Friday, December 31, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (01-01-11)

LUKAS 2: 16-21

16 Nagmamadali silang pumaroon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Isinalaysay ng mga pastol ang sinabi ng anghel tungkol sa sanggol. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.

20 Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.

Pinangalanan si Jesus

21 Pagsapit ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.



MAGNILAY:

Mawala na raw ang tatay sa pamilya huwag lang ang nanay! Sang-ayon ka man o hindi pero ito ay galing sa katotohanan at karanasan na hindi maisasang-tabi at hindi matatawaran ang papel ng ina sa loob ng pamilya. Kapag nawala ang ina, kailangang-kailangang punuan ito at hindi puwedeng hindi lalo na ng ama. Hindi dapat mawala ang ina sa tahanan. Kailangan nating lagi ang ina at ang mga katangian ng isang ina.



Si Maria ang napiling ina ng Panginoon. Sa pagkakatawang-tao ng anak ng Diyos kailangan niya ng isang ina. kaya gayon na lamang ang paghahanda sa ina ng Panginoon kung kaya't biniyayaan pa siya na ipaglihing walang kasalanan. Hindi maitatanggi ang papel ni Maria sa paghubog ng magiging Manunubos ng sandaigdigan. Si Maria ay importanteng kasangkapan sa kaligtasan ng mundo at ng sangkatauhan.



May tatlong katangian ang isang ina. Una, ito'y tagapagbigay-buhay. Ang ina ang masasabing talagang nagbigay-buhay dahil siya ang nagdadala sa anak sa kanyang sinapupiunan at mula sa kanya ang sanggol ay isinisilang. Pewro hindi lang pisikal ang pagbibigay-buhay. Maaaring ikaw ang ina pero hindi ka tagapagbigay-buhay. Meron naman hindi mo tunay na ina pero nagsisilbing tunay na ina dahil nagbibighay-buhay siya. Ang pagbibigay-buhay ay hindi basta ikaw ang nanganak kundi ikaw yung nag-aruga, humubog sa anak ng magandang asal, naging suporta sa lahat ng oras, gumagabay sa tuwi-tuwina, nagpapalakas ng loob ng anak, at maraming pang paraan na jhindi lang basta ikaw ang nanganak. Kaya, kahit tatay o sinuman, dapat maging tagapagbigay-buhay sa isa't-isa. Si Maria ay hindi lang ina sa laman. Ina rin siya lalo na sa larangan ng paghubog kay Hesus. Soiya ang bumuhay sa kalooban ni Hesus bilang anak na naghahanda at tumutpad sa kanyang misyon.



Ikalawa, ang ina ay mapagtanggap. Magaling siyang sumalo ng problema. Nakakapagtiis siya at matiyaga. Siya yung makikinig sa iyo kapag may dinaramdam ka. Hinngahan siya ng sama ng loob, ng hinaing, at anumang dinadala sa kalooban. Si Maria ay natutong tanggapin ang kapalaran ng kanyang anak. Sa kalooban niya itinago ang saya at galak, pati na rin ang kirot na maging na ng Manunubos. Naging lakas ng loob siya ni Hesus lalo na sa krus.



Panghuli, ang ina ay magaling sa presensya. Kapag may sakit tayo ang hanap natin ay ang kalinga ng ina, ang kanyang presensya, yung siya ay nasa tabi mo. Naroon siya sa tagumpay man o kabiguan. Nakakaunawa siya kahit siya mismo ay nasasaktan. Si Maria ay sinamahan si Hesus hanggang sa krus ng kalbaryo. Doon ay sinalo niya ang lahat ng sakit ng anak. Kahit sa buhay ng Simbahan, laging narooon ang maka-inang presensya ni Maria.



Ngayon, pinararangalan natin si Maria bilang ina. At higit pa rito, ina ng Diyos. Tinatawag siyang ina ng Diyos dahil Diyos ang kanyang dinala sa kanyang sinapupunan. Hindi nahiwalay ang pag-Diyos ni Hesus noong siya'y magkatawang-tao. Napakalaking karangalan sa isang tao lang tulad ni Maria na dalhin sa kanyang katawan ang Diyos. Karangalan din ito ng buong sangkatauhan.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, lagi nawa kaming lumapit sa iyong ina. Siya ang perpektong kristiyano. Ang kanyang mga katangian bilang ina ay matularan naming lahat. Ang mga kaangiang iyong ang nagpapatingkad sa pagmamahal na dulot mo sa lahat.

Thursday, December 30, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-31-10)

JUAN 1: 1-18

Ang Salita ng Buhay

1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang nilikha 4 sa kanya ay may buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. 5 Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.

6 At naparito si Juan na isinugo ng Diyos 7 upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. 8 Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. 9 Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.

10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos.

Naging Tao ang Salita

14 Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. Isinisigaw niya, Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, Ang darating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.

16 Dahil siya'y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos. 17 Dumating ang Kautusan sa amin sa pamamagitan ni Moises; ngunit sa pamamagitan naman ni Jesu-Cristo ay dumating ang kagandahang-loob at katotohanan. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama.



MAGNILAY:

Pagkahaba-haba man ng prusisyon sa Simbahan pa rin ang tuloy.



Puwede rin nating sabihin na pagkahaba-haba man ng prusisyon ng buhay, uuwi at uuwi tayo sa Panginoon. Anuman ang suungin natin sa buhay - tama man o mali, matalino man o tanga, mabuti man o hindi - babalik at babalik tayo sa Panginoon. Lahat ng iniisip natin, lahat ng ginagawa natin, lahat ng pina[plano natin, sa huli sa Panginoon tayo haharap. Siya ang simula at siya ang katapusan. Siya ang suma total ng lahat sa buhay natin. Siya ang pundasyon. Siya ang may akda. Siya ang LAHAT!



Sa pagwawakas ng taong ito, parangalan natin siya lamang - ang PANGINOONG HESUS! Sa kanya natunghayan natin ang mukha ng Diyos. Sa kanya nahipo natin ang awa ng Diyos. Sa kanya naramdaman natin ang pag-ibig na tanging Diyos ang makapagpapadama.



Hayaan nating ang dasal-awit na ito ang maging wakas na panalangin natin sa taong ito!



David Haas - Prayer For Peace



1. Peace before us, peace behind us, peace under our feet.

Peace within us, peace over us, let all around us be peace.



2. Love before us, love behind us, love under our feet.

Love within us, love over us, let all around us be love.



3. Light before us, light behind us, light under our feet.

Light within us, light over us, let all around us be light.



4. Christ before us, Christ behind us, Christ under our feet.

Christ within us, Christ over us, let all around us be Christ.



5. Alleluia.



6. Peace before us, peace behind us, peace under our feet.

Peace within us, peace over us, let all around us be peace.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-30-10)

LUKAS 2: 36-40

36 Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo, at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagaayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Nazaret

39 Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos.



MAGNILAY:

Isang katangian na humina kung di man nawala sa ating makabagong tao ay ang pasensya. Napakamainipin na natin. Nawala na sa atin ang halaga ng maghintay. Nasanay na tayo sa madalian, sa mabilis, sa instant. Nasanay na tayo sa mabilisan kahit mabawasan o mawala na ang kalidad ng isang bagay. Naging mas mahalaga sa atin ang bilis kaysa kalidad. Pero napakaraming mga importanteng bagay sa buhay na hindi makukuha sa mabilisan at nangangailangan ng tiyaga at pasensya ng paghihintay.



Ito ang leksyon ng ating Ebanghelyo ngayon. Sa pagpapatuloy na kuwento ng paghahain sa sanggol na si Hesus sa templo, bukod kay Simeon na ang pangako ng Diyos na makikita ang Mesiyas bago niya ipikit ang kanyang mga mata ay natupad, isa na namang katuparan ng pangako ang naganap sa propetang babae na si Ana. Matagal na panahon din ang kanyang ipinaghintay bago masaksihan ang pagtupad ng Diyos ng kanyang pangako na ililigtas ang bayang Israel. Ang katandaan ni Ana ay nagpapahiwatig ng imbitasyong magtiyaga at huwag manghinawa. Maghintay kahit pa abutin ng napakahabang panahon. Tutupad ang Diyos sa kanyang pangako at iyon ay di dapat pag-alinlanganan.



Naiinis na tayo ngayon sa matagal. Pero minsan may magandang bunga ang paghihintay ng matagal. Una, nadadalisay nito ang ating mga intensyon. May mga gusto minsan tayo na bunga ng bugso ng damdamin. Ang mahabang proseso ang lumilinis sa ating mga intensyon at motibasyon. Mas nakikita natin kung ano ba ang talagang kailangan lamang kumpara sa kapritso lamang. Sa mahabang proseso, mas nauunawaan natin ang sitwasyon at kung ano ang pinakamainam na diskarte. Ikalawa nga, natututo tayo ng pasensya. Hindi sa lahat ng bagay masusunod ang sarili nating oras at pamamaraan. Dapat ding makinig sa iba. Dapat isaalang-alang ang ibang opinyon. Sa gayon, mas nakikita natin ang pinakamabuti sa sitwasyon. Ikatlo at higit sa lahat, nakikita natin na ang lahat ay hindi nakasalalay sa kamay natin kundi sa Diyos lamang. Sa huli, ang kanyang kalooban ang masusunod. Siya ang tutupad ng lahat nating adhikain.



Ganito tinutupad ng Diyos ang kanyng pangako. Sa sarili niyang oras at panahon at sa pakikipagtulungan din natin. May partisipasyon din tayo sa katuparan ng pangako ng Diyos. Hindi ito uri ng paghihintay na walang ginagawa. Naghihintay pero kumikilos. Umaasa pero nakikipagtulungan. Natatagalan pero hindi nanghihinawa dahil alam niyang ang kalidad ang kapalit ng tiyaa at pasensya.



MANALANGIN:

Panginoon, huwag nawa akong manghinawa sa kadadasal kahit natatagalan ang katuparan ng mga ito. Turuan mo ako ng tiyga at pasensya dahil alam kong hindi-hindi mo ako bibiguin sa iyong mga pangako. May kailangan lang ihanda sa akin para maging resonsable ako sa anumang biyaya na pinapagkaloob mo sa akin.

Tuesday, December 28, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-29-10)

LUKAS 2: 22-35

Dinala si Jesus sa Templo

22 Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23 sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon." 24 Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.

25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29 "Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa

ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.

30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,

31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

32 Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil

at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel."

33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso."



MAGNILAY:

Ang Pasko ay hindi lang tungkol sa pagsilang ni Hesus at kung paano siya naging maamong sanggol sa sabsaban na ikinahulog ng ating damdamin. Ang Pasko - at kaya Pasko ang tawag - ay tungkol sa kung ano magiging o kung ano naging ang sanggol na ito na si Hesus. Siya ay naging Manunubos natin sa krus ng kalbaryo. Doon itinawid niya tayo (kahulugan ng salitang Pasko) mula sa kamatayan ng kasalanan hanggang sa bagong buhay ng muling pagkabuhay. Ang sanggol na isinilang noong Pasko ay may malaking misyon na dapat ding akuin ng lahat niyang mga tagasunod. Ang Pasko ay hindi isang sentimental na pagdiriwang lamang. Ito'y muling pagpapatibay sa sinumpaang misyon natin na mag-aalay tayo ng sarili sa ikababago at ikaliligtas ng sanlibutan. Sumusumpa muli tayo na magiging instrumento tayo ng pagpapanibago kahit ibig sabihin ay magpasan ng krus.



