natin ngayon, mga ginagawa at pinagkakaabalahan, mga gawi (o habits) at istilo ng buhay, sa lahat ng ito, ano ang itinatanim nito sa sarili natin? Paano nito hinuhubog ang buo nating sarili? Mabuti ba o masama? Anong uri ng puno ang ating inaalagaan sa ating sarili?



Minsan kailangan ng pag-uusisa ng sarili. Hindi natin alam, ang ugat pala ng mga masasamang bunga sa buhay natin ay tayo mismo. Madalas tayong manisi ng iba. Akala natin, biktima tayo ng kasamaan ng iba. Hindi natin alam, nasa sistema pala natin ang maging biktima. Tayo ang nag-aalaga ng puno na masama ang bunga. Kailangang laging komprontahin ang sarili, hamunin kung kinakailangan para magbago. Mas masaklap kapag nasanay na tayo sa masamang puno at bulok na bunga. Hindi na natin kilala ang magandang bunga.



Ang Salita ng Diyos siyempre ang pinakamainam na pandilig at pampataba sa puno ng ating sarili. Kung babad tayo sa kanyang aral, nagtatanim ito ng mga mabubuting binhi sa atin. At sa tulong ng ating pagdadasal at grasya ng Diyos at ng araw-araw nating pagsisikap mamuhay ng ayon sa kanyang salita, tutubo ang mabuting binhi, lalago at magsasanga, at mamumunga para sa kapakinabangan ng lahat. Magtanim tayo ng mabuting puno, aani tayo ng magandang bunga.



MANALANGIN:

Panginoon, diligin mo ng iyong salita at biyaya ang aming puso't kaluluwa. Anumang hindi maganda sa amin, tulungan mo kaming iwaksi at alisin. Akayin mo kami upang makapamunga kami ng mga magagandang gawa sa ikalalaganap ng iyong paghahari.

Wednesday, September 8, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-09-10)

LUKAS 6: 27-38

Ang Pag-ibig sa Kaaway

27 "Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. 31 Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.

32 "Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Ang mga makasalanan man ay marunong ding magmahal sa mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung ang mga nagmamabuti lamang sa inyo ang inyong gagawan ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! 34 At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. 35 Sa halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. 36 Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama."

Ang Paghatol sa Kapwa

37 "Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo paparusahan ng Diyos. Patawarin ninyo ang inyong kapwa at kayo'y patatawarin din ng Diyos. 38 Magbigay kayo at kayo'y bibigyan ng Diyos; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo."



MAGNILAY:

Sinong gustong may kaaway? Walang taong nasisiyahan kapag may kaaway siya. Kahit minsan, nabibigyan natin ng dahilan bakit may inaaway tayo, pero sa pagtulog natin sa gabi, mas mamatamisin natin na matutulog tayong walang kaaway. Malaking pasanin sa isip at kalooban ang may kaaway. Hindi normal ang may kaaway.



Mahalin mo ang iyong kaaway! Parang kahangalan ang utos na ito. Paanong mamahalin ang kaaway? Paanong magsasanib ang dalawang magkasalungat? Kaaway nga eh, paanong mamahalin? Pag minahal mo siya, hindi na siya kaaway!



Ito nga ang punto ni Hesus. Para mawalan ka ng kaaway, magsimula kang magmahal kahit yung nakasakit sa iyo. Sa ganitong radikal na paraan, naiiwasan natin ang mas malalang sakitan ng dalawang nananatiling magkaaway. Habang kaaway mo ang isa, hindi natatapos ang pag-iisip mo ng paghihiganti. Hindi matatapos ang pag-iisip mo na mapahamak ang isa at kahit ikaw pa ang gagawa noon. Hindi matatapos ang negatibong pag-iisip sa kapwa. At kahit alam mong mas lalong bumibigat ang kalooban mo, nagsisimula kang masiyahan kapag nakakasakit ka ng iba. nagsisimula kangh maging komportable kapag nasasaktan ang iba. Kasi nga, meron kang rason - sinaktan niya ako, dapat lang na masaktan din siya - mas higit. Sa huli, magigising ka na lang, pareho kayong talo sa ganitong uri ng diskarte.



