Sunday, January 30, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-31-11)

MARCOS 5: 1-43

Ang Pagpapagaling sa Gerasenong may Sapi



1 Dumating sila sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. a 2 Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. 3 Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. 4 Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. 5 Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili.

6 Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. 7 Sumigaw siya nang malakas, "Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, bakit mo ako pinapakialaman? Ipangako mo sa pangalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!" 8 (Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Jesus, "Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!")

9 Tinanong siya ni Jesus, "Ano ang pangalan mo?"

"Batalyon, b sapagkat marami kami," tugon niya. 10 At nakikiusap siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lugar na iyon.

11 Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 12 Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, "Pasapiin mo na lamang kami sa mga baboy," 13 at sila'y pinahintulutan niya. Lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at sumapi sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawang libo, ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod.

14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang tunay na nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at ang sinapit ng mga baboy.

17 Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain.

18 Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya, 19 ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, "Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo."

20 Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon.



MAGNILAY:

Umuwi ka na...



Masakit masabihan na umuwi ka na lang lalo na't gustung-gusto mong sumama. Puwede kang makaramdam na inayawan ka. Ayaw kang isama kaya umuwi ka na lang. Lalo na kapag pakiramdam mo ay handang-handa ka na at pagkatapos ay pauuwiin ka lang pala.



Pinauwi na lang ni Hesus ang pinagaling niyang lalaki na sinapian ng masasamang espiritu. Siguro nagtataka rin tayo bakit hindi niya pinasama ang lalaki sa kanyang misyon. Hindi siya inayawan ng Panginoon kundi gusto niya na unahin niyang pagpahayagan ng Mabuting Balita ang kanyang mga mahal sa buhay, ang kaniyang kapamilya at kamag-anak. Pinapakita sa tagpong ito kung paano ang pagpapatotoo at pagpapahayag ng Mabuting Balita ay nagsisimula sa tahanan.



Mahalagang leksyon ito ng Panginoon. Una, hindi tayo basta na lang aabante sa ating buhay espiritwal nang hindi iniisip ang mga taong pinakamalalapit sa ating buhay - ang ating pamilya. Hindi tayo puwedeng basta na lang silang kaligtaan at iwanan. Mas matamis ang sumunod sa Panginoon kung kasama mo ang mga mahal mo sa buhay.



Ikalawa, ang pamilya ang una nating misyon, at minsan ang pinakamalaking hamon ng pagmimisyon. Walang propeta ang tanggap sa sariling bayan sabi nga Panginoong Hesus mismo. Siya man ay humarap sa matinding hamon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa sariling mga kamag-anak at kababayan. Mas malaki ang hamon dahil kilala nila tayo at wala tayong maipagkukunwari. Alam nila maging ang sarili nating kahinaan at dating pagkakamali sa buhay na puwedeng isumbat sa atin. Gayunpaman, hindi ito dahilan para huwag natin silang pagpahayagan ng salita ng Diyos. Dito masusukat ang katatagan natin at laki ng dedikasyon para ipangalat ang salita ng Panginoon.



Ikatlo, mas magiging epektibo tayong tagapamahayag ng Mabuting Balita kapag suportado tayo ng pagbabagong-buhay ng ating pamilya. Sila ang magsisilbing patotoo sa ating mga sinasabi. Bago ang ibang bakuran, sa sariling bakuran muna tayo magtrabaho. At kung naitanim natin sa sarili nating bakuran ang binhi ng pananampalataya, maitatanim din natin ito sa iba ng may mas ibayong kombiksyon.



Panghuli, ang pinakaepektibong paraan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ay ang pamilya. Kung ang buong pamilya ay nagpapatotoo at nagpapahayag, wala itong katumbas sa pagiging mas mabisa at epektibong pagpapahayag ng salita ng Diyos. Ang pamilya na ang benepisyaryo ng pagpapahayag ng Mabuting Balita, siya pa mismo ang magigiong tagapamahayag nito pagkatapos.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong maging mabuting halimbawa ng buhay Kristiyano sa aking mga kapamilya. Gawin mong ang aking pamilya ay maging tagapamahayag ng Mabuting Balita.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-30-11)

MATEO 5: 1-12

Ang Sermon sa Bundok

1 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad 2 at sila'y tinuruan niya.

Ang mga Mapapalad

3 "Mapalad ang mga dukha sa espiritu,

sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

4 "Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.

5 "Mapalad ang mga mapagpakumbaba,

sapagkat mamanahin nila ang daigdig.

6 "Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,

sapagkat sila'y bubusugin.

7 "Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.

8 "Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.

9 "Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,

sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.

10 "Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

11 "Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin.

12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo."



MAGNILAY:

Mapalad ang mga dukha...



Parang nakakaloko ang pahayag na ito dahil kahit pagbali-baliktarin ang mundo hindi maituturing na mapalad ang maging dukha. Walang nangangarap na maging dukha. Lahat gustong umahon sa karukhaan. Paano mong masasabing mapalad ang nagugutom, ang walang tahanan, ang di makakita ng trabaho, ang hindi makapag-aral, ang walang pampaospital, at marami pang malungkot na kalagayan ng isang dukha? Hindi mapalad ang dukha. Kaawa-awa siya!



Maging ang Diyos ay hindi masaya sa kalagayan ng mga dukha. Hindi gusto niya gusto ang maghikahos ang marami at mamuhay sila ng mas mababa kaysa sa nararapat. Alam ng Diyos na ang karukhaan ay anyo ng kasalanan ng lipunan. Kasalanan ang may naaapi, ang may pinagkakaitan, ang may nang-aabuso at inaabuso, ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng oportunidad, ang may mas lalong yumayaman at may mas lalong naghihirap. Hindi kalooban ng Diyos na may nagdurusa dahil sa kawalan ng hustisya, kapabayaan, paglalamangan at iba pang katiwaliang ugat ng kahirapan. Dapat sugpuin ang kahirapan. Isa itong Kristiyanong obligasyon. Hindi maipapahayag ang Mabuting Balita na hindi hinaharap ang usapin tungkol sa katarungan.



Gayunpaman, maliwanag ang pahayag ni Hesus: Mapalad ang mga dukha. May nakikitang kariktan ang Panginoon sa mga dukha. Tutol man siya sa kalagayan nila bilang api nguni't hindi niya puwedeng hindi purihin ang maganda at banal tungkol sa kanila. Ito ay ang kanilang lubos na pagtitiwala sa kalinga ng Maykapal. Tanging Diyos ang kanilang pinakainaasahan at dahil dito tunay silang mapalad sapagka't kakampi nila ang Diyos na nakikinig sa daing ng mga dukha.