Ang Pasko ay hindi pagdiriwang ng mga bata o batang isip para eksakto. Ang Pasko ay para sa lahat na may pagkukusa na ituloy ang misyon ng sanggol na isinilang. Pang-adult ang Pasko. Hindi ito puwede sa mga batang-isip na ang hanap ay pansariling sarap o ginhawa. Para ito sa mga may kakayahang mag-misyon. Ang Pasko ay pagninilay kay Hesus hindi bilang sanggol kundi sanggol na lumaki at umako ng malaking responsibilidad upang tubusin ang sangkatauhan.



Kung pagkatapos ng Pasko ay ikaw pa rin yung walang-pakialam na Kristiyano na walang pananaw sa buhay at walang plano upang makisangkot sa misyong pagpapanibago, hindi ka talaga nag-Pasko. Nag-enjoy ka lang ng bakasyon mo. Congrats. Enjoy ba? Sa susunod, baka naman puwede mong pagnilayan na ang Pasko ay tungkol sa misyon ni Hesus bilang Manunubos? At ikaw ay iniimbitahan makiisa rito.



MANALANGIN:

Panginoon, maipagpatuloy ko nawa ang pagdiriwang ng Pasko sa isang mas makabuluhang paraan. Mangyayari ito kung maipapangako ko ang aking sarili na magiging kaisa mo sa iyong misyon na panibaguhin ang mundo ayon sa iyong plano't kalooban. Tulungan mo akong lumaki at maging resposableng anak ng Diyos.

Monday, December 27, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-28-10)

MATEO 2: 13-18

Ang Pagtakas Papunta sa Egipto

13 Pagkaalis ng mga matatalinong tao, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, "Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin." 14 Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag- ina. 15 Doon sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: "Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto."

Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga matatalinong tao. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga matatalinong tao.

17 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:

18 "Narinig sa Rama ang isang tinig,

tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy.

Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.

Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila."



MAGNILAY:

Maganda ba ang alaala mo ng iyong pagkabata? Kung oo, salamat sa iyong mga magulang at mga mahal mo sa buhay lalo na ang pamilya sa pagkakaloob ng ganoong pagkakataon. Salamat at nagampanan nila ang kanilang tungkulin na bigyan ka ng isang maganda, masaya at maayos na pagkabata na baon mo sa iyong pagtanda. Hindi lahat may magandang alaala ng pagkabata. May mga ayaw mabalikan ang kanilang pagkabata. Puno ng sugat, mapait na alaala, at trauma ang pagkabata ng iba. Napagkaitan sila ng isang pagkabata na baon nila sa pagtanda at nanaising balik-balikan.



Sa pagsilang ni Hesus, maraming bata ang naging biktma ng kalupitan ni Herodes. Larawan ito ng pagsasamantala ng malalakas sa mahihina. Ang mga walang kamalay-malay at walang kalaban-laban ay naisakripisyo dahil sa inseguridad ng isang tao. Kailnagan pang dumanak ang kanilang dugo para lamang masagip ang Manunubos. Ngayon, alam nating hindi sila pinabayaan ng Diyos. Sinagip sila ang Manunubos upang magtamasa ng kasiyahang higit sa naipagkait sa kanila.



Gayunpaman, hindi kailangang magdusa ng ganoong katindi ang mga walang malay na sanggol. Kayrami ng mga biktimang bata magpahanggang ngayon mula sa mga taha-tahanan natin kung paano pinagmamalupitan at pinagkakaitan natin ang mga bata ng wastong pagpapalaki at paghubog hanggang sa lipunan kung saan ang mga bata ay sistematikong pinagsasamantalahan at pinahihirapan.



Ang araw na ito ay pagdusta sa mga nagmamalupit sa mga bata mua sa maliliit na paraan hanggang sa malalaki. Ikaw, anong sugat ang idinulot mo sa bata dahil sa hindi ayos ang iyong katandaan? Huwag ibaling sa bata ang kabiguan mo sa buhay. Harapin mo ito bilang isang matanda na himndi na kailangang pagdusahin ang mga walang malay na mga bata.



MANALANGIN:

Panginoon, sagipin mo ang mga batang poinagmamalupitan ng mag matatanda. Lumaki nawa silang may kabataang babalikan dahil naging makulay, makahulugan, at masaya ito.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-27-10)

J

UAN 20: 1-31

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus

1 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. 2 Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!

3-4 Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. 5 Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga mamahaling tela. 6 Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, 7 at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. 8 Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala.



MAGNILAY:

Hindi kinikimkim ang magandang balita. Hindi ito sinasarili. Sinasambulat ito. Pinagkakalat sa marami. Ipinamamalita ito sa kung sinu-sino. Hindi mapipigilan ang damdamin ng nakasaksi sa Panginoon na ipahayag ito sa lahat.



Ganito mailalarawan ang karanasan ng isang Kristiyano. Hindi ka pa Kristiyano kung wala kang narinig o nakita sa Panginoon. Ang isang Kristiyano ay nakatagpo sa Panginoon. At dahil sa galak mula sa magandang balitang ito, sumasambulat siya, nangangati ang dila, at ipinamamalita ang kabutihan ng Panginoon. Walang Kristiyano ang hindi nagpapahayag. Walang Kristiyano na hindi bukang-bibig ang Panginoon. Palatandaan ng isang tunay na Kristiyano ay madaldal siya tungkol sa Panginoong nakatagpo niya. Madaldal siya hindi lang sa salita nguni't lalo sa gawa at kilos.



Ganito ka ba? Nangangati ba ang iyong dila na ipamalita ang Panginoon? Kung hindi, baka wala ka naman talagang ibabalita? Kung meron, bakit ka nahihiya o natatakot kaya? Ang hirap kayang kimkimin ang galak ng mabuting balita. Palayain mo ang iyong damdamin at umalingawngaw ka sa pagpapahayag ng kabutihan ng Diyos.



MANALANGIN:

Panginoon, buksan mo ang aking mata at tainga upang makita at marinig ka sa buhay ko. Alisin mo ang mga hadlang upang makatagpo kita. Buksan mo rin ang aking mga labi upang ipangalat ang iyong pagmamahal at pagliligtas. Ikaw ang mabuting balita sa gitna ng maraming masamang balita sa aming kapaligiran. Ang pagpapatotoo namin sa iyo ay magsilbing ilaw nawa sa mundong balot ng dilim ng pagkamakasarili.

Sunday, December 26, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-26-10)

MATEO 2: 13-23

Ang Pagtakas Papunta sa Egipto

13 Pagkaalis ng mga matatalinong tao, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, "Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin." 14 Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag- ina. 15 Doon sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: "Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto."

Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga matatalinong tao. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga matatalinong tao.

17 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:

18 "Narinig sa Rama ang isang tinig,

tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy.

Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.

Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila."

Ang Pagbalik Mula sa Egipto

19 Pagkamatay ni Herodes, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon habang siya'y nasa Egipto. 20 Sinabi sa kanya ng anghel, "Bumangon ka. Iuwi mo na sa Israel ang iyong mag-ina sapagkat patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata." 21 Kaya't bumangon nga si Jose at iniuwi sa Israel ang kanyang mag-ina.

22 Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari sa Judea si Arquelao na anak ni Herodes, natakot siyang pumunta roon. At dahil binigyan siya ng babala sa kanyang panaginip, sila ay tumuloy sa Galilea, 23 at doon nanirahan sa bayan ng Nazaret. Sa gayon, natupad ang sinabi ng mga propeta: "Siya'y tatawaging Nazareno."



MAGNILAY:

Sadyang gaano nga ba kahalaga at hindi dapat ipagwalang-bahala ang buhay pamilya? Si Hesus, ang Anak ng Diyos, nang magkatawang-tao ay kinailangang maging bahagi ng pamilya nina Maria at Jose. Ganoon kahalaga ang buhay pamilya. Mismong ang Anak ng Diyos ay kinailangang hubugin sa loob ng pamilya.



Ang Nazaret ang kumakatawan sa buhay-pamilya ng Panginoon. Dito niya ginugol ang mas marami taon ng kanyang buhay. Dito hinubog ang kanyang personalidad. Dito niya natutunan ang pakikipagkapwa-tao. Dito nabuo ang kanyang mga pananaw at paniniwala. Dito pinagtibay ang kanyang relasyon sa Ama. Ang Nazaret ang naging pundasyon ng kanyang misyon na maging Mesiyas, Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan.



Tayo man ay may kanya-kanyang Nazaret. Ito ay ang ating buhay-pamilya. Ang Nazaret ay eskwelahan. Ang pamilya ay paaralan ng mga importanteng leksyon ng buhay.



Una, ang pamilya ay eskwelahan ng paghubog ng ating karakter. Sa tahanan natututunan natin ang ating ugali at asal. Dito nagsisimula ang ating pagpapahalaga sa sarili. Dito rin nabubuo ang kompiyansa natin sa sarili. Ito rin ang pundasyon ng ating pananaw at paniniwala sa buhay. Kung paano nabubuo sa tahanan ang karakter natin, potensyal din ang tahanan para sirain ito. Maraming hinding magandang kaganapan sa lipunan tulad ng korupsyon ang ugat ang pamilya. Maaaring dito namana, o hinfi naituro, o naituro pero kulang sa pagiging epektibo. Maraming sugat sa pagkatao natin na dulot ng pamilya. Ito ang pumipigil upang magampanan natin ang ating misyon sa lipunan. Maraming dapat hilumin sa sarili natin bago bumalangkas sa ating magandang bukas.



Ikalawa, ang pamilya ay eskwelahan kung paano magmahal sa tunay nitong kahulugan. Sa tahanan dapat maranasan kung paano tanggapin at mahalin kung sino at ano tayo. Sa pamilya natututunan nating ang pag-ibig ay hindi makasarili kundi pagkakaloob ng sarili para sa iba tulad ng ating mga magulang. Kapag hindi tayo natuto ng pag-ibig sa loob ng tahanan, matuto man tayo sa iba tungkol sa pagmamahal, ay may kulang sa leksyon natin sa pag-ibig. Walang puwedeng pumalit sa papel ng pamilya sa pagtuturo ng pag-ibig.



Panghuli, ang tahanan ay ekwelahan ng pananampalataya. Sa pamilya dapat matuklasan ang pagmamahal ng Diyos at kung paano siya paglingkuran. Ang mapagmahal na pamilya ay malaking susi para makapasok tayo sa mundo ng pananampalataya. Ang mga magulang ang unang guro ng pananampalataya. Sa kanilang halimbawa dapat mabanaagan ang buhay Kristiyano. Mahirap unawain ang Diyos bilang mapagmahal na magulang kung sa tahanan kabaligtaran ang nararanasan.



Sa kapistahan ng Banal na Pamilya, mabasbasan nawa ang lahat ng pamilya lalo na ang mga kristiyanong pamilya. Maging mas seryoso nawa tayo sa ating responsibilidad sa ating mga kanya-kanyang pamilya.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, manahan ka sa aming mga tahanan. Nawa ang aming pamilya ang iyong maghing bagong Nazaret kung saan kami ay matututo kung paano maging matapat mong mga alagad.

Saturday, December 25, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-25-10)

MISA SA HATINGGABI

LUKAS 2:1-14

Ang Pagsilang ni Jesus



1 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang bawat isa sa sari-sariling bayan upang magpatala.

