Friday, April 29, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-28-11)

LUKAS 24: 35-48

35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad

36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila na nagsasabi, "Sumainyo ang kapayapaan!" 37 Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y multo ang kaharap nila. 38 Kaya't sinabi ni Jesus, "Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo."

40 Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. 41 Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, "May pagkain ba kayo riyan?" 42 Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. 43 Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako; dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises at sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit."

45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, "Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.





MAGNILAY:

Sumainyo ang Kapayapaan!





Wala na marahil ang makapagpapanatag pa ng kalooban sa pagbati na ito mula sa Panginoong muling nabuhay. Tigib ang mga alagad ng takot, pangamba, pag-aalinlangan at kalungkutan. Gumuho ang mundo nila, ang kanilang pag-asa at pangarap. Namatay ang Panginoon. Wala na ang pinanggagalingan ng kanilang lakas at pag-asa. Kaya't ang makita siyang muli at marinig ang pagbating ito, napawi lahat-lahat ang nagpapabigat, gumugulo at nagpapabagsak ng kanilang kalooban. Buhay ang Panginoon at dulot niya'y galak at kapayapaan.





Minsan, ang inaakala nating masaklap na katapusan dahil sa mga di inaasahang pangyayari sa buhay ay simula pala ng isang magandang bukas. Hindi natin puwedeng husgahan agad ang mga tinuturing nating pangit na karanasan na pangit nga. Ang pangit ay minsan nagiging daan para matuklasan natin ang maganda. Kapag nagpadala agad tayo sa kalungkutan, kabiguan, kawalan ng pag-asa at hapdi sa kalooban maaari mawala ang oportunidad ng isang bagong bukas kapag nagbukas na ang pinto nito. Kaya't sa oras ng kabiguan, tumigil sandali, magnilay-nilay at manalangin upang maging malakas na dalhin ang bigat ng karanasan ng pagsubok. At ang lakas nawang ito ang umakay sa atin tungo sa isang bagong magandang simula.





Minsan din, ang tila napakabigat na krus ng buhay ay isang biyaya palang hindi matatawaran o maikukumpara. Ang mga krus ay puwedeng maging pagmulan ng maraming positibong bagay sa buhay. Isa na rito ang lakas na nababatak kapag dumadaan tayo sa pagsubok. Walang taong matatag ngayon ang hindi nilinang ng pagsubok sa buhay. Habang may pagsubok ay lalo tayong nagiging malakas at matibay. Muli, isa itong halimbawa na akala nati'y malagim na wakas pero isa palang simula ng magandang bukas.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, punuin mo ang puso ko ng iyong kapayapaan. Kapag magulo ang buhay, sa iyo nawa kami tumakbo. Kapag napapagod kami, sa iyo kami lumapit. Habang pinaghahandaan namin ang pagharap sa mga hamon ng buhay, ikaw nawa ang pagmulan ng aming lakas, inspirasyon at pananampalataya.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-27-11)

LUKAS 24: 13-35

Sa Daang Papunta sa Emaus

13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, "Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?"

Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ni Cleopas, "Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon."

19 "Anong pangyayari?" tanong niya.

Sumagot sila, "Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buhay. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus."

25 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? 26 Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?" 27 At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.

28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya'y pinigil nila. "Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na," sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa't isa, "Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!"

33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, "Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!" 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.





MAGNILAY:

Nakilala ng mga alagad si Hesus sa paghahati-hatoi ng tinapay. Doon marahil mas naunawaan nila ang kahulugan ng Huling Hapunan bilang salu-salo na sasagisag sa kanyang patuloy na presensya sa Sambayanan kahit wala na siya. Noong iniutos niya na gawin ang Hapunang iyon bilang pag-alaala sa kanya, iyon ang magiging pinakamatibay na paraan ng kanyang patuloy na pakikisama sa komunidad.





Ang Eukarisrtiya ay sakramento ng Pagkabuhay ng Panginoon. Dito nakakapiling at natatanggap natin ang Panginoong muling nabuhay. Ito ang tandang kanyang iniwan para ipadama niya sa atin na siya'y kasama natin at siya'y buhay. Kaya't tuwing may nagkakatipon sa Hapag ng Panginoon, nakakasiguro tayong naroon siya sa gitna nila. Magbigay-pugay tayo.





Pero ang Eukaristiya ay hindi seremonyas lamang ng Misa. Ang Eukaristya ay nagpapatuloy pag-uwi natin. Doon itinutuloy natin ang Misa sa araw-araw nating ginagawa. Mas lalong nadarama natin ang Panginoon buhay sa pagmamahalan natin. Ang isang komunidad na nagmamalasakit sa isa-t-isa ay tunay na maka-Eukaristiya. Hindi sukatan ang laging nagsisimba lang. Dapat ang pagsisimba ay nasasalin sa gawaing pagmamalasakit at pagmamahalan. Doon tayo nagiging tunay na eukaristiko at nagiging banal na tanda na ang Panginoon ay kapiling natin. Nasa iyo at nasa akin at nasa atin ang Panginoong buhay kapag nagmamahalan tayo.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, patuloy ka nawang maramdaman ng lahat sa pamamagitan ng iyong mga tagasunod na nagbibigay saksi sa pagmamahalan at pagmamalasakitan. Ang iyong Simbahan nawa ay maging buhay na sakramento ng iyong mapagmahal at mapangligtas na presensya.

Monday, April 25, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-26-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - MARTES SA WALONG ARAW NA PAGDIRIWANG O OKTABA SA PASKO NG PAGKABUHAY (Abr. 26)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Tuesday, April 26, 2011 at 6:11am

JUAN 20: 11-18

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena

11 Si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Nang yumuko siya at sumilip sa loob, 12 may nakita siyang dalawang anghel na nakadamit ng puti at nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, ang isa'y sa gawing ulunan at ang isa nama'y sa paanan. 13 Tinanong nila si Maria, Babae, bakit ka umiiyak?

Sumagot siya, May kumuha po sa aking Panginoon at hindi ko alam kung saan siya dinala.

14 Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.

15 Tinanong siya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?

Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya dinala at kukunin ko.

16 Maria! sabi ni Jesus.

Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, Raboni! na ang ibig sabihi'y Guro.

17 Sabi ni Jesus, Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.

18 Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at sinabi sa kanila, Nakita ko ang Panginoon! At sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.





MAGNILAY:

Ang pinakamatamis na salita sa buong mundo ay ang ating pangalan!





Tigib ng pighati si Maria Magdalena ng malamang nawawala ang bangkay ng Panginoong Hesus. Noong siya'y mamatay, halos mamatay din ang kanyang pag-asa. Si Hesus ang nagpanibago ng kanyang buhay. Siya ang nagpakita sa kanya muli ng landas ng buhay. Kaya't nang mamatay ang Panginoon, halos gumuho ang kanyang pag-asa. Nadoble ang kanyang kapighatian at pangungulila ng malamang nawawala nga ang bangkay ni Hesus. Ito na nga lang ang natitirang alaala ng taong nagbago ng kanyang buhay. Kahit marahil ay patay na siya pero buhay pa rin ang kanyang alaala at aral at ang kanyang mga labi ang magiging daan ng kanyang presensya kahit siya'y patay na. Nguni't napawi ang lahat niyang pangungulila at pighati ng marinig niya ang kanyang pangalan na sinambit ni Hesus na Panginoong muling nabuhay. Wala ng ibang tatamis pang salita kaysa sa sariling pangalan. Ang marinig mo ang iyong pangalan mula sa isang minamahal ay tunay ngang nakakapawi ng kalungkutan, kawalan ng pag-asa, kadiliman at kapighatian.





Kapag malungkot ka rin, ibukas mo ang pandinig ng iyong puso dahil tumatawag ang Panginoon ng ating pangalan. Minsan lang, nalulunod tayo sa sarili nating kalungkutan at humihina ang pandinig ng ating puso. Natatabunan ng lungkot at pighati ang kakayanan nating pakinggan ang pagtawag ng Diyos sa ating pangalan. Pero sa panahong malungkot tayo makasisiguro tayo na doon mas lalong nilalakasan ng Panginoon ang pagtwag niya sa ating pangalan ng may buong giliw at pagmamahal. Kaya't maging gising at piliting makinig kahit inaagaw ng lungkot ang atensyon natin. Mas lalo tayong magbabad sa pananalangin dahil ang pananalangin ay pakikinig sa tawag ng Panginoon.