Sa kabila ng kanilang abang kalagayan matatagpuan sa kanila ang kapayakan ng pananalig sa Diyos, malasakit sa pamilya at komunidad sa kabila ng kasalatan, at pagiging totoo at tapat sa pakikipagkapwa-tao kahit maliit lang ang naabot sa pag-aaral. Kaibang-kaiba sa ibang mga nakatanggap ng biyaya sa buhay. Konting perang biyaya ay nagbabago agad ang ugali. Akala mo kung sino na kung manlait ng kapwa. Konting naabot na posisyon ay naghahari-harian kaagad at kapit-tuko sa puwesto. Konting tagumpay sa buhay ay nakalimot na sa Diyos na laging umaasa na magtitiwala pa rin tayo sa kanya kahit umaangat tayo sa buhay. Konting biyaya ay inabandona na ang Diyos at ginawang diyus-diyosan ang kanilang biyaya. Minsan, kung kailan naging mayaman ay mas lalo namang naging kuripot kung di man sakim sa pera. Pati kaibigan ay iniiwan na akala mo laging manghihingi sa kanya. O kaya, kung kailan naluklok sa puwesto at saka nalaho ang ambisyong makapaglingkod ng mas higit. Ginamit ang puwesto para pagsilbihan ang sarili at maghari-harian. Galit ang Diyos sa ganitong uri ng mga tao. Nasusuklam siya sa nag-aastang mayaman. Dahil kahit ano pa ang marating natin sa buhay, dukha tayo sa mata ng Diyos at sa kanya lang tayo dapat umasa dahil sa kanya galing ang lahat. Ang kayamanan, ang kapangyarihan at ang karangalan ng mundong ito ay lilipas. Mawawala ang mga ito sa isang iglap. Hindi sa mga ito natin dapat isuko ang ating kaluluwa.



Mapalad ang mga dukha... Ibig sabihin, mapalad ang nanatiling dukha sa puso't kalooban kahit sa gitna ng tagumpay dahil ang Diyos lang ang talagang tunay na maaasahan. Siya lang ang magtuturo sa atin ng mabuti. Kapag inalis natin ang Diyos sa buhay natin, ang mga biyayang tinanggap natin ang magiging daan ng ating kapahamakan. Kung mapalad ang mga dukha sa espiritu ... MALAS ANG MAG-ASTANG MAYAMAN SA PUSO'T ISIPAN!



MANALANGIN:

Panginoon, laging mong ipakita sa amin ang aming karukhaan upang sa iyo lamang kami tunay na umasa.

Thursday, January 13, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-14-11)

MARCOS 2: 1-12

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko

1 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. 2 Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, 3 may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. 4 Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinaba ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, "Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo."

6 May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: 7 "Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?"

8 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, "Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, 'Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,' o ang sabihing, 'Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka'? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa..." sinabi niya sa paralitiko, 11 "Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!"

12 Tumayo nga ang paralitiko. Kaagad nitong binuhat ang kanyang higaan at umalis habang ang lahat naman ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, "Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!"



MAGNILAY:

Ang pagtatamo ng kaligtasan ay hindi ekslusibong personal na pakay lamang. Ito ay laging sama-samang kolaborasyon ng lahat. Ito ay bunga ng pagtutulungan ng lahat sa Simbahan – ang Katawan ni Kristo.



Mas nauuso ngayon ang istilo ng buhay na kanya-kanya. Maraming tinatayong mga residential buildings ngayon na ganito ang set up. Kanya-kanya. Hindi mo kilala ang kapit-bahay mo. Hindi alam ang nangyayari sa isa’t-isa. Ganito rin minsan sa mga malalaking subdibisyon. Ang tataas ng pader. Walang pakialaman. Ang ganitong ugali ay nadadala rin natin sa Simbahan. Kapag nagmimisa, hindi mo man lang malingon ang katabi. Sa pagbubuo ng kapitbahayan para sa Simbahan, madalas ay pahirapan. Mukhang mas komportable ang huwag makialam!



Sa ating Ebanghelyo, ang paralitiko ay naligtas dahil sa tulong ng mga kaibigan. Larawan ito ng kung ano tayo dapat maging bilang magkakapatid sa Panginoon. Nagtutulungan. Umaalalay sa isa’t-isa. Nagdadamayan. Ang pagkakanya-kanya, ang pagsasarili at ang pag-sosolo ang pinaka hindi makakristiyanong paraan ng pamumuhay. Ang kaligtasan ay sama-sama nating pagtrabahuan at tamuhin. Ganito tayo dinisensyo ng Diyos.



MANALANGIN:

Panginoon, ipaunawa mo sa amin ang kahulugan ng pagiging iyong Katawan. Iba-iba man kami pero dapat ay nagkakaisa at nagtutulungan. Turuan mo kaming iwaksi ang ugaling pagkakanya-kanya.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-13-11)

MARCOS 1: 40-45

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin

40 Isang taong may ketong ang lumapit kay Jesus, lumuhod ito at nagmakaawa, "Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis."

41 Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, "Oo, nais ko! Gumaling ka!" 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. 43 Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus 44 at pinagsabihan ng ganito: "Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na."

45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa labas ng bayan subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.



MAGNILAY:

Hindi kosmetikong solusyon ang diskarte ni Hesus sa problema. Ang ugat ng problema ang kanyang hinaharap upang bigyan ito ng mas permanenteng solusyon.



Nang pinagaling ni Hesus ang ketongin, hinilom niya ang ugat ng kanyang sakit – ang makasalanan niyang kalagayan. Ang sakit noong panahong iyon ay tinitingnan sa kaugnayan nito sa kasalanan. Maraming kuwento ng pagpapagaling ni Hesus na kuwento talaga ng pagpapatawad. Hinihilom niya lalo na ang konsensiya. Binibigyan niyang muli ng kakayanan ang mga nasadlak sa kasalanan na bumangon at magdesisyon para sa mabuti. Pagbabagong-buhay ang resulta ng kanyang pagpapagaling sa kanila.



Marami tayong problema na ang solusyon natin ay kosmetiko – panandalian, pagtatakip lamang ng talagang problema, pakunwaring mga solusyon. Hindi masamang mag-abot sa nangangailangan pero dapat tumbukin bakit nga ba may kahirapan? Ano ang ugat? Kapag natumbok ang ugat ng problema, magiging mas kapaki-pakinabang ang solusyon natin. Totoo rin ito sa ating pagpapakabanal. Bakit ang hirap magmahal ng kapwa? Baka naman, may nakaraang galit sa puso natin na dapat hilumin at naipapasa natin sa iba na wala namang kinalaman sa pinagdaanan natin. Bakit lagi akong naiinggit, nagseselos, o umaatras sa mga oportunidad? Baka may problema tayo sa pagpapahalaga sa sarili. Kailangang buoin pa ang kompiyansa, pagtitiwala at bilib sa sarili. Hanapin natin ang mga ugat ng problema natin at magakakroon tayo ng mas matalinong mga solusyon.



MANALANGIN:

Panginoon, bigyan mo ako ng tapang na harapin ang mga talagang sanhi ng aking kahinaan at karupukan. Sa tulong ng iyong gabay, isa-isa ko nawang mas maunawaan ang mga ito at makapagnilayu ng angkop na mga solusyon.

Wednesday, January 12, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-12-11)

M

ARCOS 1: 29-39

Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao

29 Mula sa sinagoga, si Jesus, kasama sina Santiago at Juan, ay nagtuloy agad sa bahay nina Simon at Andres. 30 Noon ay nakahigang nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. 31 Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. 33 Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea

35 Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at 37 nang matagpuan siya ay sinabi nila, "Hinahanap po kayo ng mga tao."

