Monday, September 27, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-28-10)

LUKAS 9:51-56

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, ipinasya niyang pumunta sa Jerusalem. 52 Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. 53 Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil sa siya'y papunta sa Jerusalem. 54 Nang malaman ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, "Panginoon, payag po ba kayong paulanan namin sila ng apoy upang sila'y matupok?" b

55 Ngunit bumaling si Jesus sa kanila at sila'y pinagsabihan. c 56 At nagpunta sila sa ibang nayon.



MAGNILAY:

Minsan kung di man madalas ay mainitin ang ulo natin. May konting atraso lang ang nagawa sa atin gusto na natin agad resbakan. Nanggagalaiti na agad tayong makaganti. At hindi tayo titigil hangga't hindi napapagbigyan ang bugso ng ating damdamin. Pero madalas din ay pinagsisisihan natin kung bakit napakabilis nating magpadala sa bugso ng damdamin. Napatangay agad tayo sa damdaming magjhiganti. Madalas ang masamang epekto ay sobra laki kumpara sa naging atraso. Hindi proporsyon ang pinasalang dulot nito. Kung sana naging mahinahon lang tayo. Kung sana nag-isip-isip muna tayo. Kung sana nagpalipas muna tayo ng init ng ulo. Kung sana...kung sana... Ilang buhay na ba ang nanganib, napinsala at nasawi? Ilang pamilya ang naulila? Ilang komunidad ang nagsimulang matakot sa kanilang seguridad? Gaano pang kasiraan ang hihintayin natin?



Ganito rin ang damdamin ng mga apostol laban sa mga Samaritano. Matagal ng may hidwaan ang mga Hudyo at mga Samaritano. Malakas ang diskriminasyon ng mga Hudyo sa mga Samaritano dahil sila ang salinlahi ng mga Israelita noong una na nasakop ng mga banyaga at nakipag-asawa sa mga ito. Dahil dito, hindi na sila purong Israelita. Kaya, mababa ang tingin sa kanila ng mga Hudyo. Simula noon, may poot na namuo sa dalawang kampo. Nagpapasimula sila ng gulo laban sa kabila. Lalong lumala ang hidwaan nila sa paglipas ng panahon. Kaya noong panahon ni Hesus, gayon na lamang ang pagtanggi ng mga Samaritano na makiraan sa teritoryo nila sina Hesus. Maanghang na ang relasyon nila, nadagdagan pa ng ganitong sitwasyon. Kaya ang mga alagad gustong ipagunaw ang mga Samaritanong iyon. Sa galit, gusto nila itong puksain at burahin sa balat ng lupa. Pero, hindi sumakay si Hesus sa matagal na nilang hidwaan. Hindi ayon si Hesus sa batas na "mata sa mata, ngipin sa ngipin." Walang puwang ang paghihiganti sa puso niya. Hindi ito solusyon sa hidwaan nila. Mas lalo pang palalalain nito ang sitwasyon. Kaya naging mahinahon si Hesus sa kanila. Pinagalitan niya ang mga alagad sa pag-iisip ng makitid. Hindi solusyon ang isang masama para masresolba ang isa pang masama. Tanging mabuti ang solusyon sa masama. Ito ang prinsipyo ni Hesus. Pinakitaan ka ng masama, ang iganti mo ay mabuti.



Sana matuto tayong lahat na huwag padala sa damdamin gaano man ito katindi. Mangibabaw lagi ang rason upang huwag tayong makagawa ng masakit na magpapalala ng sugat na namamagitan sa atin. Kung "mata sa mata" ang paiiralin, mabubulag lahat tayo kinalaunan. Talas ng pag-iisip ang sana'y manaig para rason ang mangibabaw. Kailnaman, walang kinahinatnang mabuti ang paghihiganti. Bagkus, lalo pa itong nagpapalala sa alitang namamagitan sa mga magkatunggali.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong maging mahinahon sa gitna ng mga matitinding alitan at tunggalian. Huwag sana akong madala sa damdaming maghiganti. Tulungan mo akong mag-isip kahit na nasa kainitan ng emosyon. Huwag ko sanang palalain pa ang sitwasyon.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-27-10)

LUKAS 9:46-50

Ang Pinakadakila

46 At nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang mapagpakumbaba sa inyong lahat ay siyang magiging pinakadakila."

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin

49 Sinabi ni Juan, "Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan."

50 Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo."



MAGNILAY:

Ang kadakilaan ay hindi nasusukat sa taas ng hagdan ng karangalan na iyong naabot na itinayo ng mundo; ang tunay na karangalan ay nasusukat sa laki ng iyong nagugol para maibigay mo ang iyong sarili para sa kapakanan ng iba. At madalas, ang nakakaalam kung gaano na ang iyong nagugol ay ikaw lamang at ang Diyos na nakakakita ng hindi nakikita ng lahat.