Ang pagtwag sa ating pangalan ay tanda ng pagsinta sa ating ng Panginoon. Tinig ng pag-ibig ang tinig na naglalahad ng ating pangalan. Ganoon ang Diyos. Hindi tayo tinuturing na alipin. Tinuturing niya tayong kaibigan o sinisinta. Ang pinakamagandang regalo niya sa atin ay yaong tawagin niya tayo sa ating pangalan.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, tulungan mong makarinig muli ang puso kong nabingi dahil sa lungkot o pagod o pagkaabala at iba pang dahilan. Marapatin mong marinig kong muli ang pangalan kong namumutawi sa iyong mga labi. Anong tamis marinig ang pagtawag mo sa aking pangalan. Papawiin nito ang lahat kong pangamba at pangungulila. Ikaw lang ang siyang saysay ng lahat sa buhay ko.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-25-11)

MATEO 28: 8-15

8 At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.

9 Ngunit sinalubong sila ni Jesus at sinabi, "Magalak kayo!" Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Huwag kayong matakot! Magmadali kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!"

Ang Ulat ng mga Bantay

11 Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lunsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. 12 Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. 13 At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, "Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay."

14 Sinabi pa nila, "Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala!"

15 Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang balitang ipinagsasabi sa mga Judio.





MAGNILAY:

Magkahalong galak at takot ang karaniwang nararamdaman natin kapag naranasan natin ang presensya ng Diyos sa buhay natin.





Una ay galak. Hindi masusukat at hindi mapapantayan ang galak na mula sa karanasan ng presensya ng Diyos. Walang makapagbibigay ng tuwa na nagmumula sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Isa itong pakiramdam na hindi maipaliwanag ng buo sa salita. Ang presensya niya ay ang kalubusan ng lahat ng ating hinahanap sa buhay. Siya ang kabuuan ng lahat. Kinukumpleto niya ang lahat ng ating hinahangad. Ganitong-ganito ang pakiramdam laolo na ng mga nakasaksi sa Panginoong muling nabuhay. Ang puso nila'y puno ng galak at tuwa.



Gayunpaman, may takot din. Sa kabila ng tuwa ay takot. Ang takot dito ay hindi yung takot ng pag-aalangan o pagdududa. Ang takot dito ay hindi yung takot dahil nasa mali kang landas. Ang takot na bunga ng karanasan ng Diyos ay kumakatawan sa responsibilidad na iniaatang sa atin kapag nakatagpo natin siya. Ang regalo ng kanyang presensya ay nagdadala sa atin upang ibahagi rin ito sa iba. Ang regalo ng kanyang pagmamahal ay hindi lang para sa atin. Bawa't kaloob ng Diyos ay binabahagi. May bago tayong misyon. May bago tayong tungkulin. Kung paanong binago tayo ng Diyos, papanibaguhin din natin ang mundo sa tulopng ng kanyang biyaya. Magiging instrumento tayo ng pagbabago. At alam natin ang hamon na maging alagad ng kabutihan. Malaking hamon ang hinaharap natin. Una, hamon ng pagbabago ng ating sarili at mga kinagawian. Ikalawa, ang hamong baguhin ang mga nasa paligid natin. Gayunpaman, ang takot na ito ay nagpapahiwatig lamang ng kaseryosohan ng pagkatagpo sa Diyos. Ang minahal ng Diyos ay kanyang tinatawag. At ang tinatawag ng Diyos ay isinisugo.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, punuin mo ang aking puso ng iyong mahal na presensya. Ito nawa ay maging hudyat upang baguhin ko ang landas ng aking buhay. Sa aking pagbabago, idamay ko rin ang pagpapanibago ng aking kapaligiran. Gawin mo akong sugo ng pagkabuhay. Maging daan nawa ako upang ang mga patay ang kaluluwa dahil sa kasalanan ay mabuhay muli dahil sa grasya ng iyong pagpapatawad at pagpapanibago.

Sunday, April 24, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-24-11)

JUAN 20: 1-9

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus

1 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. 2 Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!

3-4 Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. 5 Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga mamahaling tela. 6 Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, 7 at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. 8 Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. 9 Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan.





MAGNILAY:

Sa araw na ito ay namatayan tayo. Pero di tulad ng karaniwang karanasan natin ng namamatayan kung saan nalulungkot tayo at nagluluksa dahil sa nawalay nating mahal sa buhay, sa araw na ito namatayan tayo pero nagbubunyi tayo dahil dito. Nagsasaya tayo at nagdiriwang. Sa araw na ito namatay ang kamatayan sa atin. Sa araw na ito namatay ang kasalanan sa atin.





Ano ba ang kahulugan ng pagkamatay ng kamatayan? Ibig sabihin, sa Pagkabuhay ni Hesus, nawalan na ng kapangyarihan ang kamatayan sa atin. Ang kamatayan ay bunga ng kasalanan. Mula ngayon, ang kamatayan ay hindi na ang hantungan nating lahat. Hindi nito tinutuldukan ang buhay natin. Ngayon, kahit tayo ay mamatay, tayo ang mabubuhay magpakailanman sa piling ng Diyos. Hindi na tayo hawak ng kamatayan. Diyos na ang may hawak sa atin. Ang kamatayan at kasalanan ay kaya na nating lupigin sa grasya ng Panginoong muling nabuhay.





Sa Pagkabuhay ng Panginoon, nagwakas ang pananaw ng kamatayan. Hindi na natin tinitingnan ang realidad bilang magwawakas sa takdang panahon. Ngayon, buong pag-asa at kagalakan nating tinatanaw ang realidad sa perspektibo ng walang hanggan. Magpapatuloy ang buhay lagpas sa kamatayan. Walang wakas. Walang katapusan. Sa Diyos, lagi tayong buhay. Sa kanya, mananatili tayo.





Ang Pagkabuhay ng Panginoon ay tagumpay ng pag-ibig. Ang bunga ng pag-ibig ay ang kawalang hanggan. Hindi puwedeng ang pag-ibig ay magwawakas lang sa kamatayan. Ang tunay na pag-ibig ay susi sa buhay na walang hanggan. Mula ngayon, ang pag-ibig ang namamayani. Sa pag-ibig, natitikman natin ang buhay na walang hanggan. Kaya naman handang magparaya ang pag-ibig. Hindi nito alintana ang limutin ang sarili alang-alang sa minamahal. Kahit mamatay pa sa sarili ay haharapin para sa minamahal sapagka't ang pag-ibig ang maghahatid sa atin sa walang hanggan. Ang Pagkabuhay ay para sa mga tunay na nagmamahal.





MANALANGIN:

Panginoong muling nabuhay, tuluyan na nga nawang mamatay ang kamatayan at kasalanan sa puso namin. Isilang nawa sa aming kalooban ang bagong buhay mula sa iyo. Sa liwanag ng iyong Pagkabuhay, panghawakan nawa namin ang pag-ibig at pag-ibig lamang. Sa pagmamahal namin ng tunay sa isa't-isa, maihahatid kami sa tunay na karanasan ng Muling Pagkabuhay.

Friday, April 22, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-22-11)

JUAN 18:1 - 19:42

Ang Pagdakip kay Jesus

1 Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Tumawid sila sa batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. 2 Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 Pumunta doon si Judas, kasama ang ilang pinuno ng mga bantay sa Templo at isang grupo ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, ilawan at sandata. 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, Sino ang hinahanap ninyo?

5 Si Jesus na taga-Nazaret, sagot nila.

At sinabi niya, Ako si Jesus.

Kaharap nila noon si Judas na nagtaksil sa kanya. 6 Nang sabihin niyang, Ako si Jesus, napaurong sila at natumba.

7 Muli siyang nagtanong, Sino nga ba ang hinahanap ninyo?

Si Jesus na taga-Nazaret, sagot nila.

8 Sumagot si Jesus, Sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito. 9 Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.

10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang kanang tainga ni Malco na isa sa mga alipin ng pinakapunong pari ng mga Judio. 11 Sinabi ni Jesus kay Pedro, Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Dapat kong danasin ang paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama. 12 Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay sa Templo at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan. 13 Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon. 14 Si Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan.

Ikinaila ni Pedro si Jesus

15 Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. 16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang dalagang nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. 17 Si Pedro'y tinanong ng dalaga, Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?

Hindi, sagot ni Pedro.

18 Maginaw noon, kaya't nagsigá ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro at nagpainit din.

Tinanong si Jesus sa Harapan ng Pinakapunong Pari

19 Tinanong si Jesus ng pinakapunong pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang mga itinuturo. 20 Sumagot si Jesus, Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. 21 Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.

22 Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga pinuno ng mga bantay na naroroon. Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong pari? tanong niya.

23 Sumagot si Jesus, Kung may nagawa akong masama, patunayan mo! Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?

24 Matapos ito, si Jesus ay nakagapos pa rin na ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari.

Muling Ikinaila ni Pedro si Jesus

25 Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay patuloy na nagpapainit sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?