38 Ngunit sinabi niya sa kanila, "Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko."

39 Nilibot nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.



MAGNILAY:

Ang kabayaran sa progreso ng makabagong buhay ay ang pagkitil sa kakayanan nating magnilay.



Mabilis ang buhay ngayon. Lahat naghahabol. Lahat nagmamadali. Lahat takot maiwan. Ang daming dapat asikasuhin. Dumami ng dumami na ang naiimbentong pangangailangan. Lahat nakikipagkompitensya sa pansin natin. Nangungulit. Nang-eengganyo. Nagbabanta. Nananakot. Kulang na ang oras sa isang araw. Dapat magbawas ng schedule. Sa kasamaaang-palad ang unang binabawas sa schedule natin ay ang oras para magnilay.



Ang isang katangian ng makabagong buhay ay pagkaabala. Pag hindi ka abala, wala kang kuwenta. Pag hindi ka abala, wala kang kikitain. Maging ang oras ng pamamahinga natin ay puno ng gawain. Ang daming opsyon ng paglilibang ngayon. Sine, TV, malls, games, at sangkaterba pang iba. Kasalanan ang ma-bore ngayon. Kaya naman kung mayroong isang gawain ang hindi na nakasanayan at hindi na attractive sa marami ay ang magnilay! Sayang lang ang oras. Sayang na wala kang gagawin kundi manahimik sa isang sulok.



Si Hesus sa gitna ng marami niyang gawain ay nakuhang tumigil, lumayo, magnilay at manalangin. Kahit ga-bundok ang dapat niyang asikasuhin hindi nawawala sa kanya ang oras ng pag-iisa. Dito niya natutuhog ang lahat ng nangyayari sa kanya at makita ang mga iyon ng isang kabuoan. Sa pagninilay niya natatagpuan ang misteryo ng presensiya ng kanyang Ama na pinagmulan ng kanyang misyon. Dito niya nalalasap ang kahulugan ng kanyang mga ginagawa.



Ang unang problema ng makabagong tao ay ang kawalan ng kahulugan sa buhay. Oo, abala siya. Maraming ginagawa araw-araw pero walang kahulugan. Mababaw ang tingin sa buhay. Para siyang latang walang laman. Maingay lang pero walang laman. Kalungkutan na bunga ng kawalan ng kahulugan ng buhay ang mortal nating kaaway. Ito ay dahil sa nawalan na tayo ng kakayanang magnilay at lumalim. Habang hindi natin pinag-uukulan ng panahon ang pagninilay lalong nawawala ang kakayanan nating gawin ito. Kapag hindi na tayo marunong magnilay, napuputol ang tulay na nag-uugnay sa atin sa Diyos. At kapag nawalay tayo sa Diyos, masahol pa sa tigang na lupa ang kauuwian natin. Walang makakalunas sa uhaw na mararamdaman maliban sa muli nagting matutunan ang magnilay. Walang makabagong teknolohiya ang puwedeng pumatid sa uhaw natin sa kahulugan ng buhay. Tanging ang relasyon sa Diyos ang magkakaloob nito sa atin.



May oras ka pa ba sa mga bagay na malalim o hanggang sa mababaw ka na lang?



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo ang aking puso na umabot sa iyo sa pagninilay at pananalangin. Huwag mong hayaang mauhaw ito haggang ito'y tuluyang malayo sa iyo. Lagi mo akong akitin na makipagniig sa iyo sa pag-iisa, pagninilay at pananalangin.

Monday, January 10, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-11-11)

MARCOS 1: 21-28

Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu

21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

23 Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24 "Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita, ikaw ang Banal na mula sa Diyos."

25 Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, "Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!"

26 Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27 Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, "Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya."

28 Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.



MAGNILAY:

May talab ang salitang nanggagaling sa puso!



Nasa panahon tayo na hindi mo na alam kung sino ang nagsasabi ng totoo at ng kasinungalingan, ng tama at ng mali. Nasa panahon tayo na hindi mo alam kung sino ang paniniwalaan at hindi paniniwalaan, pakikinggan at hindi pakikinggan. Lahat nagsasabi na sila ang totoo at tama, na sila ang dapat paniwalaan at pakinggan. Lahat nag-aangkin ng sinseridad at kredibilidad.



Gayunpaman, alam natin sa puso kung sino ang totoo at sinungaling, ang tama at mali, ang kapani-paniwala at hindi, ang dapat pakinggan at hindi. Sapagka't ang sinseridad at kredibilidad ng sinasabi ay nanggagaling sa puso. At tanging pusong mapanuri at makilatis ang nakakilala ng katapatan ng salita.



Ang kaibahan ng turo ni Hesus ay nanggagaling ito sa kanyang puso. Hindi siya nagkukunwari. Hindi siya nambobola. Hindi siya nagpapasiklab. Hindi siya nagpipilit. Nagsasabi lang siya ng totoo na nasa kanyang puso't kalooban. Nananahan ang katotohanan sa kanyang puso kaya't tila bukal itong dumadaloy sa kanyang pananalita. Balot ng kabanalan ang kanyang kalooban kaya't gayun na lamang ang pagningning nito sa kanyang sinasabi. Tumatalab ang kanyang salita dahil galing ito sa kanyang puso. Dahil galing sa puso naghahayag ito ng kanyang dakilang pag-ibig sa lahat ng uhaw sa katotohanan. Dahil ito'y totoo, tinataboy nito ang lahat ng kasinungalingan at katiwalian sa mga nakikinig. Nakakapaso nga ang kanyang salita sa mga sinungaling at tiwali. Isang ginahawa naman ito sa mga may mababang kalooban na ang tanging hanap ay ang katotohanan ng Diyos.



Puno na ng kasinungalingan ang mundo. Nasusuka na tayo sa pagkukunwari. Naaalibadbaran na tayo sa mga pasiklab. Karapatan naman nating makarinig ng totoo, ng tama. Karapat-dapat lang naman na makatikim tayo ng sinseridad at kredibilidad sa mga sinasabi sa atin. Makalasap naman nawa tayo ng mga salitang buhay, tumatagos at tumatalab.



Anong klaseng salita ang lumalabas sa iyong bibig?



MANALANGIN:

Panginoon, ipaunawa mo sa akin ang kapangyarihan ng salita. Turuan mo akong maging responsable sa bawa't salitang aking sasabihin. Mamamayani nawa sa aking puso ang katapatan at katwiran. At mahayag nawa ang mga ito sa aking mga sinasabi.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-10-11)

MARCOS 1:14-20

Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea

14 Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi niya, "Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! e Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!"

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda

16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao." 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.



MAGNILAY:

Hindi lang tayo tinatawag na maging magingisda ng mga tao kundi maging isda mismo para sa mga tao!