4 Mula sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Ang mga Pastol at ang mga Anghel

8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 Lumapit at tumayo sa kalagitnaan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang nakakasilaw na kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban."

13 Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,

14 "Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!"





MISA SA ARAW

JUAN 1: 1-18

Ang Salita ng Buhay

1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang nilikha 4 sa kanya ay may buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. 5 Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.

6 At naparito si Juan na isinugo ng Diyos 7 upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. 8 Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. 9 Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.

10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos.



Naging Tao ang Salita

14 Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. Isinisigaw niya, Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, Ang darating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.

16 Dahil siya'y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos. 17 Dumating ang Kautusan sa amin sa pamamagitan ni Moises; ngunit sa pamamagitan naman ni Jesu-Cristo ay dumating ang kagandahang-loob at katotohanan. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama.



MAGNILAY:

Namamangha ka pa ba? Nakapanghihinayang kung hindi na. Maraming katotohanan na maa-appreciate mo lang sa pamamagitan ng pagkamangha.



Ang Pasko ay araw ng pagkamangha sa ginawa ng Diyos para tayo iligtas. Ang Diyos na sa kanyang kalikasan ay hiwalay sa atin dahil siya ang Makapangyarihan, Dahilan at Pinagmulan ng lahat at ang Pinakadakila ay ipinanganak bilang tao at naging isang sanggol. Ang Diyos na hindi nakikita ay naging nakikita. Nagkatawang-tao siya at naging katulad natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan. Pinagsanib niya ang Langit at lupa. Nakibahagi siya sa ating pagkatao upang ibahagi niya sa atin ang kanyang pagka-Diyos. Nagpakababa siya upang itaas tayo. Nagpakadukha siya upang pagyamanin tayo. TUNAY NA KAMANGHA-MANGHA!



May tatlong regalo ang Pasko sa atin. Una, ang regalo ng presensya. Ang Pasko ay walang iba kundi ang masidhing paghahangad ng Diyos na sumaatin. Siya ay Diyos na kapiiling natin. Diyos na sumasaatin ang una niyang katangian. Pangungulila ang pinakamalaking takot natin. Pag-iisa ang mortal nating kaaway. Ang mawalan ng nagmamahal at minamahal ang pinakamasaklap nating kapalaran. Kung anu't-anuman, ang Diyos ay mananatiling kasama natin na nagmamahal sa atin. Gumuho man at mabigo ang pag-ibig natin sa kapwa tao, hinding-hindi ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Ngayong kapaskuhan, mapagmahal na presensya ang iregalo rin natin sa kapwa higit sa mga materyal na regalo.



Ikalawa, regalo ng katahimikan. Naganap ang unang Pasko sa gitna ng gabing tahimik. Sa katahimikan naroon ang Diyos. Isinilang siya sa katahimikan ng ating puso. Maingay na ang tao. Marami ng nag-iistorbo sa atin. Nawalan na tayo ng amor sa katahimikan. Sanay at hinahanap na natin ang ingay. Ito ang nakakalungkot sa makabagong tao. Kapag nawala ang hangad natin sa katahimikan, nawawala rin ang hangad nating makadaung-palad ang Diyos. Nawawala ang kakayanan nating makinig sa bulong ng puso. Ang panalangin ay hindi nagiging pakikinig sa bulong ng Diyos sa puso natin. Puro tayo na lang ang nagsasalita at nagdidikta sa Diyos ng gusto nating gawin niya sa atin. Nawawala na rin ang kakayahan nating mamangha sa hiwaga ng buhay, ng Diyos at ng kung sino tayo. Isang araw makikita na lang natin ang sarili na nabubuhay ng walang kahulugan at saysay. Ang Pasko ay imbitasyon tuklasin ang Diyos muli na nagbibigay sa atin ng kahuklugan sa buhay.



Panghuli, ang regalo ng simplisidad. Isinilang ang Panginoon sa ng simple. Ito'y imbitasyon sa atin sa mamuhay ng simple. Ang simplisidad ay walang iba kundi pagkilala sa talagang importante at kailangan sa buhay. Ito ay imbitasyon na i-prioridad ang buhay. Alisin ang mga hindi kailangan. Panatilihin ang mga importante. Ginawa na natin komplikado ang buhay. Ang dami nating diyus-diyosan na nakikikompetensya sa talagang Diyos. Ginawa natin alipin ang sarili natin ng pera, ambisyon, aliw, at iba pa kung kaya't walang araw na panatag tayo dahil ibinigay natin ang ating pagtitiwala sa mga bagay na pansamantala kaya sobra takot natin na isang araw ay wala na ang pinakapinagkakatiwalaan natin. Ang Diyos na naging sanggol ay hamon na hubarin natin ang mga huwad na seguridad ng mundo at muling ituon ang sarili sa Diyos lamang at ng kanyang tawag na magmahal ng tunay at lubos.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, ngayong panahon ng Pasko bihagin mong muli ang aking puso. Sa iyo at sa iyo ko lamang nawa isuko at ipagkatiwala ang aking sarili at buhay. Ikaw lamang ang tanging tapat. Sa iyo hindi ako mabibigo kailanman.

Thursday, December 23, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-24-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - IKASIYAM NA ARAW NG SIMBANG GABI (Dis. 24)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Thursday, December 23, 2010 at 4:06pm

LUKAS 1: 67-79

Ang Awit ni Zacarias

67 Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo,

at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:

68 "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!

Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.

69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,

mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.

70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,

71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,

mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.

72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,

at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.

73 Ipinangako niya sa ating ninunong si Abraham,

74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,

upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,

75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.

76 Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;

sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,

77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,

ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.

78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.

Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.

79 Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,

at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan."

80 Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na magpakilala siya sa bansang Israel.



MAGNILAY:

Na-congratulate mo na ba ang sarili mo? Na-congratulate hindi dahil nagbubuhat ka ng sarili mong bangko o dahil sa ang galing-galing ng pakiramdam mo sa sarili mo kaya gusto mong magyabang o dahil sa gusto mong ipamukha sa sarili mo na talagang mas magaling ka sa iba. Na-congratulate dahil gusto mo lang talagang kilalanin ang magandang nagawa mo at ang mga biyayang pinagkaloob sa iyo bilang pribilehiyo na ginamit mo sa maganda.



Tulad ni Maria, si Zacarias ay may awit din ng papuri sa Diyos dahil sa magagandang bagay na ipinamalas sa kanya at sa bayang Israel. Nang mamulat siya sa kagandang-loob ng Diyos na kumikilos sa buhay niya, kapagdaka'y nakapagsalita siya at namutawi sa kanyang mga labi ang pagpupuri sa Diyos.



Benedictus ang titulo ng awit ni Zacarias. Ito kasi ang unang salita sa Latin ng awit na ito. Sa Ingles ay Blessed (be the Lord). Ang benedictus ay galing sa dalawang salitang Latin: bene (mabuti) at dicere (magsalita). Kung gayon, magsalita ng maganda sa Diyos ang layunin n gawit na ito. Purihin siya sa mga magagandang ginawa niya. Pasalamatan siya sa kanyang kagandahang-loob.



Nagkakapalit din ng kahulugan ang mga salitang blessing at thanksgiving sa Bibliya. Ang to bless ay nangangahulagan din ng to give thanks. Kaya't kapag tayo ay nagpupuri sa Diyos, nagpapasalamat din talaga tayo sa kanya. Ang salita blessed ay banal din ang kahulugan. Kung gayon ang buhay pagpapakabanal ay buhay ng pagkilala at pagpapasalamat sa blessings ng Diyos. Kung bulag ka sa mga blessings mo, malayo ka pa sa talagang kabanalan.



Punuin natin ng pag-bless ang kapaskuhang ito. Magsalita tayo ng mabuti at maganda. Una, i-congratulate natin ang sarili natin sa mga magagandang nagawa natin dahil sa inspirasyon ng Panginoon. Tapikin natin ang balikat natin sa mga accomplishments natin. I-recognize natin ang mga pagkakataon na naging mabuti at mabait tayong tao. Ang papuri at ppasasalamat ay ibinabalik natin sa kanya. Ikalawa, i-congratulate din natin ang iba - ang asawa mo, mga anak, mga kaibigan, mga katrabaho, at iba pang nakitaan mo ng kabutihan. Panahon ngayon para magsalita ng mabuti sa kanila. Makapangyarihan ang salita. Nakakabuo ito ng pagkatao. Nakakasira rin kapag ginamit natin ito para saktan ang iba.



Sa huli, i-congratulate natin ang Diyos. I-bless natin siya. Tulad ni Zacarias, papurihan at pasalamatan natin siya. Siya lang ang talagang nagtitiyaga sa atin. Hindi siya tumitigil para mahubog tayo at maging mga mabubutng tao. Siya ang nararapat sa lahat ng papuri at pasasalamat.



MANALANGIN:

Panginoon, congratulations sa inyo sa lahat ng iyong pang-unawa at pagmamahal. Purihin ang iyong pangalan. Pasalamatan ang iyong kabutihan. Maghari ka nawa sa mga puso namin ngayong Pasko at sa araw-araw ng buong buhay namin.



P.S.

Congratulations sa lahat ng nakabuo ng siyam na araw ng Simbang Gabi!

Tuesday, December 21, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-23-10)

LUKAS 1: 57-66

Isinilang si Juan na Tagapagbautismo

57 Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. 58 Tuwang-tuwa ang kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak nang mabalitaan nilang siya'y pinagpala ng Panginoon.

59 Makalipas ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, 60 ngunit sinabi ni Elisabet, "Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya."

61 "Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan," tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.

63 Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, "Juan ang pangalan niya." Namangha ang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at nagsimulang magpuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. 66 Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, "Magiging ano kaya ang batang ito?" Sapagkat maliwanag na nasa kanya ang Panginoon.



MAGNILAY:

Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at nagsimulang magpuri sa Diyos.



Kailan ba nagiging tikom ang ating bibig?



Una, kung hindi mo alam kung ano ang iyong sasabihin o hindi mo alam ang iyong sinasabi. Ano nga naman ba ang sasabihin mo kung wala ka namang masasabi. Hindi mo puwedeng ibigay ang wala ka. Anong katotohanan ang ipapahayag mo kung hindi mo ito taglay?



Ikalawa, kung hindi ka kumbinsido sa sasabihin mo. Paano mong mapapaniwala ang iba sa sasabihin mo kung ikaw mismo duda dito? Paano mo kukumbinsihin ang iba sa isang bagay na hindi mo ganap na pinaniniwalaan? Matalas ang ating pakiramdam. Alam natin kung napipilitan ka lang sa sinasabi mo. Alam natin kung nagkukunwari lang tayo na pinanghahawakan natin ang sinasabi natin.



Ikatlo, kung natatakot ka sa magiging reaksyon ng iba lalo na kung ito ay pagkontra sa sasabihin mo. Hindi tayo handang tanggihan. Hindi tayo handang i-depensa ang sasabihin natin. Mawawalan tayo ng kaibigan. Bababa ang popularidad natin. Baka mapahiya tayo na hindi natin kayang ipagtanggol ang sinasabi natin.



Alin man sa tatlong ito ang naroon kapag nagsasalita tayo ay dahilan para sabihing snungaling tayo.