Nakakatuwa na mabigyang-karangalan ka ng iba. Yung makita nila ang iyong ginagawa at kilalanin ito. Malaking pasasalamat kung mabigyan ka ng papuri at dangal lalo't hindi naman ito ang iyong hanap. Pero, kilalanin ka man ng iba o hindi, mabigyan ka man ng plake o hindi, ang kadakilaan nararamdaman ng isang taong nakapagbigay ng sarili para sa ikabubuti ng iba. Sa isang tunay na dakila, ang mahalaga ay ang kasiyahan na nakapagpaligaya ka, ang konsolasyon na nakapagbigay-konsolasyon ka sa iba, ang tuwa na napagaan mo ang dalahin ng iba. Hindi na mahalaga pa ang masuklian pa ang iyong ginawa. Hindi na mahalaga kung malaman pa ng iba ang kabutihang-loob mo. Ang gantimpala mo ay yung ligaya sa puso mo na Diyos lamang ang nakakaramdam.



Baligtad ang kadakilaan sa mata ng Diyos. Minsan nga, habang hindi ka nakikilala mas lalo kang nagiging dakila sa kanyang paningin. At habang naghahangad ka ng karangalan at kadakilaan sa mata ng mundo, mas lalo napapatunayan mo na hindi ka nga karapat-dapat na maging tunay na dakila.



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mong maisapuso ko ang tunay na diwa ng kadakilaan. Sa mapagpakumbaba kong paglilingkod ko nga lang talagang matatagpuan ang tunay na kadakilaan.

Wednesday, September 22, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-22-10)

LUKAS 9: 1-6

Isinugo ang Labindalawa

1 Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. 2 Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa paghahari ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. 3 Sila'y pinagbilinan niya, "Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, tinapay, salapi, o bihisan man. 4 Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. 5 Kung hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila."

6 Saan man sila mapunta, ipinapangaral nila ang Magandang Balita at pinapagaling nila ang mga maysakit.



MAGNILAY:

Anumang maganda, o kapakipakinabang o makabuluhang proyekto ay nakatakdang magwakas at hindi magtagal kung walang mga taong handang magtalaga ng sarili para ipagpatuloy ito. Kung walang aako ng responsibilidad napipinto na ang pagwawakas nito. Ganito kahalaga ang pagtawag at pagsugo ni Hesus sa Labindalawa. Sila ang magpapatuloy ng kanyang gawaing pagliligtas. Sila ay kakatawan sa kanya sa harap ng mga tao. Sila ang kanyang magiging bibig para ipahayag ang kanyang salita, tainga para makinig sa mga hinaing ng mga lahat, kamay para kalingain ang mga dalita, mga paa para puntahan ang mga naligaw. Salamat at hanggang ngayon nakarating si Hesus sa atin sa pamamagitan ng mga taong boluntaryong tumugon sa paanyaya ng Panginoon na kanyang maging mga kinatawan. Tayo ay nakinabang sa kanilang dedikasyon. Narininig natin ang mensahe ng kaligtasan.



Ikaw naman ngayon ang inaanyayahan. Kailangan ni Hesus ang iyong oras para bisitahin ang mga nangungulial sa kanya. Kailangan niya ang iyong talento para magaling na maisagawa ang proyekto niya para sa kaligtasan ng lahat. Kailangan niya ng iyong isip para magawa ng konsepto at plano para sa mabilis na implementasyon ng kanyang mga programa. Kailangan niya ng iyong pera at iba pang materyal na gamit para matustusan ang mga planong ito. KAILANGAN NIYA IKAW PARA KUMATAWAN SA KANYA SA MGA TAONG WALANG HANAP KUNDI ANG MAKITA SIYA SA IYO!



MANALANGIN:

Panginoon, marami ang naghahanap sa iyo. Sinong ipapadala mo? Ah, ipadala mo po AKO!

Monday, September 20, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-21-10)

MATEO 9: 9-13

Tinawag si Mateo

9 Pag-alis ni Jesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, "Sumunod ka at maglingkod sa akin." Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya.

10 Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila'y magkakasalong kumain. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, "Bakit sumasalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?" 12 Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 13 Humayo kayo at unawain ang kahulugan nito: 'Habag ang nais ko at hindi ang inyong handog.' Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid."



MAGNILAY:

Kapag naramdaman mong mas banal ka sa iba, malamang-lamang na malayo ka sa pagiging isa ngang banal. Kapag nararamdaman mong kailangan mong dumistansya sa iba dahil makasalanan sila at iba ka sa kanila dahil banal ka, kulang na lang na sabihing isa kang ipokrito. Ang kabanalan ay lalong nagpapadama sa iyo na hindi ka karapat-dapat. Ang kabanalan ay lalong nagpapalutang ng iyong kakulangan. Ang kabanalan ay nagpapakita sa iyo na kung wala ang awa ng Diyos, wala ka. Siya at hindi ikaw ang may dahilan ng iyong kabanalan.