Hindi! kaila ni Pedro.

26 Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari ng mga Judio at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Jesus sa halamanan? 27 Muling ikinaila ito ni Pedro, at narinig na tumilaok ang manok.

Dinala si Jesus kay Pilato

28 Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. 29 Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?

30 Sila'y sumagot, Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.

31 Sinabi sa kanila ni Pilato, Dalhin ninyo siya at hatulan ayon sa inyong batas.

Subalit sumagot ang mga Judio, Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman. 32 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay.

33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? tanong niya.

34 Sumagot si Jesus, Iyan ba'y sarili mong palagay, o may ibang nagsabi sa iyo?

35 Tugon ni Pilato, Hindi ako Judio. Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?

36 Sumagot si Jesus, Ang kaharian ko'y hindi sa daigdig na ito. Kung sa daigdig na ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa daigdig na ito ang aking kaharian!

37 Kung ganoon, isa ka ngang hari? sabi ni Pilato.

Sumagot si Jesus, Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa daigdig, upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.

38 Ano ba ang katotohanan? tanong ni Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus

Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?

40 Hindi! sigaw nila. Hindi siya, kundi si Barabbas! Si Barabbas ay isang tulisan.

1 Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. 2 Ang mga kawal ay kumuha ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube at 3 bawat isa'y lumalapit sa kanya at patuyang bumabati, Mabuhay ang Hari ng mga Judio! At kanilang pinagsasampal si Jesus.

4 Lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao, Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan sa kanya! 5 At inilabas nga si Jesus na may koronang tinik at balabal na kulay ube. Sinabi sa kanila ni Pilato, Sige! Pagmasdan ninyo siya!

6 Pagkakita sa kanya ng mga punong pari at ng mga bantay, sila'y nagsigawan, Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!

Sinabi ni Pilato, Kunin ninyo siya, bahala kayong magpako sa kanya dahil wala akong makitang kasalanan sa kanya.

7 Sumagot ang mga Judio, Ayon sa aming kautusa'y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya'y nagpapanggap na Anak ng Diyos.

8 Nang marinig niya ang sinabi nila, lalong natakot si Pilato. 9 Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, Taga-saan ka ba? Subalit hindi tumugon si Jesus. 10 Muling nagtanong si Pilato, Ayaw mo bang makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?

11 Sumagot si Jesus, Magagawa mo lamang iyan sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.

12 Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa niyang hinangad na palayain si Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Ang sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Emperador.

13 Pagkarinig ni Pilato sa mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at siya'y umupo sa hukuman, sa dakong tinatawag na Plataporma, Gabatha sa wikang Hebreo.

14 Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, Narito ang inyong hari!

15 Sumigaw sila, Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!

Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari? tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, Wala kaming hari kundi ang Emperador!

16 Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y maipako sa krus.

Ipinako si Jesus sa Krus

Kinuha nga nila si Jesus. 17 Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y Lugar ng Bungo, Golgotha sa wikang Hebreo. 18 Pagdating doon, siya'y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. 19 Isinulat ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa krus: Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio. 20 Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lunsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya't ipinagpilitan ng mga punong pari kay Pilato, Hindi sana ninyo isinulat ang Ang Hari ng mga Judio, kundi, Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.

22 Ngunit sumagot si Pilato, Ang naisulat ko'y naisulat ko na.

23 Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang panlabas na kasuotan at pinaghati-hati sa apat. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24 Kaya't nag-usap-usap ang mga kawal, Huwag nating punitin ito; daanin na lamang natin sa palabunutan para malaman kung kanino ito mapupunta. Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,

Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
at nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang aking damit.

Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.

25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, Ina, ituring mo siyang sariling anak!

27 At sinabi niya sa alagad, Ituring mo siyang iyong ina! Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.

Ang Pagkamatay ni Jesus

28 Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, Nauuhaw ako!

29 May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig. 30 Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, Naganap na! Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

Sinaksak ng Sibat ang Tagiliran ni Jesus

31 Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Jesus. 33 Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na ito, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad dumaloy ang dugo at tubig. 35 Ang nakakita nito ang nagpahayag upang kayo'y maniwala. Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya.

36 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, Walang mababali isa man sa kanyang mga buto. 37 At may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.

Ang Paglilibing kay Jesus

38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus, ngunit palihim lamang dahil sa takot niya sa mga Judio. Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. 39 Kasama rin niya si Nicodemo, ang taong nagsadya kay Jesus isang gabi. May dala siyang pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango habang binabalot sa isang mamahaling tela, ayon sa kaugalian ng mga Judio. 41 Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. 42 Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.





MAGNILAY:

Sa wakas nag-krus din ang ating landas!





Ang krus ay dalawang linyang nagtatagpo. Hindi tulad na mga linyang parallel. Ang mga linyang parallel ay kailanman hindi magtatagpo. Ito rin ang pundasyon ng simbolismo ng krus.

Ang krus ay hindi lang larawan ng hirap at pasakit at kamatayan ni Hesus at nating lahat. Ang krus ay larawan ng pagtatagpo ng dalawang matagal ng nagkahiwalay at ngayon muling nagkasundo bunga ng sakripisyo at pag-aalay ng sarili. Ito ang eksaktong nangyari sa pag-alay ng Panginoong Hesus ng kanyang buhay sa krus. Nagtagpo muli ang Diyos at ang tao na nahiwalay sa mahabang panahon dahil sa pagkakasala ng huli. Ang Diyos ay gumawa ng paraan para hanapin tayong mga tao. At hindi lang para magkita kundi makipagkasundo pa sa pamamagitan ng pagpapatawad sa ating pagkukulang. Ang dugo ni Hesus ay muling luminis sa ating pagkakasala upang muli tayong maging marapat na makipag-ugnayan sa Diyos hindi na bilang alipin kundi bilang mga anak. Sa krus nga nagkatagpo muli tayo, nagkasundo at nagtipan.





Kay gandang simbolo. Sana rin gumawa tayo ng paraan para laging nagkru-krus ang landas nating lahat. Huwag sana tayong gumawa ng mga daan na hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataong magkrus sa landas ng iba. Magkaka-ugnay tayo at sikapin nating magkrus ang mga landas natin kung saan magtatagpo ang pagmamahal at malasakit natin sa isa't-isa. Kahit kaaway ay dapat maglkrus ang landas natin hindi para lalo pang magkasakitan at maghigatinhan kundi para magkaroon ng pagkakataon para hilumin ang nasirang ugnayan. Kahit minsan ay nasasaktan natin ang isa't-isa, nasusugatan at nadudulutan ng kapighatian, gayunpaman, hanapin natin ang krus na daan upang magtagpo tayo, mag-usap, magkaayos, magkapatawaran at magkasundong muli. Sinikap ni Hesus na talagang harapin ang krus hindi lang ng pagsasakrispisyo kundi ng pakikipagtagpo sa atin upang muli tayong ipakipagkasundo sa Diyos.





MANALANGIN:

Panginoon, krus na daan ang sana'y gawin namin upang may pagkakataon kaming muli masalubong at makaptagpo ang mga kapatid naming minsan ay nalayo sa amin. Sa krus na daan na ito rin nawa namin makatagpo ikaw na naghihintay sa aming pakikipagtagpo sa iyo.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-21-11)

JUAN 13: 1-38

Ang Halimbawa ng Paghuhugasan ng Paa

1 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y iniibig niya hanggang sa wakas.

2 Sa panahon ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkakanulo niya si Jesus sa mga Judio. 3 Nalalaman ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.

6 Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. Sabi niya, Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng aking mga paa?

7 Sumagot si Jesus, Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.

8 Muling nagsalita si Pedro, Hinding-hindi ko pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa! Ngunit sinabi ni Jesus, Malibang hugasan kita, wala kang bahagi sa akin.

9 Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!

10 Sumagot si Jesus, Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat. 11 Dahil kilala ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.

12 Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa hapag. Siya'y nangusap sa kanila, Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga iyon. 14 Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan.





MAGNILAY:

Eeeew...!





Yan ang usong ekspresyon ng marami. Ibig sabihin, nakakadiri dahil marumi, mababang uri, hindi class, pangmahirap, bakya, baduy, at iba pa. Pag nagsasalita ka ng ganito para mo na ring sinasabi na malinis ka, mataas ang uri mo, class ka, sosyal, may taste ... kahit hindi naman talaga. Yung iba, maarte lang talaga, pa-sosyal, social climber. Uso ito, kasi ayaw ng marami ang mababa nga. Gusto natin nasa taas, tinitingala, angat, may sinasabi.