Radikal ang utos ni Hesus, oo, pero ito lang ang tanging paraan. Sa utos na ito, hinahamon tayong magmahal sa posibleng pinakamalaking paraan na kaya natin. Ang pagmamahal sa kaaway ay hindi pagmamahal sa kaunti o maliit na paraan. Kaya nga, mahirap pero posible. May sinasakripisyo lalo na ang "pride." May sinasang-tabi lalo na ang hangad na maghiganti. Ito'y isang uri ng pagsusugal na sa kabila ng masamang nagawa sa iyo ng iba, susubukan mong tingnan siya sa positibong paraan at hanapin ang mabuti sa kanya. Binibigyan mo siya ng pagkakataong maging mabuti muli - isang napakadakilang pag-ibig.



Ang pagmamahal sa kaaway ay pag-ibig ng Diyos sa atin. Minahal niya tayo sa kabila ng ating pagtalikod. Minahal niya tayo sa kabila ng hindi natin pagiging karapat-dapat. Nagmahal siya ng walang kondisyon. Mahal niya ang lahat - masama o mabuti. Puno siya ng pag-ibig. Kaya naman, walang kaaway ang Diyos!



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong magmahal sa pinakamalaking paraan. Matutunan ko nawang mahalin maging ang mga nakaksakit sa akin. Ako man, nakasakit ng kapwa at hindi ko gugustuhin na pagkaitan ako ng pagkakataong baguhin ang aking mali. Ganun ko rin nawa ituring ang mga nakasakit sa akin. Matuluran ko nawang gayahin ang pag-ibig mo - pag-ibig na walang kondisyon!

Monday, September 6, 2010

DAily Gospel Reflection by Fr. Rey An YAtco (09-07-10)

LUKAS 6: 12-19

Pinili ang Labindalawa

12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, pumili siya sa kanila ng labindalawa, at sila'y tinawag niyang mga apostol. 14 Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiagong anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, 16 si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Nagturo at Nagpagaling si Jesus

17 Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 18 Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihan siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman.



MAGNILAY:

Maging si Hesus ay hindi nag-isa sa kanyang pagtupad ng kanyang misyon. Bumuo siya ng isang grupo ng kolaborasyon para mas maging epektibo ang gawaing pagliligtas sa lahat. Mas marami, mas sari-sari ang mga opinyon, suhestiyon at istratehiya na magpapalawak sa misyong ito. Hindi nagmagaling si Hesus na kaya niya ng siya lang. Alam niya ang kahalagahan ng pagbabahagi ng responsibilidad.



Pero bakit nga kaya may mga taong mas gustong solohin ang lahat? May mga taong akala nila sila ang tagapagligtas ng mundo? Bakit nga kaya may mga hindi kampante kapag nagbibigay ng opinyon ang iba? Bakit may inseguridad kapag may kasamang iba? Kung ikaw ito, bakit nga ba? Natanong mo na ba ang iyong sarili?



Maraming maaaring maging dahilan. Pero ang malinaw, wala sa normal na disposisyon at motibasyon ang mga taong hindi kayang makipagtulungan sa iba. Dapat basahin ang nasa likod ng utak nito kahit pa sabihing banal na gawain ang kanyang kinalalahukan.



Nakakalungkot kung ang mga Kristiyanong komunidad na inatasang maglingkod ay walang kolaborasyon. Minsan, ang mga grupo ay nagkakanya-kanya. Hindi mo matipon para sa isang layunin. Laging may pagalingan sat kompetisyon. Langis at tubig minsan ang mga relasyon. Mas malungkot kung mismong ang mga pari at mga liders ng komunidad ang hindi magkasundo.