Ang bunga ng tunay na kabanalan ay awa lalo na sa kapwa makasalanan. Kaya ang banal na tao ay hindi humuhusga at humahatol ng kapwa. Habag ang namamayani sa kanya para sa mga malayo sa Panginoon. Kaya't ang tunay na kabanalan ay naglalapit at hindi naglalayo sa iyo sa mga makasalanan. Ang habag ang pinaka-ekspresyon ng totoong kabanalan.



Pakiramdam mo ba banal ka? Mag-isip-isip. Baka binubulag ka ng iyong matinding pagmamahal sa sarili.



MANALANGIN:

Panginoon, gawin mo akong ekstensyon ng iyong awa't pagmamahal sa mga makasalanan at mga malayo ang landas sa iyo.

Sunday, September 19, 2010

Dali Gopsel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-20-10)

LUKAS 8:16-18

Ang Talinhaga Tungkol sa Ilaw

16 "Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. 17 Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.

18 "Kaya't pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati na ang inaakala niyang nasa kanya."



MAGNILAY:

Hindi dapat itago ang paggawa ng mabuti. Hindi dapat isekreto ang intensyong gawin lang ang tama at mabuti. Hindi dapat ilihim ang pagiging alagad ng Diyos at ng katotohanan at kabutihan.



Marami ang natutukso na ilihim ang paggawa ng mabuti, itago ang pagtulong sa kapwa, huwag ipagsabi ang magagandang nagagawa, huwag i-broadcast ang pagiging aktibo sa mga samahang maka-Diyos o pan-Simbahan na aktibong kumikilos sa mga gawaing pagpapanibago at pagtulong. Sa kabilang banda, maaaring lehitimo ang dahilan. Hindi nga naman dapat ipakalandakan pa ang paggawa ng mabuti. Takaw pansin. Takaw papuri. Imbes na puro ang intensyon, minsan nahahaluan ang pansariling motibo. Mas maganda na nga lang na tumulong, maglingkod at makilahok sa tahimik at lihim na paraan. Ang gumagawa ng mabuti ng lihim ay nakikita ng Diyos.



Pero, sa kabilang banda, kailangan ding i-balanse ito ng pagpapakita sa lahat ng magandang ginagawa mo. Tulad ng sabi sa ating Ebanghelyo, ang ilawan ay nakalayon para magbigay liwanag. Hindi tayo nagsisindi ng ilawan para itago. Nakakatawa naman yon! Ang ilawan ay para bigyang liwanag ang lahat. At ang ating magandang gawa, ang ating kombiksyon para sa katotohanan at kabutihan, ang ating pagiging kasapi ng pamilya ng Diyos ay ilawan o ilaw para sa iba. Hindi ito pagmamayabang. Ito'y pagtulong sa iba lalo na sa mga nasa kadiliman at malayo sa Diyos na maliwanagan. Kailangan ng marami ng inspirasyon na gigising sa kanila na dapat din silang maging sangkot sa mga gawaing mabuti at banal. Maraming nag-aalangan na makiisa sa mga ganitong gawain. Ang iba ay duda. Ang iba naman ay nahihiya. Ang iba ay natatakot. Hindi kasi ito ang kalakaran ng mundo. Pero kung may makikita silang konkretong halimbawa na nagsasabuhay ng ganitong paninindigan, lalakas ang kanilang loob. Makikita nila ang kaibahan. Maeengganyo sila na lumapit din sa liwanag na matagal na nilang pinag-aalinlanganan.



Sa madali't sabi, kailangan din nating gawin ang papel ng isang saksi at patotoo. Naging propeta tayo noong tayo ay nabinyagan at naging anak ng Diyos. At ang propeta, pinaparinig sa lahat ang salita ng Diyos ng katotohanan kahit minsan masakit. Ang propeta ay pinapakita sa mundo na kakaiba sila sa kilos at pamumuhay para istorbohin ang konsensiya ng bayan. Ang propeta ay tagabigay ng pag-asa at liwanag sa mga taong uhaw sa tama at katotohan.



Maging ilaw ka ngayon. Masyadong madilim ang mundo ngayon!



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, ikaw ang Liwanag ng sanlibutan. Bahaginan mo kami ng iyong liwanag. Gawin mo kaming instrumento upang bigyang-liwanag ang lahat ng nasa kadiliman ng mundo.

Friday, September 17, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-18-10)

LUKAS 8: 4-15

Ang Talinhaga Tungkol sa Manghahasik

4 Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumalapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinhagang ito:

5 "Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ito ng mga tao at tinuka ng mga ibon. 6 May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo ito, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. 7 May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. 8 Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tigsasandaang butil."

At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, "Makinig ang may pandinig!"

Ang Layunin ng mga Talinhaga

9 Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. 10 Sumagot si Jesus, "Ipinagkaloob na sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y nagsasalita ako sa pamamagitan ng talinhaga. Nang sa gayon,

'Tumingin man sila'y hindi sila makakita;at makinig man sila'y hindi sila makaunawa.'"

Ang Paliwanag Tungkol sa Talinhaga

11 "Ito ang kahulugan ng talinhaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't dumating ang pagsubok, sila'y tumiwalag. 14 Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. 15 Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga."