Si Hesus ay naghugas ng paa. Eeew..! Sa lahat naman ng huhugasan bakit paa? Ito ang bahagi ng katawan na talagang direktang nakadikit sa dumi. Marumi ang paa lalo na noon na hindi uso ang sapatos at sementadong daanan. Dahil nga marumi baka may kung anu-anong sakit pa sa paa. Eeeew... talaga. Kaya naman ang paghuhugas ng paa ay trabaho ng alipin na pinakamababang uri ng tao. Pero ito si Hesus, isang Guro at Panginoon pa, naghugas ng paa!





Sinasabi lang niya na huwag kang maarte. Huwag kang magmataas. Huwag mong iangat ang sarili mo sa iba. Huwag kang maghintay na paglingkuran. Maglingkod ka. Pagsilbihan mo ang kapwa mo. Hindi baleng bumaba ang tingin sa iyo. Hindi baleng marumihan ka. Iyan ang pinakamatibay na tanda ng pagmamahal - handang talikuran ang sarili at hubarin maging ang karangalan alang-alang sa iba. Tulad ni Hesus na ibinigay ang lahat sa krus.





Pag nagkokomunyon ka, alalahanin mo, hinugasan ni Hesus ang paa mo. Nagpakababa siya. Binigay ang sarili para maligtas at mabuhay ka. Ang kapirasong tinapay na tinanggap mo ay sagisag ni Krsito na minatamis pang masaktan, hatiin ang sarili para busugin ang lahat ng kanyang pag-ibig. Matuto kang maging Eukaristiya sa iba. Hugasan ang paa ng iba. Maging handa na gawin kahit ang mga bagay na eeeew!





MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong huwag maging mataas ang tingin sa sarili. Magpakababa sana ako dahil ito ang daan para makapagsilbi ako ng tunay sa mga taong nangangailangan ng aking malasakit.

Wednesday, April 20, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-20-11)

MATEO 26: 14-25

Nakiisa si Judas sa mga may Galit kay Jesus

14 Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong pari. 15 "Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?" tanong niya. Noon di'y binayaran nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Jesus.

Paghahanda sa Pista ng Paskwa

17 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, "Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?"

18 Sumagot siya, "Puntahan ninyo sa lunsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, 'Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.' "

19 Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa.

Ang Banal na Hapunan

20 Nang gabing iyon, dumulog sa mesa si Jesus, kasama ang Labindalawa. 21 Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, "Tandaan ninyo, ako'y pagtataksilan ng isa sa inyo!"

22 Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, "Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?"

23 Sumagot si Jesus, "Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 24 Mamamatay ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!"

25 Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, "Guro, ako po ba?" Sumagot si Jesus, "Ikaw na ang nagsabi."





MAGNILAY:

"Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?"





Parang isang nanay na nagtanong: Sinong nakabasag ng platong ito? Isa-isang sumagot agad ang magkakapatid: Hindi po ako! Tulad nila mabilis tayong magsabi na hindi ako. Sarili muna ang iniisip at ililigtas. Basta hindi ako. Baka sila. Pero hindi ako.





Para ring mga bata ang mga alagad. Nang sabihin ni Hesus na isa sa kanila ang magkakanulo sa kanya, kanya-kanya silang pagligtas ng sarili: Hindi ako yon, di po ba? Baka yung iba. Basta hindi ako.





Pero sa totoo, may lkanya-kanya tayong ambag sa kasalanan ng iba. Hindi man tayo minsan ang direktang gumawa pero minsan tayo ang gumagawa ng sirkumstansya para ang iba'y magkasala. Maaaring hindi tayo nagpapaalala sa iba, o nagpapakita ng malasakit, o nagbibigay ng halimbawa, at iba pa. Hindi man tayo direkta ang may sala pero inayos natin ang daan para mangyari ang hindi dapat mangyari.





Hindi ikaw? Ows...





MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong umamin. Ito ang simula ng pagbabago.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-19-11)

JUAN 13: 21-38

Inihayag ni Jesus ang Pagtataksil sa Kanya

21 Pagkasabi nito, si Jesus ay labis na nabagabag at nagpahayag sa kanila, Pakatandaan ninyo: ako'y pagtataksilan ng isa sa inyo.

22 Nagsimulang magtinginan ang mga alagad sapagkat hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. 23 Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya, 24 kaya't sinenyasan siya ni Simon Pedro at sinabihan, Itanong mo nga kung sino ang tinutukoy niya. 25 Humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus at nagtanong, Panginoon, sino po ba iyon?

26 Siya ang taong aabutan ko ng tinapay na aking isinawsaw, sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, Gawin mo na ang dapat mong gawin. 28 Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon. 29 Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha.

30 Nang makain na ni Judas ang tinapay, kaagad itong umalis. Noon ay gabi na.

Ang Bagong Utos

31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, Ngayo'y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay mahahayag din ang karangalan ng Diyos. 32 At kapag nahayag na ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at ito'y gagawin niya agad. 33 Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.

34 Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo. 35 Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.

Inihayag ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro

36 Saan po kayo pupunta, Panginoon? tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Jesus, Sa pupuntahan ko'y hindi ka makakasunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.

37 Sumagot si Pedro, Bakit po hindi ako makakasunod sa inyo ngayon? Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.

38 Sumagot si Jesus, Iaalay mo ang iyong buhay dahil sa akin? Pakatandaan mo: bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.





MAGNILAY:

Ang pinakamalaking inconsistency natin ay ang inconsistency ng ating sinasabi at ng ating ginagawa. May sinasabi tayong isa pero may iba naman tayong ginagawa. Ang dinedeklara nating pinaninindigan natin ay hindi nasasalamin sa ating ginagawa.





Si Pedro ang isang malaking inconsistency sa mga alagad ni Hesus. Kung magdeklara siya na iaalay niya ang buhay niya sa Panginoon huwag lang mangyari ang ipinahihiwatig nitong paghihirap at kamatayan niya pero alam natin kung paano tatlong beses ay itinatwa niya ang Panginoon para iligtas ang sarili. Si Judas ay isa ring inconsistency. Naturingang alagad at apostol ng Panginoon pero siya pa ang nagkanulo sa kanya. Isang kaibigang nagtaksil at tumalikod.





Gaano tayo ka-consistent sa pagpapahag natin ng pananamplataya at pagsasabuhay nito? Baka tulad din ni Pedro at Judas isa rin tayong malaking inconsistency? Pero sana may panahon ba para gawin natin mas consistent ang tugon natin sa tawag ng Panginoon.





MANALANGIN:

Panginoon, makitidin ko nawa kung di man ay tuluyan nang alisin ang agwat na naghihiwalay sa aking sinasabi at sa aking ginagawa. Maging consistent nawa ako bilang iyong lagad.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-18-11)

JUAN 12: 1-11

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus

1 Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, ang bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. 2 Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Marta naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. 3 Kumuha naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang amoy ng pabango. 4 Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, 5 Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan! 6 Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi, at ninanakawan niya ito.

7 Ngunit sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong gawin niya ito bilang paghahanda para sa paglilibing sa akin. 8 Habang panaho'y kasama ninyo ang mga mahihirap, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.

Ang Balak Laban kay Lazaro

9 Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10 Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, 11 sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.





MAGNILAY:

Kailan ka huling nagpakita ng pagmamahal sa mga mahal mo sa buhay?





Umani ng puna si Maria mula kay Judas nang magpakita siya ng pagmamahal sa kaibigang si Hesus sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanyang mga paa ng mamahaling pabango. Sabi ni Judas na mas mainam sana na ipinagbili ito at ibigay sa mahihirap ang mapagbibilhan. Pero sinalungat siya ni Hesus. Binigyan-diin ng Panginoon ang halaga ng pagpapakita ng pagmamahal ngayong may pagkakataon dahil hindi sa lahat ng oras kapiling natin ang mga mahal natin sa buhay. Pinapahiwatig na ni Hesus ang kanyang kamatayan at ang pabango ay antisipasyon ng gagawin nila sa kanya sa kanyang libing.





Hindi nga tayo permanente sa mundong ito. Lahat sana ng oras at sa lahat ng ating ginagawa ay maging pagpapakita at pagpapadama ng ating pagmamahal at malasakit. Darating ang oras na kukunin sa atin ang mga itinuturing nating mahal sa atin at mga taong dapat nating mahalin. Minsan, nagsisisi tayo pag isang araw namulat tayong wala na sila at hindi natin naipakita at naipadama ang pagmamahal na dapat ay natamo nila. At ang pagsisisi natin siyempre ay huli na. Kaya't ang pagpapadama ng pagmamahal ay ngayon na habang may pagkakataon. Baka wala na ito bukas.