Wala sa plano't istratehiya ni Hesus ang pag-iisa. Sa simula pa, komunidad na ang Simbahan ng nagtutulungan. May mga pagtatalo minsan pero iisa ang layunin at hangarin. Ang Espiritu Santo mismo na kaloob ni Hesus ay Diyos ng pagkakaisa.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, gabayan mo ang iyong Simbahan na maging isang komunidad ng kolaborasyon. Tulungan mo ang bawa't-isa na matutong makipagtulungan sapagka't ito'y palatandaan ng maturidad ng isang indibidwal at ng komunidad.

Sunday, September 5, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-06-10)

LUKAS 6:6-11

6 Isang Araw ng Pamamahinga rin noon nang pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. 7 Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. 8 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito sa unahan." Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo, "Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?" 10 Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay!" Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.

11 Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat nilang gawin kay Jesus.



MAGNILAY:

Humihirit pa, nakorner na nga!



Ito ang pinakamagandang pagsasalarawan sa mga Pariseo na nagdudunung-dungunan sa Batas. Gusto nilang ikorner si Hesus pero sila ang nakorner. Ibinato na naman nila sa kanya ang isang isyu tungkol sa Sabat, o Araw ng Pamamahinga. Para sa kanila, ang Sabat ay nagiging banal sa pamamagitan ng pamamahinga lamang. Sobrang nahibang sila sa konsepto ng pamamahinga kaya't pati pagtulong sa isang naghihirap dapat magpahinga? Isa talagang kahibangan. Sa hartap ng isang taong nagdurusa, ang tawag ng pagmamalasakit ay nangingibabaw sa lahat ng ibang batas. Mas mahalaga ang kapakanan ng tao kaysa ritwal. Puwedeng isang-tabi muna ang ritwal at tumulong sa kapwa. Kahit ordinaryong lohika ay magsasabi na una muna ang kalagayan ng kapwa. Isa pa, ang Sabat ay pagtuon sa kabutihang-loob ng Diyos. At ano pa bang mas hihigit sa pagtulong sa kapwang nagdurusa upang ipahayag ang kagandahang-loob na ito ng Diyos?



Malinaw pa sa sikat ng araw ang katotohanan pero sa ayaw makinig, walang paliwanag; sa ayaw makakita, walang ebidensiya; sa ayaw magsalita, walang argumento. Ang ayaw sa katotohanan, walang paraan. Nakakaawa ang mga Pariseo na pinili ang sariling kayabangan huwag lang masabihan na nakinig sila sa isang ordinaryong taong tulad ni Hesus.



Bukas ba tayo sa totoo? Lingkod ba tayo ng katotohanan? O namimili tayo ng kung ano ang totoo? Depende ba sa kung sino ang nagsasabi? Kaya ba nating magpakumbaba at sabihing nagkamali tayo ng pananaw tungkol sa katotohanan?



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong maging bukas sa katotohanan kahit minsan ito ay masakit. Huwag sana akong maging sarado dahil lang sa hindi ko matanggap na nagkamali ako. Akayin mo ako sa kalayaang dulot ng pagiging nasa katotohanan.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-04-10)

LUKAS 6: 1-5

1 Isang Araw ng Pamamahinga, nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga uhay ng trigo at kanila itong kinain matapos kuskusin sa kanilang mga kamay. 2 "Bakit kayo gumagawa ng bawal sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?" tanong ng ilang Pariseo.

3 Sinagot sila ni Jesus, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? 4 Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na tanging mga pari lamang ang may karapatang kumain? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama." 5 At sinabi pa ni Jesus, "Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga."



MAGNILAY:

Kailan pa naging kasalanan ang alalahanin ang mga nagugutom? Kailan pa naging masama ang isipin ang kanilang kapakanan?