MAGNILAY:

May ilang pagninilay ang iniiwan sa atin ng Talinhaga ng Manghahasik:



1. Ang binhi ay salita ng Diyos. At ang binhing ito ay inihasik ng Panginoon sa lahat karapat-dapat man o hindi, lubos na handa man o hindi, malaki man ang probabilidad na tutubo ito o hindi. Tayo yung mga iba't-ibang uri ng lupa na kinahulugan ng binhi. Sumusugal ang Diyos sa ating lahat na sana ang binhi ng kanyang salita ay tuimubo at magbunga. Ganoon siya kapositibo. Ganoon din siya kabukas-palad sa kanyang grasya. Ibinubudbod niya ito sa lahat. Kaya nga, puwedeng sabihin na waldas siya sa pagbibigay ng biyaya kahit malaki ang probabilidad na hindi tutugon ang marami sa atin. Mas sumusugal siya na tutugon tayo kahit maliit ang probabilidad. Tutulong siya para maging magandang lupa tayo.



2. Ang binhing inihasik sa atin ay mga subersibong mga binhi. Ang layunin nito ay pagbabago. Hindi ito basta salita ng Diyos. Hahamunin nito ang kasalukuyang istilo ng buhay natin. Kukwestyunin nito ang mga paniniwala natin, opinyon, pananaw, pinahahalagahan, sistema sa liopunan. Hindi parang kendi ang binhing ito na magbibigay lang sa atin ng sarap at aliw. Pag ito ay tinangap natin, humanda tayo sa malaking renobasyon ng buhay natin. Hindi puwedeng hindi. Ganoon ka subersibo ang mga binhing ito.



3. Ang iba't-ibang lupa sa talinhaga ay tayo - kung ano ang kalagayan ng kalooban natin. Sabi nga, may handa, may handa kahit papaano, may mga merong sagabal, merong hindi talaga handa. Ang hamon sa atin ay mag-asam tayo na maging magandang lupa para sa napakahalagang regalo ng Diyos na kanyang salita. Ang salita niya ang magdadala sa atin sa kaganapan ng buhay. Ang pagbabagong dulot nito ay maghpapalasap sa atin kung ano ang mabuhay ng makahuluigan at makabuluhan. Katiwasayan ang dala ng Manghahasaik. Magbukas tayo ngf puso sa salita ng Diyos. Ito ang susi tungo sa tunay na kalayaan at kaganapan.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, Dakilang Manghahasik, itanim mo sa puso ko ang iyong salita kasama ang biyayang tutulong sa akin para pagsikapang ayusin ang lupa ng aking kalooban para ito ay maging handa sa pagtubo at pagyabong ng binhi ng iyong salita. Tulungan mo akong ituon ang aking sarili sa iyo lamang, iwaksi ang mga humahatak sa akin palayo sa iyo, bunutin ang masasamang damo ng kasamaan at bisyo. Salamat at patuloy kang sumusugal sa akin sa kabila ng marami kong kakulangan.

Thursday, September 16, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-14-10)

JUAN 3: 13-17

13 Wala pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao.

14 At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya.



MAGNILAY:

Maraming simbolo ang pag-ibig. Nariyan ang ginupit na pulang cartolina na hugis puso. Siyempre mga regalo tulad ng bulaklak at tsokolate. Ang mismong pagsasabi ng 'Mahal kita.' Halik at yakap. Sulat, text at iba pang uri ng komunikasyon na nagpapahayag ng pagmamahal. Karamihan sa mga simbolong ito ay nagpapakilig sa atin o kaya'y nagdudulot ng romantikong pakiramdam tungkol sa pag-ibig. Nagpapahayag ito na napakasarap ang nagmamahal at minamahal. Sinasakay tayo nito sa ulap.



Sa araw na ito ay itinatanghal natin ang masasabi nating pinaka-simbolo ng tunay na pag-ibig. Hindi siya nakakakilig. Hindi siya yung nagbibigay ng ideya na masarap ang magmahal. Hindi rin romantikong pakiramdam ang pakay nito. Ang simbolong ito ang tunay na kumakatawan sa kung ano talaga ang pag-ibig - ang simbolo ng krus.



Ang pag-ibig ay buo at radikal. Hindi pa pag-ibig kapag may nirereserba ka pa na ayaw ibigay. Ang pag-ibig ay kusang pagbibigay ng iyong buong sarili - puso at kaluluwa. Kaya, radikal din siya. Hindi lang ang karapat-dapat ang inaalayan niya ng pagmamahal kundi p[ati ang mga hindi karapat-dapat, ang mga hindi nagmamahal sa iyo, ang mga hindi kayang suklian ang pag-oibig mo. Radikal ang pag-ibig dahil ibinibigay siya ng walang kondisyon at kapalit.