MANALANGIN:

Panginoon, huwag ko sanang sayangin ang pagkakataon na meron ako ngayon para ipadama ang aking pagmamahal sa mga taong mahalaga at mahal sa akin.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-17-11)

MATEO 27:11-54

Si Jesus sa Harap ni Pilato

11 Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, "Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?"

Sumagot si Jesus, "Ikaw na ang may sabi." 12 Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.

13 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, "Hindi mo ba narinig ang paratang nila laban sa iyo?" 14 Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus

15 Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. 16 Si Jesus Barabbas a ay isang kilalang bilanggo noon. 17 Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, "Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na 'Cristo'?" 18 Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.

19 Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, "Huwag kang makialam sa taong iyan. Wala siyang kasalanan. Ngayon ay pinapahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya."

20 Ang mga tao nama'y sinulsulan ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. 21 Muli silang tinanong ng gobernador, "Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?"

"Si Barabbas!" sigaw ng mga tao.

22 Sinabi sa kanila ni Pilato, "Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?"

At sumagot ang lahat, "Ipako siya sa krus!"

23 "Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?" tanong ni Pilato.

Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, "Ipako siya sa krus!"

24 Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. "Wala akong pananagutan sa dugo b ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!" sabi niya.

25 Sumagot naman ang mga tao, "Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo niya."

26 Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.

Hinamak ng mga Kawal si Jesus

27 Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo ng gobernador, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. 28 Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. 29 Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at kinutya ng ganito, "Mabuhay ang Hari ng mga Judio!" 30 Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus

32 Paglabas ng lunsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay "Pook ng Bungo." 34 Binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.

35 Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 at pagkatapos, naupo sila upang siya'y bantayan. 37 Isinulat nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya, "Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio." 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.

39 Ininsulto rin siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi, "Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!"

41 Kinutya naman siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Sinasabi nila, 42 "Iniligtas niya ang iba ngunit ang sarili ay hindi mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!"

44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.

Ang Pagkamatay ni Jesus

45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, "Eli, Eli, lema sabachthani ?" na ang ibig sabihi'y "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?"

47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, "Tinatawag niya si Elias!" 48 May isang tumakbo at kumuha ng espongha, binasa ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.

49 Sinabi naman ng iba, "Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!"

50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.

51 Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lunsod, at doo'y marami ang nakakita sa kanila.

54 Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, "Tunay na siya'y Anak ng Diyos!"





MAGNILAY:

Kilala nyo ba nag mga inuno ng mga balimbing? Kilala mo ba ang mga ninuno mo?





Yung mga taong sumalubong kay Hesus noong pumasok siya ng Herusalem, yung mga pumutol ng mga sanga ng kahoy at iwinagayway habang sumusigaw ng Hosanna sa Anak ni David! bilang pagpupugay kay Hesus na kinikilala nilang hari pero nakasakay naman sa isang asno lang; sila na kinalaunan nang magkagipitan na ay iba na ang sinisigaw: Ipako siya sa krus! Iaako siya sa krus! Perhong mga tao na sumalubong sa kanya pero ngayon naman ay tumataboy sa kanya. Sila, sila ang mga ninuno ng mga balimbing. Sa panahon ng ginhawa, naroo't ipagkalandakan nilang sila'y mga tagasunod ng Panginoon, pero noong dumating ang hamon ng krus, napakabilis umiwan sa Panginoon at kondinahin siya at ipapako sa krus.





Minsan, magaling lang tayong magyabang na tagasunod ng Panginoon sa daan ng katwiran - kapag madali, kapag hindi masyadong napanghihimasukan ang mga sarili nating diskarte sa buhay. Pero kapag nakakagulo na, kapag ang dami ng hinihingi, kapag kinukwestyon na ang motibasyon mop at intensyon, aba, ibang usapan na yan. Teka, teka muna. Walang pakialaman. Kung patuloy kang makikialam, mabuti pa, ipako ka sa krus, ipako ka sa krus!

Ang daming balimbing hindi lang sa gobyerno at politika, maging sa Panginoon. Ang dati niyang mga masugid na kaibigan ta tagahanga ay mga mortal na niyang kaaway at tagatuligsa. Akala kasi basta-basta lang ang kumabit sa Panginoon. Akala puwedeng pampogi lang. Hindi. Kapag nagdesisyon kang sumunoid sa kanya, ipapasa-kamay mo na sa kanya ang lahat. At pati ang uri ng buhay at gawain mo ngayon, puwede niyang pakialaman at baguhin ayon sa kanyang marunong na kalooban!

Ano ba isinisigaw mo - Hosanna o Ipako siya! Bumalimbing ka na rin ba - Hosanna noon pero ngayon Ipako na?





MANALANGIN:

Panginoon, gawin mo akong palagiang alagad at tagasunod mo sa panahon man ng ginhawa o portas ng kagipitan.

Tuesday, April 19, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-16-11)

JUAN 11: 45-57

Ang Balak Laban kay Jesus

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Sanedrin. Kanilang sinabi, Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang Templo at pahihirapan ang ating bansa.

49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang pinakapunong pari noon, ay nagsabing, Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa? 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang pinakapunong pari nang taon na iyon, ipinahayag niyang dapat mamatay si Jesus alang-alang sa kanilang bansa 52 upang tipunin ang mga nakakalat na mga anak ng Diyos. 53 Mula noon, pinag-isipan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglingkod sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.

55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. 56 Hinahanap nila si Jesus sa Templo, at sila'y nagtatanungan, Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista? 57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.





MAGNILAY:

Ang krus ay hindi lang simbolo ng pagdurusa. Ang krus ay higit sa lahat simbolo ng pag-ibig.





Kailangang magdusa ni Hesus, oo. Ito ay dahil sa kasalanan ng tao. Ang bunga ng kasalanan ng tao ay pagdurusa ng lahat na inako ng Panginoong Hesus. Bilang Mesiyas, pinasan niya ang pagdurusa ng lahat upang ang lahat ay iligtas at tubusin. Ang krus ay paalaala ng bunga ng kasalanan ng tao. Wala sanang pagdurusa kung hindi pumasok ang kasalanan sa buhay ng tao.





Gayunpaman, ang krus ay hindi lang simbolo ng pagdurusa sa kasalanan. Ito ay simbolo ng pag-ibig ni Kristo. Oo, kailangang magdusa ni Hesus. Pero hindi ito nangyari ng napilitan lang ang Panginoon. Niyakap niya ang krus dahil sa tindi ng pagmamahal niya sa tao. Ang tunay na pag-ibig ay handang magdusa para sa isang minamahal. Hindi totoo ang pag-ibig kung hindi ito handang magsakrisyo. Kailangan din magdusa ang Panginoon dahil nga sa mahal niya tayo. Ang krus ay paalala ng dakila at wagas at lubos na pag-ibig na ito ng Panginoon.



Lahat tayo ay tinatawag na magmahal tulad ng Panginoon. Lahat ay tinatawag na maging handang magdusa alang-alang sa minamahal.





MANALANGIN:

Panginoon, akitin mo akong samahan ka sa daan ng krus. Ito lamang at wala ng iba pang daan tungo sa tunay na pagmamahal.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-15-11)

JUAN 10: 31-42

31 Ang mga pinuno ng mga Judio'y muling dumampot ng bato upang batuhin siya. 32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, Marami akong mabubuting gawang ipinakita sa inyo mula sa Ama. Alin ba sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?

33 Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos, bagama't tao ka lamang.

34 Tumugon si Jesus, Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, Sinabi ko, mga diyos kayo? 35 Mga diyos ang tawag ng Kautusan sa mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa kanya.

39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit siya'y nakaalis.

40 Muling pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Habang naroroon siya'y 41 maraming lumalapit sa kanya. Sinasabi nila, Si Juan ay walang ginawang himala ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.

42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.





MAGNILAY:

Ang maging isang martir ay ang manindigan sa tama at totoo kahit pa sa gitna ng pag-usig, pag-alipusta at pag-aakusa.





Si Hesus ang pinaka-martir ng katotohanan. matapang niyang ipinahayag ang katotohanan kahit pa magalit ang iba at kahit siya'y alipustain at ilagay sa mapanganib na sitwasyon. Walang takot ang isang martir. Ang kayang tapang ay nagmumula sa katwiran at katotohanan. Hindi siya takot sa pisikal na hirap. Takot siya sa hirap ng kaluluwang naging taksil sa katwiran at katotohanan na ipinahayag ng Diyos.





Ang desisyong manalig kay Hesus ay desisyon ding maging isang martir. Maraming kaibigan si Hesus pero sing dami rin ang kanyang kaaway. Maraming magmamahal sa iyo dahil kay Hesus pero marami ring aalipusta sa iyo dahil sa kanya. Hindi madaling maging matuwid at totoo sa mundong nasanay na sa mali at kasinungalingan.