Ito ang tugon ni Hesus sa mga Pariseo sa uri ng pangingilin nila sa araw ng Pamamahinga. Nasobrahan ang pagtuon nila sa pamamahinga - kaya pati paggawa ng mabuti kailangan na ring ipahinga - kaya't nalihis ang pag-aakala nila na sa pamamahinga napapapurihan ang Diyos. Hindi ang pamamahinga kundi ang paggawa ng mabuti sa kapwa ang lalong nagbibigay ng papuri sa kanya. May araw ng Pamamahinga, oo, pamamahinga sa araw-araw nating gawain para mailaaan natin ang buong sarili sa Diyos. Pero hindi ibig sabihin, mamahinga pati sa kanyang gawaing magmalasakit sa mga nangangailangan lalo ang mga gutom, maysakit, at ibang may dinaramdam sa buhay. Mas lalo ngang napapapurihan ang Diyos sa gawaing pagmamalasakit sa kapwa.



Para sa ating mga Kristiyano, huwag lang sanang pagsisimba ang nasa isip natin kapag dumarating ang Araw ng Linggo - ang araw ng Panginoon. Mas nagiging makahulugan at makabuluhan ang pagpapabanal at pangingilin natin sa araw na ito kung ilalaan natin ito sa pagtulong sa mga nangangailangan. Mag-isip tayo ng mga gawaing magpapagaan sa dinadala ng ating kapwa. Maraming mga kababayan natin na kahit gusto nilang magpahinga sa araw ng Linggo, hindi puwede. Sa hirap ng buhay, kailangang kumayod. Para sa kanila, bisyo ang mamahinga.



Baka puwede tayong magserbisyo gamit ang ating propesyon ng libre pag araw ng Linggo. Puwede rin tayong mag-volunteer sa mga iba't-ibang gawaing pagtulong kasama ang buong pamilya. Bakit hindi bumisita sa mga maysakit, nasa piitan, mga ulila. Magandang paghubog ito sa isip at puso ng mga bata at kabataan lalo't kasama nila ang mga magulang sa ganitong gawain. Mas malaki ang magagawa ng mga organisadong grupo lalo na sa Simbahan. Maging tatak nawa ng araw ng Linggo ang pagsisimba at pakikilahok sa gawaing pagtulong. Sa ganitong paraan, napapapurihan lalo ang Diyos at napapabanal lalo ang Araw ng Pamamahinga, ang Araw ng Panginoon.



MANALANGIN:

Panginoon, mapapurihan nawa kita sa pamamagitan ng gawaing pagmamalasakit sa mga nangangailangan.

Tuesday, August 31, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-01-10)

LUKAS 4: 38-44

38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.

40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Pinalayas din niya ang mga demonyo sa mga taong sinasapian ng mga ito. Lumabas silang sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.



42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, "Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, sapagkat iyon ang dahilan kaya ako isinugo." 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.



MAGNILAY:

Maraming manggagamot ang nagsasabing maraming pisikal na sakit ngayon ay bunga ng karamdaman ng isip, ng kalooban, ng kaluluwa. Minsan, nananahan ang galit sa ating puso. May mga kinikimkim tayong emosyon na dapat talagang harapin pero hindi natin nahaharap. May mga dapat ipagkasundo sa kalooban natin. Nangangailangan tayo ng pakikipagkasundo sa sarili natin, sa Diyos at kapwa. Walang magbigay lakas at kasiguruhan sa atin para komprontahin ang mga maseselang bagay na ito. At dahil nga dito, lumalabas ito sa mga sakit natin sa katawan.



Sa panahon ni Hesus, marami siyang pinagaling at ginamot. Konsepto nila noon na ang sakit ay may kinalaman sa pananahan ng masamang espiritu sa katawan ng tao. Kaya't twing manggagamot si Hesus ay kinakausap niya ang sakit at pinalalayas ito. Sa pamamagitan ng makapangyarihang salita niya nagpapagaling ang Panginoon.



Ang salita ng Panginoon ay patuloy na nagpapagaling sa ating panahon ngayon. Ang salita niya ang pumapawi sa ating mga pag-aalinlangan at pagkabahala na wala na nga tayong pag-asa. Pero, kapag nakinig at tinanggap natin ang kanyang salita, tumatapang tayo. Nagagawa nating makipagkasundo sa ating sarili, sa Diyos at sa kapwa. May nakakawala sa kalooban natin kaya't nagkakalakas ng loob tayo para komprontahin ang matagal na nating iniiwasan.