Ang isda ay pangunahing simbolo ng Kristiyanismo. Ang isda ay kumakatawan sa Panginoong Hesukristo bilang Anak ng Diyos at ating Tagapaligtas. Ang isda sa salitang Griyego ay ΙΧΘΥΣ ( binubuo ng mga Griyegong letra na Iota, Chi, Theta, Upsilon, at Sigma; ang bigkas ay ichtus). Ang ichtus ay naging simbolo ng Panginoong Hesuskristo mismo dahil ang limang letrang baybay nito ay naging initials na naglalarawan sa kung sino ang Panginoon. Ι - Iesous (Hesus), Χ - Christos (Kristo), Θ - Theou (Diyos), Υ - Uios (Anak), Σ - Soter (Tagapagligtas). Ang kabuuang kahulugan: Hesukristo, Anak ng Diyos, Tagapagligtas. Kaya pag nakikita natin ang simboilo ng isda sa mga dekorasyon sa simbahan o sa mga damit ng pari ito ay simbolo ng Panginoong Hesus at simbolo rin natin bilang mga tagasunod niya.



Pero hindi lang dahil ang mga letra ng salitang isda sa Griyego ay puwedeng initials ng pangalan at misyon ni Hesus kaya ito naging simbolo niya kundi ang isda ay talaga namang kumakatawan din sa misyon na tinupad ng Panginoon. Ang isda ay pagkain. At si Hesus ay naging pagkain ng lahat ng ibigay niya ang kanyang buong sarili para sa ating kaligtasan. Siya'y nag-alay ng buhay upang tayo ay mabuhay. Sa himala ng pagpaparami ng tinapay na kumakatawan sa Banal na Eukaristiya, kasamang pinarami ni Hesus ang isda. Kaya ang mga tinapay at isda ay larawan ng Panginoon bilang Pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan.



Tayo rin ay tinatawag hindi lang para maging mga mangingisda kundi maging mga isda mismo para sa mga tao. Hindi lang tayo tinanatawag para magpakain kundi maging pagkain mismo. Mismong ang sarili natin ang iniaalay natin para mabuhay ang iba - oras, talino at galing, pisikal na presensya, kalusugan. Lahat-lahat ng meron tayo ay alay na pagkain para bigyang-buhay ang kapawa. Ito ang tunay na kahulugan ng maging isang Kristiyano.



Tinatawag kang maging mangingisda ng tao, oo, pero matuto ka muna na maging ichtus, maging isda, maging pagkain para mabuhay ang iba.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, marami ang namamatay ngayon lalo na sa espiritu dahil sa dami ng suliranin, tukso at kasalanan. Gawin mo kami na maging pagkain upang mabuhay ang marami. Tulad mo, ang ICHTUS, matutunan naming ialay ang aming buong sarili para buhayin ang tila naghihingalo nang mundo.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-09-11)

MATEO 3: 13-17

Binautismuhan si Jesus

13 Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. 14 Ngunit tumututol si Juan at patuloy na sinabi, "Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?" 15 Subalit sumagot si Jesus, "Hayaan mo ito ang mangyari ngayon; sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos." Kaya't pumayag din si Juan. 16 Nang siya'y mabautismuhan, umahon si Jesus sa tubig. Biglang nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. 17 At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!"



MAGNILAY:

May isang speaker sa isang seminar ang naglabas ng malutong na isang-libong-pisong papel. Tinanong niya ang mga tao, "Sinong gustong makatanggap ng isang-libong-pisong papel na ito?" Siyempre, nagtaasan ang maraming kamay mula sa mga tao. Pagkatapos, nilukot niya ang perang papel sa kanyang kamay. At tinanong niya uli, "Sinong may gustong makatanggap ng lukot na perang ito?" Siyempre, taasan pa rin ang parehong mga kamay at baka may nadagdag pa. Pagkatapos, ibinato niya sa sahig ang lukot na pera at tinapak-tapakan pa. Pagkatapos, tinanong niya uli, "Sinong may gustong makatanggap ng lukot at maruming perang ito?" At siyempre, nagtaasan pa rin ng kamay ang marami. At tinanong niya, "Bakit sa kabila ng lukot na ang pera at nadumihan pa, gusto niyo pa ring matanggap ito?" Siyempre ang sagot, kahit anong lukot pa nito at dumi, ang halaga nito ang hindi nagbago. Ang isang libong pisong iyon ay isang libong piso pa rin noong siya'y malutong pa at kahit nalukot at nadumihan pa siya pagkapatos. At sabay sabi, "Ang perang ito ay tulad natin. Sa mata ng Diyos, hindi nagbabago ang halaga natin bilang kanyang mga anak kahit nagkamali tayo sa buhay, kahit nadungisan tayo dahil sa mga palpak nating desisyon sa buhay, kahit naging sugatan tayo dahil sa maraming hindi kanais-nais na pangyayari sa ating buhay. Tayo pa rin ang anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos."



Sa pagbibinyag ni Hesus, napahayag ang kanyang pagiging kinalulugdang Anak ng Ama. Kahit naging hamak na tao ang Panginoon at nakibilang sa mga makasalanan kaya nga siya pumila para magpabinyag, hindi maitatago na siya ang kinalulugdan Anak ng Diyos. Isa nanamang epifania ito ng Panginoon, pagpapakita kung sino siya. Sa pagbibinyag ng Panginoon, tayong lahat ay nabinyagan din bilang mga anak ng Diyos. Sa pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos, tayo ay inampon ng Diyos bilang kanyang mga anak. Naging mga anak tayo sa kanya na ang karangalan ay kailanman hindi mababago kahit masadlak tayo sa maraming mga pagkakamali sa buhay. Hindi nagbabago ang tingin ng Diyos sa atin tulad ng isang magulang sa kanyang anak. Laging nakabukas ang kanyang mga kamay sa pagbabalik natin sa kanya. Laging handa siya sa pagpapatawad sa mga naging suwail na anak. At kahit lumayo tayo sa kanya, hindi nagbago ang pagmamahal niya sa atin.



Sa araw na ito, inaanyayahan tayong ipagdiwang ang ating pagiging mga anak ng Diyos. Nguni't hindi lang basta magdiwang kundi ipangako muli na magpapaka-anak tayo ng Diyos sa isip, sa salita at sa gawa. Ngayon ay araw ng pagpapanibago ng ating pangako sa binyag na magiging mga saksi tayo ng Diyos na ating Ama at susundan ang mga yapak ng kanyang anak at ating Kapatid na si Hesus. Samantalang tinatapos natin ang kapanahunan ng Pasko sa araw na ito, pinapangako naman natin na ang mensahe ng Pasko at lahat ng biyayang paglago na tinamo natin sa buong kapanahunang ito, ay ipagpapatuloy natin sa buong taon at lagpas pa.