MANALANGIN:

Panginoon, patatagin mo ang aking paninindigan. Hanggang sa huli manatili nawa akong tapat sa aking desisyong sundan ka. Huwag nawang sumagi sa aking isip ang pagtaksilan ka kahit sa maliliit na paraan. Gawin mo akong handa sa tawag na maging isang martir.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-14-11)

JUAN 8: 51-59

51 Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.

52 Sinabi ng mga Judio, Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. 53 Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?

54 Sumagot si Jesus, Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama at sinasabi ninyong siya ang inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at sinusunod ko ang kanyang sinasabi. 56 Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.

57 Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?

58 Sumagot si Jesus, Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, Ako ay Ako Na.

59 Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo.





MAGNILAY:

Parang pagkain ang katotohanan. Kapag tinuturuan nating kumain ang bata hindi kaagad-agad solidong pagkain. Likido muna hanggang sa malambot na pagkain hanggang sa talagang solido na. Minsan solidong pagkain na ang kailangan pero ang malambot pa rin ang sinusubo. Kailangan paminsan-minsan na isubo na talaga ang solidong pagkain para matuto na.





Paunti-unti rin ang pagpapahayag ni Hesus kung sino siya. Dahan-dahan niyang ipinahiwatig na siya nga ay Anak ng Diyos na naroon na bago pa man likhain ang lahat, bago pa man isilang amg mga dakilang ninuno ng Israel tulad ni Abraham. Kasama na niya ang ama noon pa man. Siya'y Anak ng Ama sa walang hanggan. Siya'y Diyos tulad ng kanyang Ama. Mahirap lunukin ang katotohanang ito lao sa isang relihiyon na ang sandigan ay paniniwala sa iisang Diyos. Kaya't noong una ay halos patayin na nila si Hesus dahil akala nila'y nilalapastangan niya ang Diyos. Pero sinasabi lang ni Hesus ang totoo.





Sa ngayon, hindi na tayo nagugulat pa kay Hesus bilang Diyos. Mas alam na natin na sa iisang Diyos ay may tatlong persona - Ama, Anak at Espiritu. Mahiwaga pa rin pero batid nating iisa pa rin ang Diyos pero sa kanyang sarili siya'y isang komunidad ng tatlong persona na perpekto ang pagkakaisa. Ito'y katotohanang si Hesus mismo ang nagbunyag simula ng sabihin niyang siya'y Anak ng Diyos at kasama ang Diyos noon pa man.





Ang pinakamalaking pagbubunyag ng Diyos ay kay Hesus ang Diyos ay nagdusa para sa sangkatauhan. Kay Hesus ang Diyos ay nagpakababa upang itaas ang tao. Sa kanyang pagkamatay tayo ang nagkabuhay - buhay na walang hanggan.





MANALANGIN:

Panginoon, bigyan mo lagi ako ng inspirasyon na saliksikin ang mga katotohanan tungkol sa iyo kahit gaano pa ito kalalim. Sa kaibuturan ng mga katotohahang ito ay ang pagbubunyag ng dakilang pag-ibig mo sa amin na handang magdusa alang-alang sa isang minamahal.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-13-11)

JUAN 8: 31-42

Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo

31 Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga'y tunay na mga alagad ko; 32 makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.

33 Sumagot sila, Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?

34 Sumagot si Jesus, Pakatandaan ninyo: ang namumuhay sa kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. 36 Kayo'y tunay na lalaya kapag pinalaya kayo ng Anak. 37 Nalalaman kong mula kayo kay Abraham, ngunit pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking mga aral. 38 Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.

Ang Diyablo ang Inyong Ama

39 Sumagot sila, Si Abraham ang aming ama.

Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, tinularan sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.

Sumagot sila, Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.

42 Sinabi ni Jesus, Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako.





MAGNILAY:

Kung kilala mo ang Diyos, makikilala mo ang iyong sarili ng mas ganap. Ang mangmang sa Diyos ay mangmang sa sarili dahil ang Diyos ang nagpapakilala ng kung sino talaga tayo. At kapag mangmang tayo sa sarili, anong saklap na pagkabilanggo! Masikip ang buhay, makitid, walang kalayaan!





Ginagarantiya ni Hesus na taglay niya ang katotohanang dapat nating malaman upang mamuhay tayo sa tunay na kalayaan. Si Hesus ang Anak ng Diyos na naparito upang buksan ang pinto ng katotohanan ng Diyos. Ang kanyang mga salita at aral ay mga buhay na karunungan na maghahatid sa atin ng kabuluhan sa buhay. Siya ang dahilan bakit tayo umiiral. Siya ang hantungan ng lahat nating pagpupunyagi. Kung wala siya mawawalan ng saysay ang lahat sa atin. Kung wala siya lahat ay magiging pansamantala. At napakasaklap kung ang lahat ay pansamantala lamang. Ito ang pinakamalupit na bilangguan. Pero, hindi. Kay Hesus, may buhay na walang hanggan. Sa kanya, mananatili ang pag-ibig magpakailnaman.





MANALANGIN:

Panginoon, patatagin mo ang aking pananalig sa mga katotohanang ipinahahayag mo. Taglay mo ang salita na aakay sa lahat sa buhay na walang hanggan. At ito ang nagbibigay sa amin ng lubos na kalayaan ng kalooban.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-12-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - MARTES NG IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA (Abr. 12)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Friday, April 15, 2011 at 9:11am

JUAN 8: 21-30

Ang Pinanggalingan at Nagsugo kay Jesus

21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, Ako'y aalis at hahanapin ninyo ako; ngunit hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. Mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad ang inyong mga kasalanan.

22 Nag-usap-usap ang mga Judio, Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinabing Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko?

23 Kaya't sinabi ni Jesus, Kayo'y mula dito sa ibaba, ako'y mula sa itaas. Kayo'y taga-sanlibutang ito, ngunit ako'y hindi, 24 kaya sinabi ko sa inyong mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang Ako'y Ako Nga, mamamatay nga kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan.

25 Sino ka nga bang talaga? tanong nila.

Sumagot si Jesus, Matagal ko nang sinabi sa inyo kung sino ako. 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo ang sinasabi ng nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan.

27 Hindi nila nauunawaan na ang Ama ang tinutukoy niya. 28 Kaya't sinabi ni Jesus, Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong Ako'y Ako Nga. Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi, 29 at kasama ko ang nagsugo sa akin at hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugudlugod sa kanya.

30 Maraming nakarinig nito ang sumampalataya sa kanya.





MAGNILAY:

Marami ng pahiwatig si Hesus na siya'y mula sa Ama, at siya'y Anak ng Ama. Isang rebelasyon ito na talagang mahirap maunawaan at matranggap ng isang Hudyo. Gayunpaman, hindi puwedeng hindi ito ipahayag ni Hesus. Hindi niya puewedeng ilihis ang katotohanan. May isang bagay na magiging patunay sa lahat ng kanyang sinasabi - ito ang pagtanggap niya ng krus ng sakripisyo. Kapag naitaas na ang Anak ng Tao, malalaman ninyong Ako'y Ako nga. Ang krus ang patunay na siya nga ang Anak na naging masunurin sa Ama hanggang kamatayan.





Lahat din tayo ay inampon ng Diyos bilang kanyang mga anak kay Kristo Hesus. Dahil dito namumuhay dapat tayo ayon sa kung sino tayo - mga anak ng Diyos. Ang kakayanan nating magsakripisyo para sa kapakanan ng iba ang magiging palatandaan na tayo nga'y mga anak ng Diyos sa Panginoong Hesus. Kapag natuto tayong lumimot sa sarili upang bigyang-daan ang kalooban ng Diyos kahit ang ibig sabihin pa nito'y pagdurusa, sertipikadong anak nga tayo ng Diyos na Pag-ibig!





MANALANGIN:

Panginoon, mapanindigan ko nawa ang aking pagiging anak mo. Hindi lang nawa ako makuntento na maging anak ng Diyos sa pangalan o tawag. Mapatunayan ko nawa ito sa pagtanggap ng hamon magdusa para sa iba kung ito'y iyong kalooban sa akin.

Monday, April 11, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-11-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - LUNES NG IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA (Abr. 11)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Monday, April 11, 2011 at 8:48am

JUAN 8: 1-11

1 Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. 2 Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat kaya't umupo siya at nagsimula siyang magturo. 3 Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, 4 at sinabi kay Jesus, Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. 5 Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo? 6 Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.

Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.

7 Patuloy sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya. 8 At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.

9 Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. 10 Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?