Nakapagsalita na ngayon si Zacarias sa ating Ebanghelyo. Malinaw na sa kanya ang lahat. Nauunawaan na niya ang mga pangyayari mula ng magpakita sa kanya ang anghel. Naalis na ang kanyang pagdududa sa ipinasasabi ng Diyos. Sigurado na siya sa mabuting balitang inihatid sa kanya. Wala na siyang takot na ipahayag ang kanyang nararamdaman at pinaniniwalaan. Nagtitiwala na siya sa Diyos na may alam ng lahat. Ang Diyos bilang kakampi sinong puwedeng kumontra? Kaya't buong galak, buong tapang, buong kumpiyansa niya ngayong isinisigaw sa buong mundo ang kabutihan at kagalingan ng Diyos.



Lahat tayo bilang mga disipulo ng Panginoon ay kanyang tagapagsalita. Hindi natin maiiwasan na magsalita tungkol sa kanya at maging bibig niya sa harap ng lahat. Magsasalita at magsasalita tayo bilang kinatawan ng Diyos.



Bago tayo magpahayag, alamin muna natin ang kanyang salita. Magkusa tayong mag-aral. Buklatin natin ang Bibliya, ang Katesismo, at iba pang magpapalalim ng ating kaalaman. Dumalo tayo sa mga pag-aaral upang lumalim ang ating karunuingan tungkol sa Diyos at sa kanyang gawain. Maging eksperto tayo ng salita ng Diyos. Walang karapatan na maging kristiyano ang tamad mag-aral.



Bago tayo magpahayag, siguraduhin nating kumbinsido tayo. Ang paraan para maging kumbinsido tayo ay isabuhay natin ang salitang ating ipapahayag. Ang pagpapahayag ay pagpapatotoo. At walang ibang mabisang paraan ng pagpapatotoo maliban sa pagbabahagi ng sarili nating karanasan sa salita ng Diyos at kung paano nito binago ang ating buhay.



Bago tayo magpahayag, alalahanin natin na sa Diyos lang tayo mananagot. Wala tayong dapat baguhin sa salita ng Diyos para lang makatakas tayo sa pag-kontra at pagtanggi ng iba. Huwag nating labnawan ang salita ng Diyos para lang hindi mabawasan ang ating popularidad. Sabihin natrin ang dapat nating sabihin tungkol sa salita ng Diyos makasakit man ito o hindi, makapaso man ito o hindi, makasagasa man ito o hindi. Mas matakot tayo kapag hindi natin naipahayag ang salita ng Diyos ng buo at walang bawas o dagdag. Tandaan, sa Diyos tayo mananagot.



Ipahayag natin ang mabuting balita ng husto. Huwag tayong maging mga sinungaling na nag-aanyong tagapamahayag ng kanyang salita.



MANALANGIN:

Panginoon, buksan mo ang aking mga bibig upang mamutawi dito ang tamis, at ang pait, at ang anghang ng iyong salita. Gawin mo akong iyong tagapagsalita upang bigyang-inspirasyon ang marami, konsiyensiyahin ang marami, hamunin ang marami, at hilumin ang marami. Huwag sana akong maging alagad mo na tikom ang bibig sa pagpapahayag ng iyong salita.

Monday, December 20, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-22-10)

LUKAS 1: 46-56

Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria

46 At sinabi ni Maria,
"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,

47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,

48 sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;

49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.

Siya'y banal!

50 Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao
at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.

51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.

52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.

54 Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
at naalala ito upang kanyang kahabagan.

55 Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!"

56 Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.



MAGNILAY:

Marunong ka bang mag-appreciate?



Ano nga ba yung mag-appreciate? Ito yung kakayanan mong makita ang maganda sa paligid mo, sa kapwa, at sa sarili mo. At hindi lang basta kayang makita, sinasabi mo pa, pinapahayag mo pa, ipinapakita mo pa na nagagandahan ka sa mga nakikita mong mabuti. Ang appreciation hindi kinikimkim, hindi tinatago. Ang appreciation ay ipinaaabot sa kinauukulan.



Madalas ito ang problema sa mundo - hindi tayo marunong mag-appreciate. Hindi tayo kontento sa kung sino tayo, ano meron tayo at kung ano tayo. Sa simula pa lang, hindi na natin nakikita ang maganda at mabuti sa atin kaya paano ka pa makakita nito sa iba? Lagi na lang kinukumpara natin ang sarili sa iba. Lagi natin nakikita yung meron siya at wala ako at pagmumukmukan natin yung wala tayo. Inggit ang almusal natin, tanghalian at hapunan isama pa ang mirienda. Kaya naman. para makapag-cope tayo sa mabigat na pakiramdam ng naiinggit, sirain na lang natin ang reputasyon ng kinaiinggitan natin. Ginagawan natin ng pangit na rason bakit sila maganda at mabuti. Walang araw na hindi tayo nakasimangot, nakakunot ang noo at mahaba ang mukha. Isang malaking problema kapag bulag tayo sa sarili nating kagandahan at kabutihan.



Kung hindi natin ma-appreciate ang sarili natin at ang kapwa, paano pa kaya ang kapaligiran. Laging pangit ang araw natin. Bilang yung masasabi nating maganda ang araw natin. Isipin na lang natin kung anong klaseng trabaho ang nagagawa natin kung ganito ang ating disposisyon. Minsan nga, galit tayo sa mundo. O kaya, galit tayo sa Diyos. Nakakapagdasal ba ang ganitong tao? Di ba ang dasal ay appreciation ng mga magagandang ginagawa ng Diyos? Kaya imposible ang ganitong tao na makapagbigay papuri sa Diyos. Hindi niya alam ang pryaer of praise. Lalo na ang prayer of thanksgiving. Ang alam niya lang ay prayer of complain. Pero may ganung prayer ba?



Bilib tayo sa Magnificat ni Maria - ang awit ng pagpupuri ng Mahal na Ina. Punung-puno ito ng appreciation ng magagandang ginawa sa kanya at sa lahat ng Diyos. Nakuha niyang makapagbigay papuri dahil marunong siyang mag-appreciate. Nakikita niya ang kagandahan sa iba, sa paligid at lalo sa kanyang sarili. At kinikilala niya na ang dahilan ng lahat ng kagandahang ito at kabutihan ay ang Diyos. Nakapagpuri na ba tayo sa Diyos ng tulad ng pagpupuri ni Maria?



Ngayong kapaskuhan, makuha nawa nating kilalanin ang mga blessings natin. Ang kapaskuhan ay panahon ng pagpapasalamat at posible lang ito kung nakikita at kinikilala nga natin ang mga kaloob ng Diyos sa atin. Makita rin nawa natin kung paano siya kumilos ang Diyos sa buhay natin at akayin tayo sa kaligtasan. Kapag na-aappreciate natin ang kagandahan at kabutihan natin, mabubuo ang ating pagpapahalaga at kompiyansa sa sarili na siyang pundasyon natin sa pakikipag-kapwa.



Ngayong kapaskuhan, i-appreciate din natin ang mga tao sa paligid natin. Maraming tao ang mabuti at mabait sa atin. Marami ang nagmamalasakit sa atin. Sana makuha natin silang pasalamatan at kilalanin. Malaking katuwaan ang hatid ng pagkilala sa kanila. Sa mga bata at kabataan, buoin natin ang kompiyansa nila sa sarili sa pamamagitan ng pag-appreciate sa kanila. Minsan, ang anak ay lumalaking walang tiwala sa sarili kasi mismong magulang walang tiwala sa kanila. Kailangan nating lahat ng appreciation kaya't huwag tayo maging kuripot at madamot.



Oo, maraming hamon ang buhay, pagsubok at kamalian. Pero, kung titingnan sa kabuoan, ang buhay pa rin ay maganda at mabuti at papurihan natin ang Diyos dahil diyan.



May isang maya ang nagreklamo sa kanyang fairy, "Palitan mo naman ang mga pakpak ko. Hindi ako masaya sa kanila." Sumunod naman ang fairy at binigyan siya ng mga pakpak ng agila.



Nang subukan niuya ang mag ito, bumalik siya sa fairy at ang sabi, "Palitan mo ito dahil sobrang lakas." Binigyan naman siya ng fairy ng mga pakpak ng lawin. Nang masubukan, bumalik na naman siya at ang sabi, "Bigyan mo ako ng ibang mga pakpak. Masyadong mabilis ito."



Hanggang mabigyan siya ng iba't-ibang uri ng mga pakpak - pero wala rito ang nakapagpasaya sa kanya. Hanggang sa huli, binigyan siya ng isa pang pares ng mga pakpak, at natuwa ang maya. Pakiramdam niya, ito ang bagay na bagay, saktong-sakto, at tamang-tama sa kanya.



Lumapit ang maya sa fairy, "Anong mga pakpak ba ang ibinigay mo sa akin? Dito talaga ako nakalipad ng maayos?"



Ang sabi ng fairy, "Mga pakpak ng maya."



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mong makita ko ang mga mabubuting ipinagkaloob at ginawa mo sa buhay ko. Ipaunawa mo sa akin na wala nilalang ang hindi mo pinagkalooban ng iyong kabutihan. Turuan mo akong makapagbigay papuri sa iyong pangalan. Sapagka't ikaw ay Diyos ng kagandahan at kabutihan, katarungan at katwiran. Kasama ni Maria, mamutawi sa aking mga labi ang mga salitang Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-21-10)

LUKAS 1: 39-45

Ang Pagdalaw ni Maria kay Elisabet

39-40 Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw siya sa galak, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!"



MAGNILAY:

Bakit nga ba tayo nalulungkot? Ang madalas na biro natin ay kasi walang pera. Dahil ito ay importanteng pangangailangan natin ngayon kaya lahat inuugnay natin dito. Pero ano nga ba ang ugat ng ating kalungkutan? Kung susundan natin ang mga dahilan mauuwi ito sa pagkakait ng isang mapagmahal na presensya. Malungkot tayo kasi nag-iisa tayo at wala tayong kaagapay. Malungkot tayo kasi walang nagmamahal sa atin at wala rin tayong minamahal. Malungkot tayo kasi nangungulila tayo sa kasama, kaisa at karamay. Kakulangan sa presensya ang puno't dulo ng ating kalungkutan.



Madalas sabihin na tayo ay henerasyong napapagkaitan ng presenya o generation of absence. Ang absence ay tila karaniwan o normal na nating karanasan. Ilan ang kailangang magtrabaho sa labas ng bansa at natitiis na iwan ang mahal sa buhay? Ilang kabataan ang lumaking hindi kasama ang ama o ina? Hindi matutumbasan ng pera ang presensya. Kaya nga kailangang maghabol o humanap ng ibang paraan para kahit papaano mapunan ang lungkot ng iniwanan. Kung hindi malaking negatibong epekto ito lalo na sa mga kabataan. Minsan naman, narito ka nga, kumpleto ang pamilya pero absent naman sa isa't-isa. Hindi maramdaman ang presensya ng bawa't-isa. Walang kalidad ang presensya sa isa't-isa. Mababaw ang ugnayan sa isa't-isa. Abala sa maraming bagay at napapabayaan ang pagkakaroon ng kalidad na oras kapiling ang mga mahal sa buhay. Sino ang nagtitiyagang magtanong at makinig sa kalagayan ng bawa't-isa? Nakukumusta ba natin ang mga kapamilya natin? Napakarami pang okasyon at kalagayan sa lipunan kung saan napagkakaitan ng presensya ang marami lalo ang mga maysakit at kapansanan. Sa madali't sabi, marami sa atin ang malungkot dahil salat tayo sa pagmamahal. Ang kakulangan natin sa isa't-isa na magkaloob ng mapagmahal na presensya ang nagbibigay-daan din para hindi natin maramdaman ang presensya ng Diyos.