Maganda ring ipangako natin sa araw na ito na tutuklasin ko kung kailan ako bininyagan. At simula ngayon, ipagdiriwang ko ito sa isang banal na paraan tuwing sasapit ang araw na ito. Kung pinagdiriwang natin ang ating kaarawan ng pagsilang o anumang anibersaryo ng mga kaganapan sa ating buhay, ang araw ng ating binyag ay hindi dapat mahuli sa pag-alaala at pagdiriwang na ito. Ito ang pinakamahalagang araw sa buhay natin. Dito tayo pormal na naging mga anak ng Diyos. Makalimutan mo na ang birthday mo huwag lang ang iyong binyag. Yun ang birthday mo bilang anak ng Diyos.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong pangalagaan ang aking dangal bilang anak ng Diyos. Marami na akong palpak na ginawa sa buhay. Dinungisan ko ang karangalang ito. Tulungan mo akong magpanibago at simula ngayon, isabuhay kong muli ang aking pagiging anak mo. Huwag nawa kitang ipahiya dahil lang sa katigasan ng aking ulo. Masaksihan nawa ng lahat na ako ay nagsisikap maging karapat-dapat na tawaging iyong anak.

Friday, January 7, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-08-11)

JUAN 3: 22-30

Si Jesus at si Juan

22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili sila roon nang kaunting panahon, at nagbabautismo ng mga tao. 23 Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. 24 Hindi pa noon nabibilanggo si Juan.

25 Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!

27 Sumagot si Juan, Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. 28 Kayo mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. 29 Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. 30 Kinakailangang siya ang maging dakila at ako nama'y maging mababa.



MAGNILAY:

Ikaw ba yung abay na mas maarte pa, mas maporma pa, mas excited at mas kabado pa kaysa dun sa talagang ikakasal?



Minsan ganun tayo kung aabay. Tayo pa yung hindi mapakali. Kabado tayo sa susuotin natin, sa kung ano magiging porma natin, sa magiging itsua natin. Akala mo naman tayo nga yung ikakasal samantalang kung tutuusin dekorasyon lang naman talaga tayo bilang mga abay. Hindi tayo yung sentro. Hindi tayo yung mahalaga. Hindi tayo yung importante. Yung ikakasal - yung ang sentro ng pansin.



Alam ni Juan Bautista ang papel niya. Hindi siya yung Mesiyas. Tagapaghanda lang siya. Kung itutulad nga sa kasal, siya ang best man si Hesus ang lalaking ikakasal. At tulad ng nangyayari sa kasal, pag nandiyan na ang lalaking ikakasal, dapat ng mawala sa eksena ang best man. Sa tabi na lang siya. Hindi siya ang sentro. Hind siya ang pinakamahalagang tao sa pagdiriwang. Matutuwa siya na ibaling ang pansin ng lahat sa ikakasal. Si Juan ay papaalis na ng eksena. Nariyan na ang Mesiyas at dapat lahat ay ituon ang pansin sa kanya. Natutuwa siya na nagsimula na si Hesus sa kanyang gawain. Kahit may nagsumbong pa sa kanya na para bang siya na ang nilalapitan ng marami, hindi niya ito pinatulan. Dahil alam niya kung saan siya lulugar.



Matuto tayo kay Juan Bautista ng kababaang-loob. Una, matuto tayong lumugar sa kung saan talaga tayo nararapat. Huwag tayong mang-agaw ng eksena kung baga. Huwag tayong mang-agaw ng karapatan. Sa madali't-sabi, matuto tayong rumespeto ng ating kapwa. Kapag marunong tayong rumespeto, dadami ang ating kaibigan. Matuwa tayo sa kung ano ang ibinigay at itinakda para sa atin. Pagbutihin natin at maging masaya sa responsibilidad na ipinagkatiwala sa atin.



Ikalawa, matuto tayong makipagtulungan. Ang buhay-Kristiyano ay buhay-komunidad. At sa komunidad, nagtutulungan tayo at nagpupunuan. Hindi kompetisyon ang buhay-komunidad. May iisa tayong layunin, kilos at pinaglilingkuran. Sana mabawasan at mawala ang mga inggitan at hilahan pababa. Magkaisa upang maganap ang kalooban ng Diyos sa atin. Magkaroon ng sama-samang kilos para mabuo ang kaharian ng Diyos sa piling natin.



Panghuli, matuto tayong huwag maghanap ng papuri sa magandang ginagawa natin. Ang papuri ay sa Diyos talaga. Salamin lang tayo ng ating Tagapalikha. Sapat na sa atin ang maganap natin ang ating tungkulin. Masaya na tayong makakatulog ng mahimbing. Huwag tayong masanay sa papuri. Kung ibigay ito, magpasalamat tayo. Kung hindi, huwag nating hanapin. Tulad ni Juan Bautista, kailangan nating magiging mababa at ang Panginoon ay maging dakila.



MANALANGIN:

Panginoon, salamat sa mga tungkuling ipinagkatiwala mo sa amin. Masaya kami dahil galing ito sa iyo. Itulot mong magampanan namin ito ng tapat at iyon ay sapat nang kaligayahan para sa amin. Ang lahat ng parangal at papuri ay mapasaiyong pangalan magpakailanman.

Thursday, January 6, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-07-11)

LUKAS 5: 12-16

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin

12 Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, "Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis."

13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, "Nais kong gumaling ka at luminis!" At noon di'y nawala ang kanyang ketong. 14 Pinagbilinan siya ni Jesus, "Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na."

15 Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.



MANALANGIN:

Gusto natin laging maging una. Kaya nga nakikipagkompitensya tayo lagi. Ang mundo nga ngayon ay masyadong competitive. Kung babagal-bagal ka, maiwan ka. Kung lalampa-lampa ka, dyan ka na. Kung di ka una, huwag na lang. Sana mag-unahan din tayo sa pagmamahal at pagmamalasakit.



Lumapit ang ketongin kay Hesus para magpagaling. Nagbakasakali siya na kung nais ng Panginoon na pagalingin siya, mapapagaling siya. Sa totoo lang, bago pa naisin ng ketongin na siya'y gumaling, mas una ang Panginoon na magnais na siya'y gumaling. Bago pa naisipan ng ketognin na lumapit kay Hesus, naghihintay na siya sa kanyang pagdating.



Ganito ang Diyos. Una niya tayong minahal. Mahal na niya tayo bago pa natin siya mahalin. Una na siyang naghangad ng ating kaligtasan at kagalingan bago pa natin ito hangarin. Una na siyang nagmahal at nagmalasakit. Kailangan na lang na hangarin din natin ang mahalin siya. Kailangan na lang na gustuhin din natin na iligtas niya. Kailangan na lang na naisin natin na pagalingin niya. Pero ang Diyos nariyan na siya, noon pa, matagal na, bago pa sumagi sa isip natin na may Diyos nga pala na handang magpakasakit sa atin.



Gayahin din nawa natin ang Panginoon. Mauna na tayo sa pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa. Huwag na nating hintaying mahalin tayo bago tayo magmahal. Huwag na nating hintayin na pagmalasakitan tayo bago tayo magmalasakit sa iba. Huwag na nating hintaying maunahan pa tayo ng iba bago tayo gumawa ng mabuti sa kanila. Unahan na natin sila.