11 Wala po, Ginoo, sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.





MAGNILAY:

May araw ba na hindi ka tumingin sa salamin? Puwera na lamang kung nasa isang liblib na lugar ka na wala talagang salamin pero parang walang araw na hindi tayo tumingin sa salamin. Maraming tao ang sobrang conscious sa itsura nila kaya tingin ng tingin sa salamin. Di ba ang mga babae ay kadalasang laging may bitbit sa maliit na salamin? Magugulat ka pati na rin mga lalake. Hindi mo alam pero sa bulsa nila ay may nakasuksok na maliit na salamin para tuwi-tuwina ay masipat kung okey ang ayos ng buhok, ang porma ng mukha, at iba pang gustong makita sa salamin.





Pero may salamin na minsan ayaw nating tingnan. Kapag tumingin ka sa salaming ito hindi lang ang itsura ng mukha o katawan mo ang makikita mo. Makikita mo rin ang itsura ng iyong kaluluwa. Makikita mo ang kalagayan ng iyong kalooban at pagkatao. Nilalantad nito ang totoong ikaw. At minsan ayaw nating komprontahin ang totoong tayo.





Ang unang salamin na minsan nagpapakita sa kung sino tayo ay ang ating kapwa. Nakikita natin ang ating sarili sa kapwa. Nagagalit tayo sa pagkakamali ng iba kasi nakikita natin ang sarili nating mali sa kanila. Ang galit natin sa kanila ay talagang galit natin sa sarili. Ang paghusga sa kanila ay pagtakip sa galit natin sa sarili na itinatago natin sa pamamagitan ng pagmamalinis at pagbabanal-banalan.





Ang Diyos ang talagang pinaka-salamin kung saan hindi tayo puwedeng magtago. Nilalantad niya lalo na ang pagmamalinis natin at pagkukunwaring banal. Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya. Ang mga salitang ito ni Hesus ang gumulat sa lahat dahil nahubaran lahat sila. Ipinakita ni Hesus ang kanilang mga itinatagong baho na ayaw nilang komprontahin sa sarili. Isa-isa silang lumayo sa kahihiyan. Wala silang karapatang manghusga.





Pero nagkamali sila ng pananaw kay Hesus. Hindi sila gustong pahiyain ni Hesus. Nilantad niya ang kanilang pagkakasala hindi para idiin sila kundi upang hamunin silang aminin ang sariling kakulangan at matutong patawarin ang sarili. Ito ang magiging daan para mapakapagpatawad din sila sa kapwa. Marahas sila sa sarili kaya marahas din sila sa kapwa. Kung magiging maawain sila at mapagpatawad sa sarili magiging ganito rin sila sa kapwa.





MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo kaming patawarin ang aming mga sariling nagkamali sa maraming pagkakataon sa aming buhay. Alisin mo ang galit namin sa aming sarili upang awa at unawa ang ipakita rin namin sa aming kapwa. Ipabatid mo sa aming lahat na makasalanan na dapat kaming magtulungan hindi maghatakan pababa sa pamamagitan ng panghuhusga upang sama-sama naming magapi ang kasalanang umaalipin sa amin sa tulong ng iyong awa't biyaya sa amin.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-10-11)

JUAN 11: 1-45

Ang Pagkamatay ni Lazaro

1 Sa bayan ng Bethania ay may isang taong nagkasakit. Siya si Lazaro na kapatid nina Marta at Maria. 2 Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, 3 nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.

4 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.

5 Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. 6 Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. 7 Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, Magbalik tayo sa Judea.

8 Sumagot ang mga alagad, Guro, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga pinuno ng mga Judio? Bakit pupunta na naman kayo doon?

9 Sinabi ni Jesus, Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag. 11 Idinugtong pa ni Jesus, Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.

12 Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya, sagot ng mga alagad.

13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, Patay na si Lazaro; 15 ngunit ako'y nagagalak dahil wala ako roon upang kayo'y sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.

16 Niyaya ni Tomas, na tinatawag na Kambal, ang kanyang mga kasama, Sumama tayo sa Guro, mamamatay tayong kasama niya.

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 kaya't maraming taga-Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta, Panginoon, kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko. 22 Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.

23 Muling mabubuhay ang iyong kapatid, sabi ni Jesus.

24 Sumagot si Marta, Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?

27 Sumagot siya, Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.

Tumangis si Jesus

28 Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag niya si Maria at binulungan, Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.

29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. 30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta. 31 Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.

33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 Saan ninyo siya inilibing? tanong ni Jesus.

Sumagot sila, Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.

35 Tumangis si Jesus, 36 kaya't sinabi ng mga Judio, Talagang mahal na mahal niya si Lazaro! 37 Sinabi naman ng ilan, Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?

Muling Binuhay si Lazaro

38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. 39 Alisin ninyo ang bato, utos ni Jesus.

Ngunit sumagot si Marta, Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.

40 Sinabi ni Jesus, Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka sa akin ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos? 41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dinirinig mo ako, 42 at alam kong lagi mo akong diringgin. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin. 43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, Lazaro, lumabas ka! 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakatakip ring tela sa mukha. Inutos ni Jesus sa kanila, Kalagan ninyo siya at nang makalaya.

Ang Balak Laban kay Jesus

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya.





MAGNILAY:

Ang kuwento ni Lazaro ay hindi tungkol sa isang tao namatay at muling binuhay. Ang kuwento ni lazaro ay tungkol sa isang tao - ang Panginoong Hesus - na namatay sa kanyang sarili upang ang iba ay mabuhay!





Normal sa atin ang pangalagaan at sagipin ang buhay laban sa kapahamakan. Hangga't makakaya natin ay pinananatili natin ang mabuhay. Likas sa ating ipreserba ang buhay natin. Pero ang buhay ay hindi lang para ipreserba. Ang buhay ay hindi lang para pangalagaan ito para sagipin sa kapahamakan at mapanatili. Ang buhay para malasap natin ang tunay nitong kabuluhan at kahulugan ay dapat ibigay at mawala sa atin. Habang ibinibigay natin ang buhay para ang iba ay mas mabuhay mas nalalasap kung ano talaga ang buhay. Mas lalo natin itong naaangkin. Sa madali't sabi mas nabubuhay tayo kapag namatay tayo sa ating sarili para mabuhay ang iba. Tuwing naglilingkod tayo sa iba at nililimot ang sariling kapakanan, namamatay tayo sa sarili pero mas nabubuhay naman talaga! Kay rami sa ating araw-araw ay namamatay sa sarili para sa iba at sila'y larawan ng tunay na ligaya at kalubusan ng buhay. Mahirap mawala sa isip ang larawan ng isang magulang na ibibigay ang lahat pati ang sariling kaginhawahan para sa anak upang siya'y mabuhay.





Ang ating Ebanghelyo ay pauna sa magiging kamatayan ni Hesus sa krus upang lahat tayo ay sagipin at mabuhay. Susundan natin siya sa landas ng krus kung ibig nating maging alagad ng buhay. Ang krus ang magiging daan ng muling pagkabuhay. Siya na namatay alang-alang sa iba ay siyang magtatamasa ng muling pagkabuhay.





Hindi ka pa ba namamatay sa sarili alang-alang sa iba? Kawawa ka naman dahil matagal ka ng bangkay kahit may hininga ka pa.





MANALANGIN:

Panginoon, madiskubre ko nawa ang susi sa kalubusan ng buhay - ang mamatay sa sarili para ang iba'y mabuhay.

Friday, April 8, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-09-11)

JUAN 7: 40-53

Nagtalu-talo ang mga Tao Tungkol sa Cristo

40 Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin! 41 Siya na nga ang Cristo! sabi naman ng iba. Ngunit mayroon namang sumagot, Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? 42 Hindi ba sinasabi sa kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David? 43 Magkakaiba ang palagay ng mga tao tungkol sa kanya. 44 Gusto ng ilan na dakpin siya, ngunit wala namang mangahas na humuli sa kanya.

Ang Di-paniniwala ng mga Pinuno

45 Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at mga Pariseo, Bakit hindi ninyo siya dinala rito?

46 Sumagot sila, Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad niya!

47 Pati ba kayo'y nalinlang na rin? tanong ng mga Pariseo. 48 Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? 49 Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya, kaya't sila'y mga sinumpa!

50 Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, 51 Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?

52 Sumagot sila, Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.

Pinatawad ang Babaing Nangalunya

53 Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat.





MAGNILAY:

Walang hindi mabibighani sa katotohanan lalo't katotohanang mula sa Diyos!