Ganito kabisa ang salita ng Diyos. Pinalalayas nito ang espiritu ng kaduwagan, ng pag-aalinlangan, ng pagmamatigas ng loob, ng kayabangan, ng galit, ng inggit, ng kawalang-pag-asa, ng takot. Kapag nakinig tayo sa kanyang salita, may pagkakasundong nangyayari sa ating loob.



Bumabad tayo sa kanyang salita. Una, maglaan ng oras ng pananahimik araw-araw kahit anong abala mo sa anumang gawain. Pumunta sa pinakasulok ng iyong mundo at makipagtagpo sa iyong Diyos na nananabik na makipagtagpo sa iyo. Manahan ka sa kanyang pagmamahal. Sa pananahimik, magsasalita siya sa iyong puso. Makikinig ka sa pamamagitan din ng iyong puso.



Magbuklat ng Bibliya. Namnamin ang mensahe nito at dalhin sa pananalangin. Magsasalita siya sigurado sa iyong puso. Magbuklat din ng mga babasahing espiritwal. Huwag maging kuripot sa pagbili ng mga ganitong uri ng babasahin. Gumagasta ka nga sa mga babasahin at mga panooring alam mo namang magdadala sa iyo sa kasalanan. Pakainin ng tama ang kaluluwa at huwag ang mga mensaheng malaswa, mahalay, bayolente, materyoso, banidad, at lahat ng uri ng kamunduhan. Salita lang ng Diyos ang pagkain ng kaluluwa, ng isip, ng puso.



Magsikap gumawa ng mabuti araw-araw lalo na sa mga taong araw-araw mo ring nakakasalamuha kahit hindi ka nila napapansin. Ang paggawa ng mabuti ay pagkain din at gamot sa puso nating may espiritwal na karamdaman. Ang pag-ibig, ang pagmamalasakit, ay bitamina ng kaluluwa. Kung nagpupunla ka ng binhi ng pag-ibig, mabubuhay ang iyong espiritu.



Iwaksi ang pagkamakasarili. Kahit minsan parang agrabyado ka. Mas mabutoi kung mas higit kang nakakapagbigay. Huwag kang makipagtawaran. Wala ka sa palengke. Huwag kang magbilang ng mabuting ibinibigay mo. Bigay ka lang ng bigay. Sa gayon, mahihilom ang iyong kalooban.



Ito at marami pang iba ang mga paraan para makapakinig tayo sa salita ng Diyos. Manalig sa kanyang salita. Nakagagaling ito!



MANALANGIN:

Panginoon, magsalita ka! Nakikinig ang iyong lingkod.

Thursday, August 26, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-26-10)

MATEO 24: 42-51

42 Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Tandaan ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman."



45 "Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? 46 Mapalad ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! 47 Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, 'Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.' 49 Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang ibang mga alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. 51 Buong higpit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin."



MAGNILAY:

Marami tayong pinanghihinayangan sa buhay kasi hindi natin pinaghandaan, kasi hindi natin sineryoso, kasi hindi natin pinahalagahan, kasi binalewala natin, kasi hindi natin pinrayoridad... Sayang, sayang. Kung sana, kung sana...pero huli na. Wala na.



Ito ang babala ni Hesus. Maghanda. Hindi natin alam ang oras. Para itong magnanakaw na dumarating ng bigla. Kawawa ka kapag nadatnan kang nangangapa.



Nasa huli ang pagsisisi. Hindi na maibabalik pa ang kahapon. Kaya't sa bawa't sandali gawin ang pinakamainam, ang pinakamabuti. Huwag mag-aksaya ng oportunidad. Minsan lang ito kumatok. Kapag hindi ka nakapagbukas, baka wala ka nang pagbubuksan pa.



MANALANGIN:

Panginoon, maikli ang buhay. Marupok din ito. Kaya't ang pinakamagandang maaari kong gawin ay gawin ko na ngayon, hindi bukas. Gawin mo akong handa sa kahit anupamang maaari kong maingkwentro sa buhay.