MANALANGIN:

Panginoon, ipaunawa mo sa amin na ang batas ng pag-ibig ay unahan hindi hintayan. Sa pag-ibig, mauna kang magmahal at may magmamahal sa iyo. Mauna kang magmalasakit at may magmamalasakit sa iyo. Dahil ang pag-ibig ay nagbubunga ng pag-ibig. Ikaw ang unang nagmahal sa amin. Mauna rin kami na mahalin ang kapwa namin.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-06-11)

LUKAS 4: 14-22

Ang Pasimula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea

14 Bumalik sa Galilea si Jesus na sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. 15 Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinahangaan naman siya ng lahat.

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret

16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, 17 at doo'y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:

18 "Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,

sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.

Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya,

at sa mga bulag na sila'y makakakita.

Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,

19 at upang ipahayag na darating na ang panahon

ng pagliligtas ng Panginoon."

20 Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, "Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon."

22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. "Hindi ba ito ang anak ni Jose?" tanong nila.



MAGNILAY:

Iba ang maging isang tagahanga. Iba rin ang maging isang tagasunod. Hindi lahat ng nagiging tagahanga ay nagiging tagasunod. Pero kung ikaw ay magiging isang tagasunod, dapat itong magsimula sa pagiging isang tagahanga.



Marami ang humanga kay Hesus noong siya'y magsalita sa sinagoga sa Nazareth. Ang galing! Dati nilang kasamahan at kababayan si Hesus pero ngayon nagsasalita na siya sa sinagoga. Kailan pa? D iba't nagkakarpentero lang siya dati tulad ng kanyang ama-amahan? Pero ngayon, nagbubuklat na ng Banal na Kasulatan at nagpapaliwanag pa. Kahanga-hanga namang talaga. Lahat ng papuri ay sa kanya.



Pero para sa marami, hanggang paghanga lang sila. Kung magiging tagasunod sila ni Hesus, ibang usapan na yan. Kung itutuloy ang pagbabasa ng kuwentong ito sa Ebanghelyo, ipinagtabuyan siya ng mga mismong humahanga sa kanya dahil isiniwalat niya talaga ang mensaheng gusto niyang ipahayag at ang laman nito ay nakasakit sa kanila. Tinamaan sila sa mga pagbabago na nais ng Panginoon. Napahiya sila dahil taliwas ang ginagawa nila. Hindi naman intensyon ni Hesus na pahiyain sila kundi hamunin para magbago. Pero hindi handa at hindi nila gusto ang pagbabago sa kung ano sila ngayon. Hanggang doon lang talaga sila sa humanga sila. Ang maging tagasunod? Malaking desisyon yan at teka muna.



Bagama't hindi lahat ng tagahanga nagiging tagasunod, pero yun nga, ang isang tagasunod ay dapat tagahanga muna. Sa mga sumusunod sa Panginoon, humahanga ba kayo talaga sa kanya? Isang katunayan ng pagiging isang tagasunod ay humahanga ka. Kaya ka nga napasunod dahil humahanga ka. Imposibleng sumunod ng hindi muna humanga. Puwedeng kwestyunin ang motibason nito na baka napilit lang. Pero mahalagang masabi ko ng isang tagasunod na humahanga, naniniwala at kombinsido siya sa sinusundan niya.



Humahanga ka ba talaga kay Hesus? Masasabi mo ba sa lahat na tagahanga ka ng Panginoon sa kanyang karunungan, aral at halimbawa? Kaya mo bang sabihin na hangang-hanga ka sa kanya kaya handa kang sundan ang kanyang mga yapak?



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong matuklasan ang lalim at kagandahan ng iyong mga aral at halimbawa. Ipagmalaki ko nawa sa lahat na tagahanga mo ako. Pero hindi lang tagahanga, kundi tagasunod pa talaga. Matutunan nawa kitang ibida sa iba. Ipangalat ko na ikaw ang nagbigay ng bagong direksyon sa buhay ko. Kung wala ka, mananatili akong ligaw sa buhay.

Tuesday, January 4, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-05-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - MIYERKULES KASUNOD NG PAGPAPAKITA O EPIFANIA NG PANGINOON (Enero 05)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Wednesday, January 5, 2011 at 7:50am

MARCOS 6: 45-52

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig

45 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. 46 Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47 Nang sumapit ang gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus naman ay nag-iisa sa pampang. 48 Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad, 49 nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. 50 Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, "Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!" 51 Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha 52 sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tunay na kahulugan ng nangyari sa tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.



MAGNILAY:

Marunong ka bang mag-floating sa dagat? Kung hindi, malaking kawalan ito. Napakasarap ng magpalutang-lutang sa tubig. Ang sarap lang maging malayang dalhin ng tubig. Napakagaan ng pakiramdam. Ang laking pahinga at ginhawa. Sa totoo lang, napakasarap ding magdasal lalo't tahimik at ika'y nag-iisa. Parang ikaw ay nasa maingat na kamay ng Panginoon.



Pero mahirap matutong magpalutang-lutang. Kailangan mong sumugal. Kailangan mong isuko ang sarili mo at humiga. Kailangan magtiwala ka na lulutang ka. Habang mas malakas ang kontrol mo sa katawan, mas lalo kang lulubog. Pero kapag nakuha mong iparaya ang sarili, hayaan ang tubig ang mag-angat sa iyo at babawasan mo ang kontrol mo sa sarili, lulutang ka. Ang susi ay tiwala at pagpaparaya ng sarili.



Ganito rin ang prinsipyo sa buhay. Maraming dalahin ang buhay. Mabigat ang dinadala natin sa balikat. Pero kapag natuto tayong magsuko ng sarili sa Diyos, magtiwala sa kanya na karamay natin siya, at hayaan siyang magkontrol ng ating buhay, gagaan ang buhay at makakayanang umangat at maging nasa ibabaw ng dagat ng mga suliranin sa buhay. Ito rin ang kahulugan ng paglakad ni Hesus sa ibabaw ng tubig. Nasa ibabaw siya ng lahat ng tuligsa sa Diyos. Malaki ang tiwala niya sa kapangyarihan ng mabuti. Kasangga niya ang Ama kaya't wala siyang dapat alalahanin. Kayang niyang lumakad sa tubig dahil mas makapangyarihan siya sa anumang masama, mahirap o mabigat sa buhay.



Gusto mo bang nasa ibabaw ng lahat ng alalahanin sa buhay? Magtitiwala ka ba sa Diyos na kaya ka niyang iangat? Susugal ka ba na isuko ang sarili sa kanya?



MANALANGIN:

Panginoon, mabigat ang buhay kapag hindi kami marunong magtiwala sa iyo. Ang hirap umangat kapag sa sarili lang kami nagtitiwala at hindi sa iyo. Turuan mo kaming isuko ang sarili sa iyo at ipagkatiwala ang buhay namin sa iyong mapagmahal na pag-aaruga. Turuan mo kaming lumakad sa ibabaw ng dagat ng mga suliranin, hirap at pagsubok ng mundo.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-05-11)

MAGANDANG BALITA NGAYON - MIYERKULES KASUNOD NG PAGPAPAKITA O EPIFANIA NG PANGINOON (Enero 05)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Wednesday, January 5, 2011 at 7:50am

MARCOS 6: 45-52

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig

45 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. 46 Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47 Nang sumapit ang gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus naman ay nag-iisa sa pampang. 48 Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad, 49 nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. 50 Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, "Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!" 51 Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha 52 sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tunay na kahulugan ng nangyari sa tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.