Maraming inatasan para kondenahin at isuplong si Hesus pero ang malaking kabalintunaan ay habang nagbabalak silang isagawa ang planong supilin siya maging ang mga taong naatasang gawin ito ay hindi mapigilang mabighani at mamangha sa kanyang mga sinasabi at itinuturo. Sadyang may kapangyarihan ang kanyang mga salita. Totoo ang kanyang mga pinapahayag. Binubusog nito pati ang mga walang planong makinig sa kanya. Pagkain ito na nagpupuno sa kagutuman ng kaluluwa. Hindi maitatatwa ang pakiramdam na ito. Hindi man lantarang maamin pero hindi maitatago ang ligayang nararamdaman ng mga tao, ng mga kawal at maging ng isang guro ng kautusan.





Kapag nakatagpo natin ang katotohanan ng Diyos, huwag na natin pakawalan ang pagkakataong iyon. Minsan may alinlangan tayo at takot. Ano ba ang hatid nito sa akin? Ano ang hihingin nito sa akin? Ano ang ipasusukop nito sa akin? Pero hangga't hindi natin tutugunin ang katotohanang ipinahayag sa atin, hindi matatahimik ang kaluluwa nating gutom. Hahanap-hanapin niya ang kanyang pagkain. Sasaliksikin niya ang katotohanan ng Diyos. Ito lang ang kanyang talagang pagkain.





MANALANGIN:

Panginoon, ikaw na ang lumalapit sa amin para pakanin ng iyong karunungan at katotohanan. Huwag na sana kaming mag-inarte. Ihanda na lamang namin ang aming sarili sa pagtanggap nito sapagka't kahit kulang ang aming disposisyon nagtitiwala kaming tutulungan mo kami upang ang katotohanang ito ay magbunga ng masagana sa aming buhay.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-08-11)

JUAN 7: 1-2, 10, 25-30

1 Pagkatapos nito'y nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniiwasan niya ang Judea dahil nais siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. 2 Nalalapit na noon ang Pista ng mga Tolda, isa sa mga pista ng mga Judio.

10 Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ay palihim na pumunta rin sa pista.

25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? 26 Hayan! Lantaran siyang nangangaral, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman nakilala ng mga pinuno na siya na nga ang Cristo! 27 Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!

28 Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat pagtiwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, 29 ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.

30 Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumarating ang tamang panahon.





MAGNILAY:

Tapang ang bunga ng katotohanan.





Maraming banta sa buhay ni Hesus dahil sa pangangaral niya ng katotohanan. Kung duwag si Hesus, umuwi na lang sana siya sa Nazareth at mamuhay ng tahimik. Pero alam niyang hindi ito ang misyon niya. May misyon ang Ama sa kanya na dapat niyang gampanan. Misyon niyang isiwalat ang katotohanan ng Diyos. Pero hindi naging madali. Hindi lahat gusto ng katotohanan. Marami ang nasasagasaan nito. Kaya't kabi-kabilang banta ang ipinupukol kay Hesus para mapatahimik lamang siya. Pero hindi naduwag si Hesus. Mas lalo pa siyang tumapang dahil nasa panig siya ng katotohanan. Kapag nagsasabi ka ng totoo, tumatapang ka.





Paano nga ba maaalis ang kaduwagan sa puso't isip natin? A, magsimula kang manindigan sa totoo at sa totoo lamang. Totoo lang ang sasabihin mo at unti-unti nitong lulusawin ang kaduwagan sa kalooban mo. Habang nagsasabi ka ng totoo, titindi pa ang tapang mo. Walang tatalo sa totoo. Wala siyang inuurungan. Wala siyang kinakatakutan.





MANALANGIN:

Panginoon, ipaunawa mo na may obligasyon kami sa katotohanan. Dapat namin itong ipahayag. Tulungan mo kaming magsimulang magsabi ng totoo upang ang alinlangan at takot at karuwagan sa puso namin ay unti-unting mapalitan ng katapangan.

Wednesday, April 6, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-07-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - HUWEBES NG IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA (Abr. 07)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Thursday, April 7, 2011 at 8:01am

JUAN 5: 31-47

31 Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpasugo kayo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi galing sa tao ang aking patotoo; sinasabi ko ito upang kayo ay maligtas. 35 Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan, ang mga gawaing ipinapagawa sa akin ng Ama ang siya ko namang ginaganap; iyan ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. 42 Subalit kilala ko kayo; alam kong wala sa inyo ang pag-ibig ng Diyos. 43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, ito'y inyong tatanggapin. 44 Ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayo maniniwala sa akin? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. 46 Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. 47 Dahil hindi ninyo pinapaniwalaan ang mga isinulat niya, hindi rin ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko.





MAGNILAY:

May responsibilidad ang maniwala. Maraming ayaw maniwala hindi dahil sa hindi kapani-paniwala ang mga bagay-bagay kundi dahil sa takot sa responsibilidad ng paniniwala.





Pinagdidiinan ni Hesus ang kanyang kredibilidad. Kapani-paniwala siya hindi lang dahil sa sinasabi niya tungkol sa kanyang sarili kundi dahil may mga nagpapatotoo sa kanyang kredibilidad: si Juan Bautista, ang kanyang mga gawa, ang Ama at si Moises sa Banal na Kasulatan. Hindi problema ang kredibilidad. Ang problema ay ang mga tao na ayaw ng responsibilidad. Kapag ikaw ay naniwala magkakaroon ka ng responsibilidad sa Diyos, sa iyong sarili, sa iyong kapwa at sa buong mundo. Ayaw ng marami ng obligasyon. Ayaw nila ng hamon ng pagbabago. Ayaw nilang iwan ang nakasanayan na kahit kulang o mali. Gusto nila ng pananamplatayang walang responsibilidad.





Marami rin sa atin ang ganito ang takbo ng isip. Ayaw ng hirap. Ayaw ng pagkilos. Ayaw ng pagbabago. Pero walang tunay na pagsampalataya kung hindi handang harapin ang mga pagbabago at mga kilos ng pagpapanibago. May responsibilidad ang maniwala sa Panginoon. Hindi lang tayo maniniwala hanggang sa komportable tayo. Hahamunin ng pananampalataya ang mga nakasanayan na natin at uusisain kung naaayon ba ito sa prinsipyo ng Panginoon. Kung hindi, radikal itong dapat na baguhin. Naniniwala tayo sa pangmatagalan na solusyon. Naniniwala tayo sa pagharap sa mga ugat na problema ng ating kasalanan. At dahil dito, haharap tayo sa matinding responsibilidad. Ang bunga naman nito ay buhay na ganap at lubos sa piling ng Panginoon.





Kung ayaw mo ng responsibilidad, huwag kang maniwala! Kung ayaw mong maniwala, magdusa ka sa bilangguan ng pagiging iresponsable at tamad!





MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong maniwala at maging handa sa malalaking responsibilidad na iaatang nito sa akin.

Tuesday, April 5, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (04-06-11)

JUAN 5: 17-30

17 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at gayundin ako. 18 Lalo namang pinagsikapan ng mga pinuno ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y humanga. 21 Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.

24 Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan, sa halip ay inilipat na siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Pakatandaan ninyo na darating ang panahon, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. 27 Binigyan din niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. 29 Sila'y muling mabubuhay; lahat ng gumawa ng kabutihan ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay paparusahan.

Mga Saksi Para kay Jesus

30 Hindi ako gumagawa dahil sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.





MAGNILAY:

Like father, like son.





Ito ang tumpak na paglalarawan kay Hesus bilang Anak ng Diyos Ama. Nagngingitngit ang mga Hudyo dahil sa pagtawag ni Hesus sa Diyos na Ama dahil ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Para sa kanila kalapastanganan ito sa kadakilaan ng Diyos. Gayunman, wala rin silang magawa dahil pinatunayan ni Hesus ang kanyang pagiging Anak ng Diyos hindi lang sa pag-amin sa salita kundi sa patotoo ng kanyang mga gawa. Ang gawa ng Ama ay nasasalamin sa kanyang mga gawa. At sino ang puwedeng kumwestyon sa patotoo ng gawa. Mas mabigat ang patunay ng gawa kaysa sa salita.





Pinapakilala mo rin ba ang iyong sarili bilang anak ng Diyos? Pero mag-ingat ka. Dahil hahanapan ka ng patunay na ikaw nga ay anak ng Diyos. Hindi lang basta-basta na sasabihin mo na anak ka ng Diyos. Patunayan mo sa gawa. Ipakita mo sa kilos. Kapag sinuri ang kalse ng iyong pamumuhay at uri ng iyong ginagawa wala dapat kumwestyon na ikaw nga ay anak ng Diyos. Ikaw nga ay anak ng Ama, walang kaduda-duda!





MANALANGIN:

Panginoon, itigil ko nawa ang kasasabi na ako ay anak ng Diyos. Patunayan ko na lang sa gawa.