Hindi rin maihihiwalay sa pag-ibig ang sakripisyo at paglimot sa sarili. Pinapagkaitan mo ang iyong sarili para may maihandog ka. Hinuhubad mo ang iyong karangalan para makapantay ka sa iyong minamahal. Namamatay ka sa iyong sarili para mabuhay ang iba.



Ito ang eksaktong nangyari sa Banal na Krus kung saan nabayubay ang Panginoong Hesus dahil sa pag-ibig sa sangkatauhan. Kaya ang krus ay naging sagisag ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Ang krus ay hindi palamuti na tulad ng ginagawa ng marami. Ito'y tanda ng saripisyo ng Panginoon para sa lahat.



Ang krus ay leksyon ng pag-ibig. Ang deboto ng mahal na krus ay estudyante ng pag-ibig. Sa krus, pinapalalim ang konsepto natin ng pag-ibig na romantiko, nakakilig, masarap. Sa krus, ipinapahayag na ang pag-ibig ay pagbibigay ng lubos. Gayunpaman, habang nawawalan tayo ay lalo naman tayong nagkakaroon - ng buhay, ng tunay na kahulugan ng mabuhay, ng saysay sa buhay.



Sa pagtatampok natin sa krus, itinatampok natin ang pag-ibig na ang pinagmulan ay Diyos at siyang solusyon sa sugat ng mundo.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, kapag nagtatanong ako paano nga ba magmahal ng tunay, ibaling mo ang aking tingin sa iyong krus.

Sunday, September 12, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-13-10)

LUKAS 7: 1-50

Pinagaling ang Alipin ng Kapitang Romano

1 Nang matapos turuan ni Jesus ang mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. 2 Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. 3 Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. 4 Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, "Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo 5 sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga."

6 Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: "Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, 7 ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking alipin. 8 Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, 'Pumunta ka roon!' pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, 'Halika!' siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, 'Gawin mo ito!' ginagawa niya iyon."

9 Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, "Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya."

10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.



MAGNILAY:

May malaking pagkakaiba ang karapatan sa pribilehiyo. Puwede nating ilaban ng patayan ang karapatan dahil para sa atin talaga ito dapat. Obligasyon ng kung sino man na ibigay sa atin ang ating karapatan. Kadalasan, hindi basta-basta na inaalis sa atin o pinagkakait ang ating karapatan. May lakas ng loob tayong singilin ito sa kung sino man. Ang pribilehiyo ay iba. Kusa itong binibigay sa atin ayon sa kagandahang-loob ng nagkakaloob nito. Hindi natin ito puwedeng igiit, o singilin, o ilaban ng patayan para makamit. Hindi ito talaga para sa atin pero minsan iginagawad sa atin. Minsan, hindi tayo karapat-dapat dito pero ipinagkakaloob pa rin ayon sa mabuting loob ng nagbibigay. Dapat alam natin kung karapatan o pribilehiyo ang hinihingi natin. Minsan, napagkakamalan ang isa sa isa. Malinaw dapat sa atin ang ating karapatan at ang ating pribilehiyo.



Sa harap ng Diyos, wala tayong karapatan. Pero minsan kung umasta tayo, ang yabang-yabang. Ika nga, parang may pinatago tayong pera sa Diyos kaya ganun na lang tayo kung maningil. Ang biyaya ng Diyos ay hindi natin karapatan. Pribilehiyo lamang ito na ibinibigay sa atin ayon sa kanyang mabuting kalooban. Kaya sa harap ng Diyos, pagpapakumbaba ang nararapat na ugali at disposisyon. Sabi nga, matuto tayong lumugar. Malinaw dapat sa atin na tayo'y nilikha lang at lingkod ng Diyos.



Pero sana, ganun din tayo sa kapwa natin. Marunong tayong lumugar. Matuto tayong ilagay ang sarili sa dapat kalagyan. Ang kapitang Romano sa Ebanghelyo, bagama't may posisyon, ay natutong lumugar ng kanyang sarili at magpakumbaba kaya't umani siya ng pagpapala at pribilehiyo sa Panginoon. Hindi siya nag-atubiling magpakumbaba kung kinakailangan para sa kapakanan ng kanyang alipin.



MANALANGIN:

Panginoon, itanim mo sa aming kalooban ang binhi ng pagpapakumbaba. Maraming sigalot sa aming pakikitungo sa isa't-isa ang mabibigyang solusyon kung marunong lang kaming lumugar sa dapat naming kalagyan ng may pagpapakumbaba.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-11-10)

LUKAS 6: 43-49

Sa Bunga Makikilala ang Puno

43 "Walang mabuting punongkahoy ang namumunga ng masama, at wala ring masamang puno ang namumunga ng mabuti. 44 Nakikilala ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. 45 Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong tigib ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi."

Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay

46 "Bakit ninyo ako tinatawag ng 'Panginoon, Panginoon,' gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? 47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. 48 Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakikinig naman ng aking mga salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang bumaha at bumugso ang tubig sa bahay na iyon, kaagad itong bumagsak at lubusang nawasak."