MAGNILAY:

Marunong ka bang mag-floating sa dagat? Kung hindi, malaking kawalan ito. Napakasarap ng magpalutang-lutang sa tubig. Ang sarap lang maging malayang dalhin ng tubig. Napakagaan ng pakiramdam. Ang laking pahinga at ginhawa. Sa totoo lang, napakasarap ding magdasal lalo't tahimik at ika'y nag-iisa. Parang ikaw ay nasa maingat na kamay ng Panginoon.



Pero mahirap matutong magpalutang-lutang. Kailangan mong sumugal. Kailangan mong isuko ang sarili mo at humiga. Kailangan magtiwala ka na lulutang ka. Habang mas malakas ang kontrol mo sa katawan, mas lalo kang lulubog. Pero kapag nakuha mong iparaya ang sarili, hayaan ang tubig ang mag-angat sa iyo at babawasan mo ang kontrol mo sa sarili, lulutang ka. Ang susi ay tiwala at pagpaparaya ng sarili.



Ganito rin ang prinsipyo sa buhay. Maraming dalahin ang buhay. Mabigat ang dinadala natin sa balikat. Pero kapag natuto tayong magsuko ng sarili sa Diyos, magtiwala sa kanya na karamay natin siya, at hayaan siyang magkontrol ng ating buhay, gagaan ang buhay at makakayanang umangat at maging nasa ibabaw ng dagat ng mga suliranin sa buhay. Ito rin ang kahulugan ng paglakad ni Hesus sa ibabaw ng tubig. Nasa ibabaw siya ng lahat ng tuligsa sa Diyos. Malaki ang tiwala niya sa kapangyarihan ng mabuti. Kasangga niya ang Ama kaya't wala siyang dapat alalahanin. Kayang niyang lumakad sa tubig dahil mas makapangyarihan siya sa anumang masama, mahirap o mabigat sa buhay.



Gusto mo bang nasa ibabaw ng lahat ng alalahanin sa buhay? Magtitiwala ka ba sa Diyos na kaya ka niyang iangat? Susugal ka ba na isuko ang sarili sa kanya?



MANALANGIN:

Panginoon, mabigat ang buhay kapag hindi kami marunong magtiwala sa iyo. Ang hirap umangat kapag sa sarili lang kami nagtitiwala at hindi sa iyo. Turuan mo kaming isuko ang sarili sa iyo at ipagkatiwala ang buhay namin sa iyong mapagmahal na pag-aaruga. Turuan mo kaming lumakad sa ibabaw ng dagat ng mga suliranin, hirap at pagsubok ng mundo.

Monday, January 3, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-04-11)

MARCOS 6: 34-44

34 Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, "Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain."

37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, "Bigyan ninyo sila ng makakain."

Sumagot ang mga alagad, "Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?"

38 "Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo," utos niya.

Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, "Lima po, at dalawang isda."

39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na pangkat-pangkat na paupuin ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain ng tinapay.



MAGNILAY:

Mahirap maipapahayag ang salita ng Diyos sa mga tiyang walang laman.



Sa unang dinig, para bang sobra naman. Para namang mas mahalaga pa ang makalupang benepisyo kaysa benepisyo ng kaluluwa. Pero hindi siguro yun ang kahulugan ng mga salitang iyon. Ang kahulugan nito ay hindi tayo makapagpapahayag ng mga bagay na makalangit ng hindi natin ito inuugnay sa mga bagay na makalupa. Hindi natin puwedeng pag-usapan ang mga salita ng Diyos sa ibabaw ng ulap. Dapat natin itong ipahayag na nakatungtong sa lupa. Hindi natin puwedeng hindi pansinin ang mga konkjretong isyu sa buhay natin ngayon tulad ng isyu ng kagutuman. Hindi biro ang isyung ito. Ito ang pangunahing alalahanin ng marami nating mga kapatid. Ang tunay na pagpapahayag ng salita ng Diyos ay paghipo sa tunay na kalagayan ng mga pinagpapahayagan natin. At ang tunay na mangangaral ay nakakadama at nakikiisa sa dusa at hirap ng mga tao. Layunin ng pagpapahayag ng salita ng Diyos na ipadama sa lahat na ang Diyos ay nakikiramay at nagdudurusa rin sa pagdurusa ng marami. At tayo ang instrumento ng Diyos para mangyari iyon.



Kung plano nating magpahayag ng salita ng Diyos pero wala tayong intensyong magbahagi ng kung ano meron tayo sa mga gutom at nangangailangan, limutin na natin ang planong ito. Hindi naman sinasabi ng Diyos na siguraduhin natin resolbahin ang lahat ng problema sa mundong ito. Alam natin na nangangailangan din tayo. Gipit din tayo. Hirap din tayo. Pero hindi iyon hadlang para hindi ka magbahagi. Pinakaepektibong pagpapatotoo sa salita ng Diyos ang kongkretong pagtulong sa kanilang mga lehitimong pangangailangan.



Ikaw, gaano ba ang naiiaambag mo mula sa iyong mga pagpapala para pagaanin ang pagdurusa ng iyong kapwa? Ano ang iyong ginagawa para maibsan ang kanilang dalahin sa buhay? Puro ka lang ba salita ng salita tungkol sa Diyos pero wala namang kawanggawa na patunay ng iyong pinapahayag na pag-ibig?



Nagpakain si Hesus kahit konti lang ang meron sila. Eh, ikaw?



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong damhin ang hinaing ng iba bago ko sila pagpahayagan ng iyong salita. Ang gutom nila ay maging gutom ko; ang uhaw nila ay maging uhaw ko. Gawin mo akong iyong kinatawan sa gitna nila upang ipadama na may Diyos na nakikiramay sa kanilang kagutuman sa katawan at kaluluwa.

Sunday, January 2, 2011

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-03-11)

MATEO 4:12-17, 23-25

Ang Simula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea

12 Nang mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

15 "Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali,

daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,

sa Galilea ng mga Hentil!

16 Ang mga taong nasa kadiliman

ay nakakita ng maningning na ilaw!

Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan

ay sumikat ang liwanag."

17 Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Itinuturo niyang, "Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit."



Pangangaral at Pagpapagaling ni Jesus


23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman. 24 Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.



MAGNILAY:

Pagkatapos ng mahaba at nakakapagod pero masaya na selebrasyon ng kapaskuhan, ano na? Ano na ang kasunod? Balik sa normal na buhay saktong katulad ng dati? Sana hindi naman. Sana may maganda at mahalagang nangyari matapos ang selebrasyong ito. Sana ang alaala ng kapaskuhan ay hindi lang malimita sa naging pagod natin, gastos, puyat at kung anu-ano pang eksternal na aspeto. Sana may nabago o nadagdag o napagtibay sa ating disposisyon at pananaw, ugali at asal, pananalita at gawa. Sana naging pasulong ang direksyon natin sa paglago hindi paatras o walang paggalaw.