Ang ating Ebanghelyo ay kuwento ng kagalakan dahil dama ng lahat ang presensya ng Diyos sa isa't-isa. Si Maria ay kaagad-agad bumisita kay Elisabet ng matanggap niya ang mabuting balita ng pagkilos ng Diyos. Naging instrumento si Maria na mahatid ang presensya ng Diyos sa sambahayan nina Elisabet. Simple lang ang kalagayan nina Maria at Elisabet sa buhay pero hindi sila salat sa presensya ng Diyos. Marunong silang magbahagi ng galak at presensyang kanilang nararanasan mula sa Diyos. Marunong silang sadyain ang bawa't-isa upang maipadama lamang ang kalinga sa isa't-isa.



Ang presensya ang pangunahing katangian ng Diyos. Hindi lang siya Makapangyarihan kundi siya ay Diyos na sumaatin para makapiling natin. Anong dsaysay ng kapangyarihan ng Diyos kung hindi naman natin siya kapiling. Ang Diyos ay Diyos natin dahil sumaatin siya. Ang presensya niya ay dama natin.



Ngayong kapaskuhan ang pinaka-importanteng regalo natin sa isa't-isa ay presensya. Malimutan na natin ang mga regalong materyal subali't huwag ang maging kapiling ng mga mahal natin sa buhay. Huwag ipalit ang materyal na regalo sa tunay na presensya. Kung magbibigay man tayo ng materyal na regalo, siguruhing ekpresyon ito ng ating mapagmahal na presensya. Ang Pasko ay pagdiriwang ng presensya ng Diyos sa piling natin. Maging panata natin ang pagkakaloob ng kalidad na presensya hindi lang tuwing Pasko kundi sa buong taon. Matuto tayong mag-prioridad. Huwag isaalang-alang ang presensya natin sa iba.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong huwag maging sanhi ng pangungulila ng iba dahil ako ay manhid at walang pakialam. Turuan mo akong magpadama ng iyong presesya sa iba sa pamamagitan ng aking malasakit, pagdamay at pagkalinga sa iba. Maibsan ko nawa ang kalungkutan na dinadala ng aking kapwa. Maging sagisag nawa ako ng iyong mapagmahal at mapangligtas na presensya.

Sunday, December 19, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-20-10)

LUKAS 1: 26-38

Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Aba, napupuno ka ng grasya. Sumasaiyo ang Panginoon!"

29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."

34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.

35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."

38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel.



MAGNILAY:

Aba, napupuno ka ng grasya. Sumasaiyo ang Panginoon!



Dalawang dahilan bakit si Maria ay napupuno ng grasya. Una, ang Panginoon ay sumasakanya. At ang grasya ng Panginoon ay masagana. Hindi kulang ang grasya ng Diyos. Nag-uumapaw ito. Hindi kuripot ang Diyos. Hindi siya matipid sa pagkakaloob ng grasya. Sabi nga, waldas ang Diyos sa pagbibigay ng grasya sa atin. Siksik ito, liglig at nag-uumapaw. Pero ang ikalawang dahilan bakit napupuno ng grasya si Maria ay dahil maganda ang kanyang disposisyon sa pagtanggap ng grasya ng Diyos. Bukas na bukas ang kanyang kalooban sa grasya ng Diyos. Lubos ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Lahat kung isuko niya ang sarili para sa Diyos.



Tayo, dapat napupuno rin ng grasya. Una, dahil sumasaatin din ang Panginoon. Di ba't siya'y Emmanuel, Diyos-na-kapiling-natin? Pero bakit nga kaya kahit sumasaatin ang Diyos, hindi naman tayo napupuno ng grasya?



Hindi tayo nalalayo sa timba. Kung ang grasya ng Diyos ay ang masaganang tubig mula sa gripo, tayo naman yung timba na sumasalok nito. Minsan, kahit ang lakas ng tubig sa gripo, hindi napupuno ang timba. Bakit kaya?



Una, baka butas o may lamat ang timba. Kaya kahit anong lakas ng tubig ay tumatagas ito at nasasayang. Minsan, ganoon ang grasya ng Diyos. Nag-uumapaw pero may lamat ang ating pagkatao. May sugat na malalim. Maraming tayong karanasan na nag-iwan ng malalim sa sugat sa atin. May hinanakit tayo. Hindi makapagpatawad. O kaya, dahil sa maraming hindi magandang nangyari sa atin, hindi tayo lumago at hindi nahasa ang kakayanan nating maging responsable sa mga biyaya ng Diyos. Ang lamat sa timba ay kumakatawan sa lahat ng dapat ayusin, hilumin at patawarin sa pagkatao natin. Ang mga pagkakasala natin ay mga butas na nag-aaksaya sa grasyang tinatanggap natin. Si Hesus ay naging bala sa pagpapagaling at pagpapatawad sa mga makasalanan upang sila ay mapuno ng grasya ng Diyos. Nawa, simulan nating iproseso ang ating sarili upang hilumin ang mga sugat ng ating sarili sa tulong ng biyaya ng Diyos.



Ikalawa, baka naman hindi nakatapat sa gripo ang timba. Hindi shoot! Kumakatawan ito sa atin na walang pokus sa sarili at sa Diyos. Maraming dumidistorbo sa atin. Nalilihis ang atensyon natin sa Diyos. Nariyan ang hatak ng mundo at ng iba pang kaugnay na mga bagay. Ibang direksyon ang tinatahal natin. Kapag tayo ay nalilito at walang pokus, nakakatiyak tayo na kumikilos ang diablo sa buhay natin dahil trabaho niya ang distorbohin ang ating atensyon at ilayo sa Diyos. Kailangang manalangin at magnilay lagi, araw-araw, para maibalik ang pokus sa Diyos at mapanatili ito. Hindi na kasi tayo nagdadasal ng maayos kaya nalilihis ang ating atensyon.



Ikatlo, baka naman puno na ang timba natin. Wala nang mapaglagyan ng tubig. Punung-puno tayo ng maraming bagay at alalalahanin kaya't walang mapaglagyan ang bgrasya ng Diyos sa atin. Ang mga ambisyon natin, mga proyekto sa buhay, kayamanan, kayabangan minsan, at kung anu-ano pa. Ang damig pumupuno sa puso natin. Wala nang lugar para sa Diyos. Ayusin natin ang ating prioridad. Iwaksi ang hindi talaga kailangan. Itira lamang ang importante para hindi mawalan ng puwesto ang Diyos sa puso natin. Masyado siyang na boxed-out sa puso natin.



Huli, baka naman may takip o nakabaligtad ang timba natin, paano ito malalagyan ng tubig. Sarado ang isip natin. Nakapinid ang pinto ng isuip at puso natin. May sarili tayong mundo at paniniwala. Ayaw natin ng opinyon ng Diyos. Yung lagfi ang sa atin ang gusto natin. Minsan, gusto nating diktahan ang Diyos para umayon sa atin. Imbis na siya ang naggagagabay sa atin sa tamang landas, gusto natin hatakin siya para suportahan ang mga baluktot nating pangangatwiran. Matuto tayong magpakumbaba. Kapag mababa na ang kalooban natin, matututo tayong makinig. Matatanggap natin na may mali tayo. Kaya nga tinuturuan tayo ng Diyos kasi baluktot nga ang isip natin. Buksan natin ang puso at isip sa aral ng Panginoon at hayaan siyang hubugin tayo kahit masakit at mahirap. Huwag magpumiglas at pumalag. Hayaan lang natin siya tulad ng putik sa kamay ng magpapalayok.



Ayun! Yun naman pala. Ang problema hindi ang Diyos kundi tayo. Ayusin natin ang timba natin, mapupuno ito ng tubig. Ayusin natin ang sarili at disposisyon natin, tulad ni Maria, mapupuno tayo ng grasya!



MANALANGIN:

Panginoon, patuloy kang sumaakin upang magtamasa ako ng iyong grasya. Nguni't tulungan mo akong ayusin ang aking sarili at ang aking disposisyon upang hindi masayang ang pag-ibig na alay mo sa akin.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-19-10)

MATEO 1: 18-24

Isinilang si Jesu-Cristo

18 Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang taong matuwid si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa lubos na kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan si Maria nang palihim.

20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan."

22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,

23 "Tingnan ninyo; 'Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.' " (Ang kahulugan nito'y "Kasama natin ang Diyos").

24 Nang magising si Jose, sinunod nga niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria.



MAGNILAY:

Masaya ang mga may pangalan ng Emmanuel o Manuel ngayon. Bida sila ngayon. Sikat sila ngayon. Nabanggit sa ating Ebanghelyo ang kanilang pangalan. At sa buong kapaskuhan laging binabanggit at laging babanggitin ang pangalang Emmanuel dahil ito ang pangalan na inihula ni Isaias na itatawag sa darating na Tagapaligtas. Sa Ebanghelyo ni Mateo, kinilala ito bilang si Hesus. Dahil sa ang pangalang Emmanuel ay nangangahulugang 'Kasama natin ang Diyos' o 'Sumasaatin ang Diyos' akma itong iugnay kay Hesus dahil siya nga ang Anak ng Diyos at Diyos na nagkatawang-tao at nakipamayan sa atin. Kay Hesus kasama natin ang Diyos.



Napakalalim at napakamayaman ang kahulugan ng pangalang Emmanuel pero sa totoo lang meron kaya na papayag na palitan ang kanilang pangalan at gawin itong Emmanuel? O sa mga pangangalanan pa lang na mga sanggol na bagong panganak, ilan kaya ang pipili sa pangalang ito? Marami ang magsasabi na ang bantot naman. Kasi nga Pinoy na Pinoy ang tunog at karaniwan na. Gusto ng marami yung tunog imported kahit walang kahulugan. Okey, patatawarin siguro tayo ng Diyos kapag hindi natin pinili ang Emmanuel bilang pangalan pero hinding-hindi puwede na ang misyon natin ay hindi maging Emmanuel!



Sa Bibliya ang pangalan at misyon ay magkakabit. Kung ano ang pangalan mo yun ang iyong misyon. Kaya nga nakakabit kay Hesus ang pangalang ito dahil misyon niyang ipadama sa mundo na ang Diyos ay nasa kanyang piling. Sa pagmamahal at pagmamalasakit na pinakita ni Hesus lalo na ng ialay niya nag kanyang buhay sa krus, ito ay tunay na karanasan ng Diyos sa piling natin. Ang Diyos ay pag-ibig at si Hesus ay Pag-ibig na nagkatawang-tao - ang Emmanuel. Bilang mga disipulo ni Hesus, ang kanyang misyon ay misyon din natin. Sa buhay natin dapat nasalamin ang pag-ibig ng Diyos. Sa bawa't ginagawa natin madama nawa ng lahat ang Pag-ibig ng Diyos na nagkatawang-tao sa atin. Maranasan nawa ng lahat sa atin ang Emmanuel.



Sa mundo't lipunan ngayon, galit tayo sa mga manggagamit, mandaraya, manloloko, makasarili at anu-ano pang mga katangiang taliwas sa kabutihan. Maging sa Simbahan ay nararanasan natin ang taliwas na pamumuhay. Nasasaktan tayo dahil dapat tayong sumalamin sa pag-ibig ng Diyos. Minsan, kaya hindi naniniwala ang marami sa mga miyembro ng Simbahan lalo na ang mga tagapagturo nito ay dahil nagtuturo lang sila tungol sa aral ni Kristo pero hindi sila buhay na saksi o patotoo. Ang pinakamabisang paraan para ihayag ang Mabuting Balita sa pamamagitan ng pagsaksi at pagpapatotoo. Dapat magkatawang-tao sa atin ang pag-ibig ng Diyos na pinapangaral natin.