MAGNILAY:

"Kung ano ang itinanim, siyang aanihin."



Ito ay kasabihang Pinoy na nagpapalawak pa ng mensahe ng ating Ebanghelyo. Oo, kung ano ang puno siyang bunga pero tayo ang nagtatanim ng puno at kung ano ang itinanim natin siyang aasahan nating anihin. Kung sa una pa lang, masamang puno na iyan, alam na natin kahit papaano ang inaasahan nating aanihin. Kapag mabuti ang itinanim, siyempre mabuti ang aanihin.



Ito siyempre ay tungkol sa kung paano natin kusang hinuhubog ang sarili natin - ang pag-iisip, opinyon at paniniwala natin, ang ating ugali at mga pinahahalagahan (values), sa madali't sabi, ang ating buong kalooban. Sa mga pinipili natin ngayon, mga ginagawa at pinagkakaabalahan, mga gawi (o habits) at istilo ng buhay, sa lahat ng ito, ano ang itinatanim nito sa sarili natin? Paano nito hinuhubog ang buo nating sarili? Mabuti ba o masama? Anong uri ng puno ang ating inaalagaan sa ating sarili?



Minsan kailangan ng pag-uusisa ng sarili. Hindi natin alam, ang ugat pala ng mga masasamang bunga sa buhay natin ay tayo mismo. Madalas tayong manisi ng iba. Akala natin, biktima tayo ng kasamaan ng iba. Hindi natin alam, nasa sistema pala natin ang maging biktima. Tayo ang nag-aalaga ng puno na masama ang bunga. Kailangang laging komprontahin ang sarili, hamunin kung kinakailangan para magbago. Mas masaklap kapag nasanay na tayo sa masamang puno at bulok na bunga. Hindi na natin kilala ang magandang bunga.



Ang Salita ng Diyos siyempre ang pinakamainam na pandilig at pampataba sa puno ng ating sarili. Kung babad tayo sa kanyang aral, nagtatanim ito ng mga mabubuting binhi sa atin. At sa tulong ng ating pagdadasal at grasya ng Diyos at ng araw-araw nating pagsisikap mamuhay ng ayon sa kanyang salita, tutubo ang mabuting binhi, lalago at magsasanga, at mamumunga para sa kapakinabangan ng lahat. Magtanim tayo ng mabuting puno, aani tayo ng magandang bunga.



MANALANGIN:

Panginoon, diligin mo ng iyong salita at biyaya ang aming puso't kaluluwa. Anumang hindi maganda sa amin, tulungan mo kaming iwaksi at alisin. Akayin mo kami upang makapamunga kami ng mga magagandang gawa sa ikalalaganap ng iyong paghahari.

Wednesday, September 8, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-09-10)

LUKAS 6: 27-38

Ang Pag-ibig sa Kaaway

27 "Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. 31 Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.

32 "Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Ang mga makasalanan man ay marunong ding magmahal sa mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung ang mga nagmamabuti lamang sa inyo ang inyong gagawan ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! 34 At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. 35 Sa halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. 36 Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama."

Ang Paghatol sa Kapwa

37 "Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo paparusahan ng Diyos. Patawarin ninyo ang inyong kapwa at kayo'y patatawarin din ng Diyos. 38 Magbigay kayo at kayo'y bibigyan ng Diyos; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo."



MAGNILAY:

Sinong gustong may kaaway? Walang taong nasisiyahan kapag may kaaway siya. Kahit minsan, nabibigyan natin ng dahilan bakit may inaaway tayo, pero sa pagtulog natin sa gabi, mas mamatamisin natin na matutulog tayong walang kaaway. Malaking pasanin sa isip at kalooban ang may kaaway. Hindi normal ang may kaaway.



Mahalin mo ang iyong kaaway! Parang kahangalan ang utos na ito. Paanong mamahalin ang kaaway? Paanong magsasanib ang dalawang magkasalungat? Kaaway nga eh, paanong mamahalin? Pag minahal mo siya, hindi na siya kaaway!



Ito nga ang punto ni Hesus. Para mawalan ka ng kaaway, magsimula kang magmahal kahit yung nakasakit sa iyo. Sa ganitong radikal na paraan, naiiwasan natin ang mas malalang sakitan ng dalawang nananatiling magkaaway. Habang kaaway mo ang isa, hindi natatapos ang pag-iisip mo ng paghihiganti. Hindi matatapos ang pag-iisip mo na mapahamak ang isa at kahit ikaw pa ang gagawa noon. Hindi matatapos ang negatibong pag-iisip sa kapwa. At kahit alam mong mas lalong bumibigat ang kalooban mo, nagsisimula kang masiyahan kapag nakakasakit ka ng iba. nagsisimula kangh maging komportable kapag nasasaktan ang iba. Kasi nga, meron kang rason - sinaktan niya ako, dapat lang na masaktan din siya - mas higit. Sa huli, magigising ka na lang, pareho kayong talo sa ganitong uri ng diskarte.