Nagsimula na si Hesus sa kanyang ministri o buhay-paglilingkod. Sa huilig yugto ng kapaskuhan, nakatuon na tayo kay Hesus na malaki na at nagsasagawa na ng kanyang misyon bilang Mesiyas. Ang mga pahiwatig noong siya'y sanggol at bata ay natutupad na ngayon lalo na tungkol sa kanyang misyon. Simula na ng bagong direksyon sa kanyang buhay.



Tayo rin nawa ay tumahak sa landas ng paglilingkod. Ang mensahe ng Pasko na pinagnilayan natin at ipinagdiwang ay masalin sa mga konkretong aksyon ng pagmamalasakit at paglilingkod anuman ang gawain mo sa kasalukuyan. May madadag nawa sa kung ano na yung dati mong ginagawang mabuti at iyon ay yung dagdag na dedikasyon. May mabago nawa sa dati mong ginagawa at iyon ay bagihin na ang mga maling ginagawa na alam mo ng mali noong una pa. May mapagtibay nawa sa dati mo ng ginagawa at iyon ay palalimin ang paglilingkod na isinasakatuparan mo na matagal na.



Si Hesus ay nagsilbing liwanag na Capewrnaum na noo'y matagal ng nasa kadiliman ng kasalanan at kamangmangan. Ang mga pagbabago natin sa sarili ay magsilbi ring ilaw at liwanag sa mga taong nakakasalamuha natin na nauuhaw sa pagpapanibago ng kanilang buhay.



MANALANGIN:

Panginoon, ngayong patapos na ang Pasko ang mga pagdiriwang lang ang matapos pero ang pagsasabuhay ng mensahe nito ay magpatuloy hanggang buong taon at lagpas pa.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-02-11)

MATEO 2: 1-12

Ang Pagdalaw kay Jesus

1 Panahon ng paghahari ni Herodes a sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. Nang siya'y isilang, may mga matatalinong taong b mula pa sa silangan ang dumating sa Jerusalem. 2 Nagtanungtanong sila, "Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin."

3 Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. 4 Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, "Saan ba isisilang ang Cristo?" 5 Tumugon sila, "Sa Bethlehem po, sapagkat ganito po ang isinulat ng propeta:

6 'At Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,

ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.

Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno

na mamamahala sa aking bayang Israel.'"

7 Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga matatalinong tao at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. 8 Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, "Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya." 9-10 Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy na sa paghahanap; sila'y pinangunahan ng bituing nakita nila mula sa silangan. Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita nilang tumigil ang bituin sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.

12 Nang sila'y papauwi na, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.



MAGNILAY:

Kilala ka ba talaga ng mga taong bahagi ng mundong iyong ginagalawan? Gaano kalalim ang pagkakakilalang iyon? Tama ba ang kanilang pagkakakilala sa iyo? Paano ka nila nakilala at nakikilala pa? May inisyatibo ka ba para kusang ibukas ang iyong sarili at makilala ng iba?



Walang tatamis sa karanasan na nakikilala ka ng iba. Mas matamis ito kapag inisyatibo mo ang ipakilala kung sino ka. Nakapagbibigay ng kompiyansa sa sarili ang malaman na may nakakakilala sa iyo sa malalim na paraan. Nakaktulong din ito para makilala mo kung sino ka at ang iyong misyon sa mundong ito. Pundasyon din ng tunay na pagmamahal ang tunay na pagkakilala sa sarili. Mas matamis at mas totoo ang pag-ibig kung ito ay base sa tunay na pagkakilala sa isa't-isa. Mas tunay ang pag-ibig kapag minamahal ka sa tunay na ikaw.



Ang pangunahing katangian ng Diyos ay Diyos na nagpakilala at nagpapakilala pa. Ang mismong paglikha ng Diyos sa sanlibutan ay hakbang upang ipakilala niya ang kanyang sarili. Sa simula pa ang Diyos ay nagpapahiwatig ng kanyang sarili sa maraming paraan. Hindi man natin siya nakikita pero alam natin na nandiyan siya. Isang misteryong presensiya ang maitatawag natin sa karanasan natin sa Diyos. Alam nating nagpapahiwatig siya sa mga nangyayari sa buhay natin at sa kasaysayan ng mundo. May mga tao rin na instrumento para magsalita siya sa atin. Ang mga propeta noong una ay mga tagapagsalita niya sa harap ng mga tao. Ang pinakadakilang pagpapakilala ng Diyos ay noong ang Anak ng Diyos ay magkatawang-tao. Ang Diyos na hindi nakikita ay nakita sa katauhan ng Panginoong Hesukristo. Noong siya ay isilang at napakita sa mga pantas, ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang Manunubos at Tagapaligtas ng buong mundo.



Ito ang ipinagdiriwang natin sa araw na ito. Ang popular na tawag sa kapistahang ito ay Kapistahan ng Tatlong Hari. Pero ang wastong tawag dito ay Kapistahan ng Epifania ng Panginoon. Ang salitang epifania ay nangangahulugang pagpapakita. Sa araw na ito, nagpakita o nagpahiwatig o nagpakilala ang Panginoon. At ano ang ipinakilala ng Panginoon? Na siya ang Tagapagligtas ng lahat ng bansa. Ito ang kinakatawan ng mga pantas. Hindi sila mga Hudyo. Sila'y mga banyaga mula sa Silangan. Pero sa kanila nagpakita ang isinilang na sanggol bilang kanilang Tagapagligtas. Sa araw na ito, mas nakilala natin ang sanggol kung sino siya at kung ano ang kanyang misyon.



Pagpapakilala. Ito rin sana ang maging pangunahing katangian natin. Likas sa atin ang makipag-kapwa at hindi natin maiiwasan ang magpakilala. Una, nawa makilala natin ang ating sarili. makita natin ang mabuting ipinunla ng Diyos sa atin. Bawa't-isa sa atin ang may kabutihan at kakayahan na ipinagkaloob ng Diyos upang may maiambag tayo sa mundo. Ikalawa, matuto nawa tayong ipakilala ang mabuti sa atin sa ibang tao. Kusa nawa nating ibahagi ang magagandang katangian meron tayo. Maging totoo nawa tayo at tapat sa pagpapakilala natin ng ating sarili. Huwag sana itong mahaluan ng pagkukunwari, pagmamagaling at pagyayabang. Sa pagpapakilala natin ng ating sarili lalo na nga mabuti na meron tayo, nagsisilbi tayong ilaw at pag-asa sa mundo. Sa ganito ring paraan nakikita ang Diyos na nasa atin. Ilawan natin ang mundo sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabutihan na taglay nating lahat.



MANALANGIN:

Panginoon, ginabagayan ng tala ang mga pantas hangga't matagpuan ka nila. Gawin mo kaming mga tala para sa lahat ng mga tao upang sa pamamagitan ng aming pamumuhay matagpuan ng marami ang iyong pag-ibig at kagandahan-loob. Lahat nawa ay maakay tungo sa pagkakilala sa iyo at sa iyong gawaing pagliligtas.