Oo, hindi Emmanuel ang pangalan mo pero misyon mo ito at iyan ay huwag mong kalilimutan. Si Hesus ay Emmanuel at gayon din naman tayo. Ngayong Pasko, hayaan natin magkatawang-tao sa atin ang Pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan ng ating pagsaksi, mararanasan ng lahat na ang Diys nga ay kasama at kapiling natin.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, ikaw ay Emmanuel. Patawad kung hindi ang pag-ibig mo ang minsang nagkakatawang-tao sa amin kundi ang espiritu ng pagkamakasarili at kasamaan. Tulungan mo ako na ngayong Pasko maging pagako ko sa sarili at sa iyo na ako ay magiging isang Emmanuel para sa iba.

Friday, December 17, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-18-10)

MATEO 1: 18-25

Isinilang si Jesu-Cristo

18 Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang taong matuwid si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa lubos na kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan si Maria nang palihim.

20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan."

22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,

23 "Tingnan ninyo; 'Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.' " (Ang kahulugan nito'y "Kasama natin ang Diyos").

24 Nang magising si Jose, sinunod nga niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. 25 Ngunit hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.



MAGNILAY:

Nakaramdam ka na ba ng parang may gusto kang gawin na kakaiba sa buhay mo at hindi ka mapakali hangga't hindi ito nagiging malinaw kung ano ito para magawa mo? Hindi ka makatulog, lagi itong sumasagi sa isip mo, hindi ito maalis-alis kahit anong iwas mo, bubulung-bulong ito sa puso na parang nagpapansin? Gusto mo siyang komprontahin pero natatakot ka rin dahil nararamdaman mo na babaguhin nito ang direksyon ng buhay mo e baka hindi mo makaya o hindi ka pa handa. Natatakot ka man pero alam mo na ito ang magpapaligaya sa iyo kahit iwan mo pa ang lahat ng kung ano meron ka sa ngayon. Kapatid, kung nakakaramdam ka ng ganito baka nararanasan mo na ang talagang TAWAG mo!



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay kuwento tungkol sa TAWAG. May sarili ng plano sina Jose at Maria para sa kanilang buhay. Nakatakda na silang ikasal. Naka-plantsa na siguro ang direksyon ng kanilang buhay. Hanggang dumating ang talagang TAWAG nila. Nang harapin nila ang TAWAG na tinakda ng Diyos sa kanila, nabagong lahat ang daloy ng kanilang buhay. Nalagay sa alanganin ang kanilang pagpapaksal. Nagdalan-tao si Maria. Makikipagkalas si Jose. Naguluhan ang dalawa lalo na si Jose. Ano ba talaga? Bakit ganito? Tatakasan ko ito. Pero hindi ko naman matakasan. Hindi natin maiisip marahil ang krisis na dinaanan ng dalawa. Sigurado naroon at nag-uumpugan ang dalawang magkasalungat na desisyon: iiwas ako sa nakakatakot na TAWAG na ito o isusuko ko ang lahat-lahat sa akin para sa TAWAG na ito. Sa kuwento nina Jose at Maria, nakuha nilang isuko ang kanilang buong sarili kasama ang mga naunang mga plano nila para sa TAWAG na maging mga magulang ng Manunubos.



Lahat tayo ay may nakatakdang TAWAG. May pinaka-TAWAG tayo kung saan ito ang magbibigay ng pangkalahatang direksyon sa buhay natin. Lahat ng gagawin at desisyon natin ay iikot dito. May mga maliliit na TAWAG din tayo na suporta sa pinaka-TAWAG natin. Hindi kailanman magiging lubos ang ligaya natin hangga't hindi natin natutugunan ang TAWAG na ito. Hahabulin at hahabulin tayo nito at hindi tayo tatantanan hangga't hindi tayo umuoo sa kanya. Bubuntu't-buntot siya kahit iwasan o hindian natin siya. Gayunpaman, alam natin na ito ang makakapag-bigay sa atin ng tunay na ligaya. Kaya nga, hinahabol din talaga natin siya kahit natatakot tayo sa magiging mga pagbabago kapag tinuluy-tuloy natin ito. Alam natin na galing ito sa Diyos na nagtatakda ng direksyon sa buhay natin. Alam natin na ang TAWAG na ito ay magpapakita sa atin ng kung ano ba talaga ang kontribusyon natin sa lipunan at sa buong mundo. Ano bang serbisyo ang maiiaambag ko para sa sangkatauhan?



Ito ang dapat nating tuklasin sa buhay natin. Napakababaw kung ang pangarap lang natin ay maging mayaman kahit hindi masaya. Minsan nananatili tayo sa isang trabaho dahil lang sa malaking suweldo pero alam mo na hinihila mo lang ang paa mo araw-araw para gawin ito. Hindi ito ang talagang gusto mo. Karaniwan, ang hanap natin ay ginhawa at madaling buhay gayong ang tunay na nagbibigay ng kahulugan at malalim na kaligayahan sa puso natin ay nakakamit sa sakripisyo at pagbibigay ng sarili para sa ikabubuti ng iba. Sa trabaho, kumikita lang tayo hindi nagseserbisyo.



Ang buhay ay patuloy na pagtuklas sa TAWAG na itinakda ng Diyos. Kaya't araw-araw nakikinig tayo sa bulong ng Diyos sa puso natin. Nagdarasal tayo araw-araw kasi doon bumubulong ang Diyos. Makinig tayo. Makinig tayo ng mabuti. Talasan natin ang pandinig ng puso natin. Harapin natin ang TAWAG natin.



MANALANGIN:

Panginoon, mabigyang inspirasyon nawa kami nina Jose at Maria na dahil sa pagtugon sa kanilang TAWAG ay nailuwal sa mundo ang Manunubos ng lahat. Naging mabuting magulang sila at ito ang naging sanhi ng matindi nilang kaligayahan. Piliin ko rin nawang maging maligaya sa pamamagitan ng pagtuklas sa sarili kong TAWAG at tugunin ito. Huwag sana akong matakot na isuko ang lahat matupad ko lang ang itinakda mo para sa akin.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-17-10)

MATEO 1: 1-25

Talaan ng mga Ninuno ni Jesu-Cristo

1 Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.

2-6 Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid, Juda, Fares at Zara na mga anak ni Juda kay Tamar, Esrom na anak ni Fares, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab, Obed na anak ni Boaz kay Ruth, at Jesse na ama ni Haring David.

6-11 Mula naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa dating asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Amos, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.

12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus---ang tinatawag na Cristo.

17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.



MAGNILAY:

Marami sa atin ang nakaranas nang maghanap ng ating pangalan sa mahabang listahan ng mga pangalan. Excited tayo makita ang pangalan natin. Nakapasa ba ako sa board exams? Pasado ba ang interview ko? Nakalusot ba ako sa entrance exams? Nakapasok ba ako sa audition? Certified ba akong botante? Malaki ang pag-asa natin na makakasama tayo. Naroon ang pananabik na mapapabilang na ako sa nakapasa, nakapasok, mga qualified. CPA na ako. Abogado na ako. Atenista o La Salista o UP student na ako. May trabaho na ako. Tuwang-tuwa tayo kapag napapabilang tayo sa mga tao o grupo na pinapangarap nating mapasama. Pride natin ang maging kaisa nila. Ipinagmamalaki natin na isa tayo sa kanila.



May isa ring pangarap ang Anak ng Diyos - na siya ay mapabilang sa mga anak ng tao. Sa sobrang pagmamahal niya sa sangkatauhan, minarapat niyang maging kaisa nila at mapabilang sa kanila. Nakilala si Hesus bilang kasama sa angkan ng tao. Kay Hesus, isa itong malaking kasiyahan. Nais niyang mapabilang sa angkan ng tao para hanguin niya ito at iangat para maging angkan ng Diyos.



Ang kaibahan ng pagbilang ni Hesus sa angkan ng tao ay nakikibilang siya sa isang angkang nawalan ng karangalan dahil sa kasalanan. Nakikiisa siya sa isang angkan na nasadlak sa kahihiyan. Oo, may mga taong na nagpakita ng kagitingan, kabayanihan at kabutihan. Pero lahat ay may kanya-kanyang kahinaan, kamalian, kasalanan. Kahit anong sikap ng tao, kulang pa rin para pumasa sa hinihingi ng Diyos. Ito ang nagbunsod para ang Anak ng Diyos ay naghangad maging kaisa ng angkan ng tao kahit pa ang pagkilos na ito ay pagbaba ng lebel. Bumaba nga ang Diyos Anak upang bigyan ang tao ng pag-asa. Bilang tao, pinakita ni Hesus na kaya ng tao magmahal ng ganap sa tulong ng Diyos. Si Hesus ang naging halimbawa ng tao na puwede siyang umabot sa Diyos. Sa krus, ipinakita ni Hesus na may isang tao na puwedeng magmahal ng perpekto at maging masunurin sa Diyos ng ganap. Kaya nga si Hesus ang nagbigay-daan para matubos at maligtas ang sangkatauhan sa kahihiyan ng kasalanan.



Ang mensahe ng pagninilay natin sa talaan ng mga ninuno ni Hesus ay pagpapakumbaba. Maraming problema sa mundo ang ugat ay kayabangan at pagmamataas. Ayaw nating yumukod. Ayaw nating magpakababa at makipag-usap. Gusto natin nasa tuktok. Tayo ang nagdidikta. Tayo ang tinitingala. Tayo ang kinatatakutan. Tayo ang pinagsisilbihan.



Nagpakababa ang Diyos para sa atin. Wala tayong karapatang magmalaki. Iwaksi natin ang pagmamataas. Maraming problema ang masosolusyunan kapag natuto tayong makipag-usap, makipagkasundo, makiramay at makiisa. Kaligtaan na natin ang panghuhusga ng kapwa, panglalait, at diskriminasyon. Higit kailanman ngayon ang may higit na pangangailangan ng makabuluhang pagtutulungan at pagdadamayan. Lahat ng ito ang ugat ay ang pagpapakumbaba.



MANALANGIN:

Panginoon, nakibilang ka sa makasalanang sangkatauhan. Nagpakababa ka para maiangat kami. Matuto nawa kami sa iyong halimbawa. Mabigyang solusyon nawa ang marami naming suliranin dahil marami ang nagdesisyong magpakumbaba.

Wednesday, December 15, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-16-10)

JUAN 5:33 - 36

33May sinugo kayong mga Judio kay Juan at siya ay nagpatotoo sa katotohanan. 34Hindi ako tumatanggap ng patotoo mula sa tao datapuwat sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo ay maligtas. 35Siya ang nagniningas at nagliliwanag na ilawan. Kayo ay pumayag na magalak ng maikling panahon sa kaniyang liwanag.





36Ako ay may patotoong mas higit kaysa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawain na ipinagkaloob sa akin ng Ama upang tapusin ay nagpapatotoo patungkol sa akin. Ang mga gawaing ginagawa ko ay nagpapatotoong ang Ama ang nagsugo sa akin.