Radikal ang utos ni Hesus, oo, pero ito lang ang tanging paraan. Sa utos na ito, hinahamon tayong magmahal sa posibleng pinakamalaking paraan na kaya natin. Ang pagmamahal sa kaaway ay hindi pagmamahal sa kaunti o maliit na paraan. Kaya nga, mahirap pero posible. May sinasakripisyo lalo na ang "pride." May sinasang-tabi lalo na ang hangad na maghiganti. Ito'y isang uri ng pagsusugal na sa kabila ng masamang nagawa sa iyo ng iba, susubukan mong tingnan siya sa positibong paraan at hanapin ang mabuti sa kanya. Binibigyan mo siya ng pagkakataong maging mabuti muli - isang napakadakilang pag-ibig.



Ang pagmamahal sa kaaway ay pag-ibig ng Diyos sa atin. Minahal niya tayo sa kabila ng ating pagtalikod. Minahal niya tayo sa kabila ng hindi natin pagiging karapat-dapat. Nagmahal siya ng walang kondisyon. Mahal niya ang lahat - masama o mabuti. Puno siya ng pag-ibig. Kaya naman, walang kaaway ang Diyos!



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong magmahal sa pinakamalaking paraan. Matutunan ko nawang mahalin maging ang mga nakaksakit sa akin. Ako man, nakasakit ng kapwa at hindi ko gugustuhin na pagkaitan ako ng pagkakataong baguhin ang aking mali. Ganun ko rin nawa ituring ang mga nakasakit sa akin. Matuluran ko nawang gayahin ang pag-ibig mo - pag-ibig na walang kondisyon!

Monday, September 6, 2010

DAily Gospel Reflection by Fr. Rey An YAtco (09-07-10)

LUKAS 6: 12-19

Pinili ang Labindalawa

12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, pumili siya sa kanila ng labindalawa, at sila'y tinawag niyang mga apostol. 14 Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiagong anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, 16 si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Nagturo at Nagpagaling si Jesus

17 Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 18 Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihan siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman.



MAGNILAY:

Maging si Hesus ay hindi nag-isa sa kanyang pagtupad ng kanyang misyon. Bumuo siya ng isang grupo ng kolaborasyon para mas maging epektibo ang gawaing pagliligtas sa lahat. Mas marami, mas sari-sari ang mga opinyon, suhestiyon at istratehiya na magpapalawak sa misyong ito. Hindi nagmagaling si Hesus na kaya niya ng siya lang. Alam niya ang kahalagahan ng pagbabahagi ng responsibilidad.



Pero bakit nga kaya may mga taong mas gustong solohin ang lahat? May mga taong akala nila sila ang tagapagligtas ng mundo? Bakit nga kaya may mga hindi kampante kapag nagbibigay ng opinyon ang iba? Bakit may inseguridad kapag may kasamang iba? Kung ikaw ito, bakit nga ba? Natanong mo na ba ang iyong sarili?



Maraming maaaring maging dahilan. Pero ang malinaw, wala sa normal na disposisyon at motibasyon ang mga taong hindi kayang makipagtulungan sa iba. Dapat basahin ang nasa likod ng utak nito kahit pa sabihing banal na gawain ang kanyang kinalalahukan.



Nakakalungkot kung ang mga Kristiyanong komunidad na inatasang maglingkod ay walang kolaborasyon. Minsan, ang mga grupo ay nagkakanya-kanya. Hindi mo matipon para sa isang layunin. Laging may pagalingan sat kompetisyon. Langis at tubig minsan ang mga relasyon. Mas malungkot kung mismong ang mga pari at mga liders ng komunidad ang hindi magkasundo.



Wala sa plano't istratehiya ni Hesus ang pag-iisa. Sa simula pa, komunidad na ang Simbahan ng nagtutulungan. May mga pagtatalo minsan pero iisa ang layunin at hangarin. Ang Espiritu Santo mismo na kaloob ni Hesus ay Diyos ng pagkakaisa.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, gabayan mo ang iyong Simbahan na maging isang komunidad ng kolaborasyon. Tulungan mo ang bawa't-isa na matutong makipagtulungan sapagka't ito'y palatandaan ng maturidad ng isang indibidwal at ng komunidad.

Sunday, September 5, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-06-10)

LUKAS 6:6-11

6 Isang Araw ng Pamamahinga rin noon nang pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. 7 Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. 8 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito sa unahan." Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo, "Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?" 10 Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay!" Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.

11 Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat nilang gawin kay Jesus.



MAGNILAY:

Humihirit pa, nakorner na nga!