MAGNILAY:

Kinagigiliwan natin ang mga gabi ngayon. Dahil nga panahon ng kapaskuhan kaya't nagniningning ang mga ilaw sa kapaligiran. Mas kinagigiliwan din natin ang ilaw bilang dekorasyon dahil lutang na lutang ang kanyang kariktan sa gitna ng dilim. Kaya nga pinakakinagigiliwan ang mga ilaw kapag kapaskuhan. Ano ang kapaskuhan kapag walang mga ilaw. Ito ang nagbibigay ng buhay sa panahong ito.



Madalas gamitin sa Bibliya ang liwanag para ilarawan ang karanasan sa Diyos. Kapag narinig natin ang kanyang salita ay tila liwanag itong pumapawi sa dilim ng kamang-mangan sa mga bagay na maka-Diyos. Si Juan Bautista ay inilarawan ni Hesus na ilawan dahil ang patotoo niya ay salita ng Diyos na nagbigay liwanag sa mga taong nangungulila sa pagmamahal ng Diyos at sa pagdating ng Mesiyas. Nguni't sinasabi ni Hesus na ang patotoo niya bilang Anak ng Diyos at Mesiyas ay mas lalong malaking ilawan na magbibigay ng higit na liwanag tungkol sa mga pangako ng Diyos. At ito ang imbitasyon niya sa lahat, na lumapit sa kanya tulad ng paglapit natin sa ilawan kapag madilim. Siya ang magbibigay ng liwanag sa puso't isipan natin.



Nagsisimula tayo ng Simbang Gabi. Ito ang pinakanatatanging paghahanda ng mga Pilipino para sa araw ng Pasko. Ang Simbang Gabi ay walang iba kundi ang kagustuhan nating manalangin. At ang panalangin ay walang iba kundi paglapit sa tunay na Ilaw na inaasahan nating gagabay sa ating mga araw-araw na iniisip. Maraming malabo ngayon sa buhay natin. Maraming kaganapan sa lipunan na nalalabuan tayo ano ba talaga ang tama at ano ba ang totoo. Ang daming isyu sa diyaryo araw-araw na umaapekto sa mga sari-sarili nating buhay. Ang daming opinyon ang naririnig natin. Halos magkakatimbang ang mga ito kaya't minsan lito tayo sa kung ano nga ba talaga.



Para tuklasin ang talagang totoo, mahaba-habang proseso ang dadaanan natin. Nguni't ang mahabang proseso na ito ay nagsisimula sa panalangin. Sa panalangin, nakokondisyon ang isip at puso natin na maging bukas at tuklasin ang totoo. Sana, ang panata nating magsimbang gabi ng siyam na araw ay magbigay sa atin ng ganitong bunga. Makondisyon nawa tayo para makinig sa totoo. Kailangan natin lumapit sa talagang Ilaw - si Hesus - para maliwanangan tayo. Kailangan nating lumapit sa Kaototohanan - si Hesus - para matanggap natin ang totoo.



Bawa't-isa sa atin ay liwanag din sa mundo. Ang liwanag na mula kay Hesus ay ibinabahagi natin sa lahat. Layunin din natin maging mga patotoo sa mundo tungol sa salita ng Diyos. Ang salita ng Diyos ang tunay na magbibigay pag-asa sa mga nasa kadiliman. Maging ilaw nawa lahat tayo lalo't balot ng dilim ang mundo natin ngayon.



MANALANGIN:

Panginoon, ngayong nalalapit na ang Pasko gawin mo kaming mas matapang na lumapit sa iyo, ang tunay na Ilaw. Kapag kami ay nasa liwanag, mas nakikita namin ang totoo. Turuan mo kaming mahalin ang totoo kahit minsan masakit ito. Tulungan mo kaming itaguyod ang totoo dahil ang kaototohanan ang magpapalaya sa amin.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-16-10)

JUAN 5:33 - 36

33May sinugo kayong mga Judio kay Juan at siya ay nagpatotoo sa katotohanan. 34Hindi ako tumatanggap ng patotoo mula sa tao datapuwat sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo ay maligtas. 35Siya ang nagniningas at nagliliwanag na ilawan. Kayo ay pumayag na magalak ng maikling panahon sa kaniyang liwanag.





36Ako ay may patotoong mas higit kaysa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawain na ipinagkaloob sa akin ng Ama upang tapusin ay nagpapatotoo patungkol sa akin. Ang mga gawaing ginagawa ko ay nagpapatotoong ang Ama ang nagsugo sa akin.



MAGNILAY:

Kinagigiliwan natin ang mga gabi ngayon. Dahil nga panahon ng kapaskuhan kaya't nagniningning ang mga ilaw sa kapaligiran. Mas kinagigiliwan din natin ang ilaw bilang dekorasyon dahil lutang na lutang ang kanyang kariktan sa gitna ng dilim. Kaya nga pinakakinagigiliwan ang mga ilaw kapag kapaskuhan. Ano ang kapaskuhan kapag walang mga ilaw. Ito ang nagbibigay ng buhay sa panahong ito.



Madalas gamitin sa Bibliya ang liwanag para ilarawan ang karanasan sa Diyos. Kapag narinig natin ang kanyang salita ay tila liwanag itong pumapawi sa dilim ng kamang-mangan sa mga bagay na maka-Diyos. Si Juan Bautista ay inilarawan ni Hesus na ilawan dahil ang patotoo niya ay salita ng Diyos na nagbigay liwanag sa mga taong nangungulila sa pagmamahal ng Diyos at sa pagdating ng Mesiyas. Nguni't sinasabi ni Hesus na ang patotoo niya bilang Anak ng Diyos at Mesiyas ay mas lalong malaking ilawan na magbibigay ng higit na liwanag tungkol sa mga pangako ng Diyos. At ito ang imbitasyon niya sa lahat, na lumapit sa kanya tulad ng paglapit natin sa ilawan kapag madilim. Siya ang magbibigay ng liwanag sa puso't isipan natin.



Nagsisimula tayo ng Simbang Gabi. Ito ang pinakanatatanging paghahanda ng mga Pilipino para sa araw ng Pasko. Ang Simbang Gabi ay walang iba kundi ang kagustuhan nating manalangin. At ang panalangin ay walang iba kundi paglapit sa tunay na Ilaw na inaasahan nating gagabay sa ating mga araw-araw na iniisip. Maraming malabo ngayon sa buhay natin. Maraming kaganapan sa lipunan na nalalabuan tayo ano ba talaga ang tama at ano ba ang totoo. Ang daming isyu sa diyaryo araw-araw na umaapekto sa mga sari-sarili nating buhay. Ang daming opinyon ang naririnig natin. Halos magkakatimbang ang mga ito kaya't minsan lito tayo sa kung ano nga ba talaga.



Para tuklasin ang talagang totoo, mahaba-habang proseso ang dadaanan natin. Nguni't ang mahabang proseso na ito ay nagsisimula sa panalangin. Sa panalangin, nakokondisyon ang isip at puso natin na maging bukas at tuklasin ang totoo. Sana, ang panata nating magsimbang gabi ng siyam na araw ay magbigay sa atin ng ganitong bunga. Makondisyon nawa tayo para makinig sa totoo. Kailangan natin lumapit sa talagang Ilaw - si Hesus - para maliwanangan tayo. Kailangan nating lumapit sa Kaototohanan - si Hesus - para matanggap natin ang totoo.



Bawa't-isa sa atin ay liwanag din sa mundo. Ang liwanag na mula kay Hesus ay ibinabahagi natin sa lahat. Layunin din natin maging mga patotoo sa mundo tungol sa salita ng Diyos. Ang salita ng Diyos ang tunay na magbibigay pag-asa sa mga nasa kadiliman. Maging ilaw nawa lahat tayo lalo't balot ng dilim ang mundo natin ngayon.



MANALANGIN:

Panginoon, ngayong nalalapit na ang Pasko gawin mo kaming mas matapang na lumapit sa iyo, ang tunay na Ilaw. Kapag kami ay nasa liwanag, mas nakikita namin ang totoo. Turuan mo kaming mahalin ang totoo kahit minsan masakit ito. Tulungan mo kaming itaguyod ang totoo dahil ang kaototohanan ang magpapalaya sa amin.

Monday, December 13, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-14-10)

MATEO 21: 28-32

Ang Talinhaga Tungkol sa Dalawang Anak

28 "Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, 'Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.' 29-30 'Ayoko po,' tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, 'Opo,' ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. 31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?"

"Ang nakatatanda po," sagot nila.

Sinabi sa kanila ni Jesus, "Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. 32 Sapagkat naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya."



MAGNILAY:

Kung hindi ka nagiging mas mabuti ay nagiging mas masama ka. Kung hindi ka nagiging mas mabuti ay hindi ka na nagiging mabuti.



May dalawang uri ng pagtugon ang pinapakita ng Ebanghelyo ngayon. Ang unang anak ay unang tumangging tumulong sa kanyang ama sa ubasan. Kaya lang, napagtanto siguro na mali ang kanyang ginawa kaya't kahit tumanggi noong una ay nagpunta rin kinalaunan. Ang ikalawang anak naman ay positibong tumugon noong una. Tutulong siya sa ama kaya lang nagbago ng isip. Tinamad ba? Naaya sa kung saan? Sa huli, hindi siya nagpunta sa ubasan.



Sa dalawang pagtugon na ipinakita ng magkapatid, masasabi nating ang unang anak ay umangat ng antas. Mula sa pagsuway ay nauwi sa pagsunod. Mali noong una nguni't nakuhang itama ang kanyang naging mali. Sa kabilang banda naman, ang ikalawang anak na mabuti sa simula ay bumaba ang antas. Mula sa pagsunod ay nauwi naman sa pagsuway. Hindi siya naging mas mabuti kaya't naging mas masama siya. At dahil hindi siya naging mas mabuti ay hindi na siya nagiging mabuti. Samantala, ang nagsimula ng masama ay ngayon naging mabuti.



Ang aral ng ating Ebanghelyo ngayon ay puntiryahin lagi ang maging mas mabuti. Kung ano tayo ngayon ay lagpasan natin upang maging mas angat. Hindi tayo dapat tumigil sa direksyon ng pagiging mas mabuti. Hindi tayo dapat makontento na lang sa kung ano na ang ginagawa natin ngayon. Lagi nating higitan kung ano na ang nagawa natin. Ito ang tunay na pagpapakabuti. Muli, kapag hindi tayo nagiging mas mabuti ay nagiging mas masama na tayo. At kapag hindi na tayo nagiging mas mabuti ay hindi na tayo nagiging mabuti at tumitigil na tayo sa pagiging mabuti.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong laging higitan ang pagmamahal na naipakita ko na sa iyo. Ipakita mo na may mas maaabot pa ako sa larangan ng pagpapakabuti hanggang matamo ko ang kaganapan ng kabutihan sa iyong kaharian.

Sunday, December 12, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-13-10)

MATEO 21: 23-27

Pag-uusisa Tungkol sa Karapatan ni Jesus

23 Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, "Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?"

24 Sumagot si Jesus, "Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?"

Kaya't sila'y nag-usap-usap, "Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, 'Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?' 26 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka naman kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta." 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, "Hindi namin alam!"



MAGNILAY:

Hindi namin alam! Hindi ko alam! Ewan ko!



Ito na ang pinakamahinang argumento na puwedeng idahilan sa isang usapin. Hindi ko alam! Hindi puwedeng idahilan ang ka-ignorantihan. Tungkulin nating alamin ang totoo at saliksikin ito. Kapag natuklasan ang totoo ay dapat itong paninidigan. Hindi rin puwedeng irason ang ka-ignoratihan dahil minsan palusot lang ito. Lalo't alam mong hindi popular ang iyong posisyon, mabuti na lang na sabihing hindi mo alam para lusot sa pananagutan. Duwag ang may ganitong argumento. Hindi ko alam!



Ang mga punong pari at pinuno ng bayan na kausap ni Hesus ay nakakalungkot na hindi napanindigan ang kanilang posisyon tungkol kay Juan Bautista. Kung siya'y galing sa Diyos o hindi ay hindi nila sinagot. Oo man o hindi ay merong ibabato sa kanila dahil sa kawalan nila ng paninindigan. At dahil dito natakot at naduwag silang manindigan. Nagpalusot na lang. Hindi namin alam!



Walang kuwentang kausap ang mga ganoong tao. Kaya si Hesus ay hindi na rin sila pinatulan. Walang sinseridad ang anumang pakikipag-usap sa kanila. Hindi sila tapat sa totoo. Ang mahalaga sa kanila ay reputasyon, popularidad, at pagtanggap ng tao kahit isakripisyo ang totoo. Sayang lang ang makitungo sa kanila.



Bilang mga Kristiyano, hamon sa atin ang marunong manindigan para sa totoo. Hindi ito kinahihiya. Hindi ito tinatakasan. Pinananagutan ito. Ang isang Kristiyano ay patuloy ang pagsaliksik sa katotohanan. Responsibilidad niya ito. Kung may isang katangian ang isang alagad ng Panginoon, ito ay sinseridad para sa katotohahan.



MANALANGIN:

Panginoon, turuan mo akong magiging matatag sa paninindigan. Huwag ko nawang isakripisyo ang totoo para lang sa popularidad. Gawin mo akong lingkod ng katotohanan.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-12-10)

MAGANDANG BALITA NGAYON - IKA-3 LINGGO NG ADBIYENTO / LINGGO NG GAUDETE ( Dis. 12)
by Fr. Rey Anthony Yatco on Sunday, December 12, 2010 at 9:32am

MATEO 11: 2-11

2 Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad 3 upang itanong, "Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?" 4 Sumagot si Jesus, "Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. 5 Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 6 Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!"

7 Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, "Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? 8 Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! 9 Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta? Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 10 Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, 'Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.' 11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya.



MAGNILAY:

Ang ikatlong Linggo ng Adbiyento ay tianatwag na Linggo ng Gaudete. Ang ibig sabihin ng salitang Gaudete ay Magalak Kayo! Sa pagpasok ng Linggong ito mas tumitindi na ang pananababik natin sa araw ng Pasko. Nararamdaman na natin ang galak ng pagdating ng Panginoon. Malapit na ang araw ng kaligtasan. Punung-puno na tayo ng pag-asa at saya. Kay naman simboliko itong pinapakita sa kulay rosas ng araw na ito. Ang Adbiyento ay pagbabalik-loob at pagtitika kaya kulay ube ang namamayaning kulay sa buong panahon pero sa araw na ito ay may kahalong ang galak at pag-asa na ang pagtitikang ito kaya kulay rosas.



Kagalakan ang mensahe ng araw na ito. Pero alam natin na maraming dahilan para hindi maging masaya ngayon. Maraming tao ang nangungulila. Maraming tao ang nahihirapan. Maraming tao ang nawawalan ng pag-asa. Maraming suliraning materyal at emosyonal. Salat ang espiritu natin para magsaya.



Gayunpaman, hindi kailangang magmukmok. Hindi dahil maraming dahilan para hindi maligaya ay hindi na tayo kikilos. Ang hamon ng Linggo na Gaudete ay gumawa ng paraan para bigyang-daan ang kagalakan sa buhay natin. Sa Ebanghelyo ipinatanong ni Juan Bautista sa kanyang mga alagad kung si Hesus na nga ang kanilang hinihintay. Hindi ito sinagot ni Hesus kundi ipinasabi niya na ibalita kay Juan ang narinig at nakita nila na ang mga lugmok sa buhay ay naipanumbalik na ang galak. Sapagka't gumawa si Hesus ng paraan para maalis ang kanilang kalumbayan. Iniabot niya ang kanyang kamay upang damayan sila. At ito ang naging dahilan ng kanilang kagalakan.



Magpunla tayo ng binhi ng kagalakan sa pamamagitan ng pagmamalasakitan, pagdadamayan at pagmamahalan. Kahit anong bigat ng dalahin sa buhay ay gumagaang kapag ikaw ay may kaagapay. At ang mismong nagsisikap mapaligaya ang kapwa ay mas lalong nagkakaroon ng kaligayahan sa kanyang puso na hindi matutumbusan ng kung anumang kayamana sa mundong ito.



MANALANGIN:

Panginoon, galak ang unang kaloob mo sa mga nakakatuklas sa iyong pagmamahal. Gawin mong maging instrumento kami ng galak at pag-asa sa mundo. Sa gitna ng kapighatian matuto nawa kaming magtanim ng binhi ng kagalakan at pag-asa sa puso ng bawa't-isa sa pamamagityan ng aming pagmalasakit at pagdamay sa mga nangangailangan.

Friday, December 10, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (12-09,10,11-10)

HUWEBES NG IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO

MATEO 11: 11-15

11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas. 13 Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos. 14 Kung naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. 15 Makinig ang may pandinig!



MAGNILAY:

Ang mikoprono ay puwedeng gawin ang isang mahinang tinig na mas malakas pa sa pinakamalakas na boses sa buong mundo. Ang bisikleta ay puwedeng gawin ang isang mabagal na tao na mas mabilis pa sa pinakamabilis tumakbo sa buong mundo. Gayundin naman, ang paghahari at pamamayani ng Diyos ay puwedeng gawin ang isang hamak na tao na mas dakila kaysa pinakadakilang tao sa buong mundo.



Kapag Diyos ang pinaghari at pinamayani natin sa ating puso napapawalan ang angking kapangyarihan mayroon tayo sa ating sarili na Diyos din ang nagkaloob. Kapag pinapasok natin ang Panginoon sa buhay natin nakakayanan nating hubarin ang pagkamakasarili na sa totoo ay siyang nagiging hadlang para malayang magmahal ang ating puso nang higit. Kapag Diyos ang naging sentro ng buhay natin natutuklasan natin an gating kakayanan na baguhin ang mundo nang walang alinlangan, pag-aatubili at takot. Puwede tayong maging pinakadakila. At ang pinakadakilang tao ay siya na may kakayanang magmahal, magbigay at maglingkod sa lahat nang mas higit.





BIYERNES NG IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO

MATEO 11: 16-19

16 "Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: 17 'Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!' 18 Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, 'Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.' 19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, 'Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggero at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.' Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito."



MAGNILAY:

Bilang isang bata mahirap makalaro ang mga matigas ang ulo at mga spoiled brat. Lagi na lang sila ang nasusunod. Hindi mo ma-spelling ang gusto. Minsan bigla na lang aayaw o hindi sasali. Kahit anong gawin mo hindi magustuhan. Sarado ang isip sa suhestiyon ang iba. Minsan wala namang mai-suggest. Susumpungin na lang at magmamaktol sa isang sulok.



Sa katulad nila kinumpara ni Hesus ang mga tao noong kanyang kapanahunan. Hindi malaman kung ano ang kanilang gusto. Sarado ang isip nila sa pagdating ng kaharian ng Diyos. Palagi silang may reklamo at puna. Noong dumating si Juan Bautista na nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, ang sabi nila ay nababaliw ito. Nang si Hesus ang dumating na nakikihalubilo sa lahat, lasenggo naman daw at matakaw. Napakapako na ang kanilang isip at paniniwala. Mahirap nang baguhin ang mga tao. Walang lugar ang progreso at pagbabago.



Mapanganib ang ganitong disposisyon. Nakasalalay sa pagiging bukas ng isip ang pag-unlad. Maraming bagong bagay ang dapat matutunan. Hindi natatapos ang pagtuklas. Totoo rin ito sa buhay-pananampalataya. Buhay ang pananampalataya. Hindi ito nakapako lang sa iisang pananaw. Nagbabago rin ang sitwasyon ng buhay. Kailangang bukas ang ating isip at puso sa kung papaano maisasabuhay ang pananampalataya sa Diyos sa pinakaakmang paraan. Importanteng natutugunan natin ang mga tunay na pangangailangan ng ating panahon. Dapat lang na umuusad tayo at hindi manatiling bata o paslit.





SABADO NG IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO

MATEO 17: 9-13

9 Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, "Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nasaksihan hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao." 10 Tinanong siya ng mga alagad, "Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?" 11 Sumagot siya, "Paparito nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. 12 At sinasabi ko sa inyo, pumarito na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao." 13 Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya.



MAGNILAY:

Isang importanteng propeta si Elias sa ksaysayan ng Israel. Bawa’t propeta ay nag-iwan ng mahalagang marka sa kanilang kasaysayan. Kinikilala ang mga propeta dahil sila ay tinig ng Diyos sa kanilang piling. Sila ay konsensiya ng bayan. Sa pamamagitan nila naririnig ng lahat ang karunungan ng Diyos. Napapahayag sa pamamagitan nila ang panukala ng Diyos. Yun nga lang madalas, masakit ang salita ng Diyos. Hinahamon nito na iwan ang kasalkuyang buhay na mali. Tinutuligsa nito ang mga taliwas na pamamaraan. Nilalantad nito ang mga sikretong plano ng kasalanan. Kaya naman, halos lahat ng tunay na mga propeta ay naging martir. Ibinuwis ang kanilang buhay para sa katotohanan.



May kakaibang kuwento si Elias dahil ayon sa kanyang kuwento sa dsulo ng kanyang buhay kinuha siya ang nag-aapoy na karwahe upang dalhin sa kalangitan. At dahil dito nagbuo ng paniniwala nab ago dumatinmg ang Misiyas ay muling siyang babalik para ipaghanda ang dadaanan ng Manunubos. Sabi ni Hesus, dumating na siya pero hijndi lang nila kinilala o nakilala. Si Juan Bautista ay higit pa sa pagiging propeta ang nagging papel. Buong tapang siyang naging tinig ng Diyos sa gitna ng lahat. Nagsilbi siyang konsensya ng bayan. At tulad ng ibang propeta, siya rin ang nagbuwis ng buhay.



Bawa’t tagasunod ng Panginoon ay propeta. Ikaw at ako ang mga bagong Elias, o Juan Bautista, o isa sa mga propeta sa ating panahon ngayon. Dala-dala natin sa ating puso ang katotohanan mula sa Panginoong Hesus. Ang katotohanang ito ay hindi laging tugma sa kinasanayan ng mundo. Tungkulin nating ipahayag ang totoo. Tinig tayo ng Diyos sa ating panahon. Konsensya tayo n gating komunidad at lipunang kinabibilangan. Kung hindi ka propeta ngayon, hindi ka kailanman tagasunod o disipulo ng Panginoon.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong hayaan kang mamayani sa aking kalooban. Maging bukas nawa ako sa pagpapahayag mo ng iyong karunungan at katotohanan. Gawin mo akong iyong tinig sa gitna ng lahat. Ako ang iyong magiging bibig. Ako ang iyong magiging mga kamay at paa para abutin ang lahat at ipabatid sa kanila ang iyong paghahari.