Ito ang pinakamagandang pagsasalarawan sa mga Pariseo na nagdudunung-dungunan sa Batas. Gusto nilang ikorner si Hesus pero sila ang nakorner. Ibinato na naman nila sa kanya ang isang isyu tungkol sa Sabat, o Araw ng Pamamahinga. Para sa kanila, ang Sabat ay nagiging banal sa pamamagitan ng pamamahinga lamang. Sobrang nahibang sila sa konsepto ng pamamahinga kaya't pati pagtulong sa isang naghihirap dapat magpahinga? Isa talagang kahibangan. Sa hartap ng isang taong nagdurusa, ang tawag ng pagmamalasakit ay nangingibabaw sa lahat ng ibang batas. Mas mahalaga ang kapakanan ng tao kaysa ritwal. Puwedeng isang-tabi muna ang ritwal at tumulong sa kapwa. Kahit ordinaryong lohika ay magsasabi na una muna ang kalagayan ng kapwa. Isa pa, ang Sabat ay pagtuon sa kabutihang-loob ng Diyos. At ano pa bang mas hihigit sa pagtulong sa kapwang nagdurusa upang ipahayag ang kagandahang-loob na ito ng Diyos?



Malinaw pa sa sikat ng araw ang katotohanan pero sa ayaw makinig, walang paliwanag; sa ayaw makakita, walang ebidensiya; sa ayaw magsalita, walang argumento. Ang ayaw sa katotohanan, walang paraan. Nakakaawa ang mga Pariseo na pinili ang sariling kayabangan huwag lang masabihan na nakinig sila sa isang ordinaryong taong tulad ni Hesus.



Bukas ba tayo sa totoo? Lingkod ba tayo ng katotohanan? O namimili tayo ng kung ano ang totoo? Depende ba sa kung sino ang nagsasabi? Kaya ba nating magpakumbaba at sabihing nagkamali tayo ng pananaw tungkol sa katotohanan?



MANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo akong maging bukas sa katotohanan kahit minsan ito ay masakit. Huwag sana akong maging sarado dahil lang sa hindi ko matanggap na nagkamali ako. Akayin mo ako sa kalayaang dulot ng pagiging nasa katotohanan.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-04-10)

LUKAS 6: 1-5

1 Isang Araw ng Pamamahinga, nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga uhay ng trigo at kanila itong kinain matapos kuskusin sa kanilang mga kamay. 2 "Bakit kayo gumagawa ng bawal sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?" tanong ng ilang Pariseo.

3 Sinagot sila ni Jesus, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? 4 Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na tanging mga pari lamang ang may karapatang kumain? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama." 5 At sinabi pa ni Jesus, "Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga."



MAGNILAY:

Kailan pa naging kasalanan ang alalahanin ang mga nagugutom? Kailan pa naging masama ang isipin ang kanilang kapakanan?



Ito ang tugon ni Hesus sa mga Pariseo sa uri ng pangingilin nila sa araw ng Pamamahinga. Nasobrahan ang pagtuon nila sa pamamahinga - kaya pati paggawa ng mabuti kailangan na ring ipahinga - kaya't nalihis ang pag-aakala nila na sa pamamahinga napapapurihan ang Diyos. Hindi ang pamamahinga kundi ang paggawa ng mabuti sa kapwa ang lalong nagbibigay ng papuri sa kanya. May araw ng Pamamahinga, oo, pamamahinga sa araw-araw nating gawain para mailaaan natin ang buong sarili sa Diyos. Pero hindi ibig sabihin, mamahinga pati sa kanyang gawaing magmalasakit sa mga nangangailangan lalo ang mga gutom, maysakit, at ibang may dinaramdam sa buhay. Mas lalo ngang napapapurihan ang Diyos sa gawaing pagmamalasakit sa kapwa.



Para sa ating mga Kristiyano, huwag lang sanang pagsisimba ang nasa isip natin kapag dumarating ang Araw ng Linggo - ang araw ng Panginoon. Mas nagiging makahulugan at makabuluhan ang pagpapabanal at pangingilin natin sa araw na ito kung ilalaan natin ito sa pagtulong sa mga nangangailangan. Mag-isip tayo ng mga gawaing magpapagaan sa dinadala ng ating kapwa. Maraming mga kababayan natin na kahit gusto nilang magpahinga sa araw ng Linggo, hindi puwede. Sa hirap ng buhay, kailangang kumayod. Para sa kanila, bisyo ang mamahinga.



Baka puwede tayong magserbisyo gamit ang ating propesyon ng libre pag araw ng Linggo. Puwede rin tayong mag-volunteer sa mga iba't-ibang gawaing pagtulong kasama ang buong pamilya. Bakit hindi bumisita sa mga maysakit, nasa piitan, mga ulila. Magandang paghubog ito sa isip at puso ng mga bata at kabataan lalo't kasama nila ang mga magulang sa ganitong gawain. Mas malaki ang magagawa ng mga organisadong grupo lalo na sa Simbahan. Maging tatak nawa ng araw ng Linggo ang pagsisimba at pakikilahok sa gawaing pagtulong. Sa ganitong paraan, napapapurihan lalo ang Diyos at napapabanal lalo ang Araw ng Pamamahinga, ang Araw ng Panginoon.



MANALANGIN:

Panginoon, mapapurihan nawa kita sa pamamagitan ng gawaing pagmamalasakit sa mga nangangailangan.