Tuesday, August 31, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (09-01-10)

LUKAS 4: 38-44

38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.

40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Pinalayas din niya ang mga demonyo sa mga taong sinasapian ng mga ito. Lumabas silang sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.



42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, "Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, sapagkat iyon ang dahilan kaya ako isinugo." 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.



MAGNILAY:

Maraming manggagamot ang nagsasabing maraming pisikal na sakit ngayon ay bunga ng karamdaman ng isip, ng kalooban, ng kaluluwa. Minsan, nananahan ang galit sa ating puso. May mga kinikimkim tayong emosyon na dapat talagang harapin pero hindi natin nahaharap. May mga dapat ipagkasundo sa kalooban natin. Nangangailangan tayo ng pakikipagkasundo sa sarili natin, sa Diyos at kapwa. Walang magbigay lakas at kasiguruhan sa atin para komprontahin ang mga maseselang bagay na ito. At dahil nga dito, lumalabas ito sa mga sakit natin sa katawan.



Sa panahon ni Hesus, marami siyang pinagaling at ginamot. Konsepto nila noon na ang sakit ay may kinalaman sa pananahan ng masamang espiritu sa katawan ng tao. Kaya't twing manggagamot si Hesus ay kinakausap niya ang sakit at pinalalayas ito. Sa pamamagitan ng makapangyarihang salita niya nagpapagaling ang Panginoon.



Ang salita ng Panginoon ay patuloy na nagpapagaling sa ating panahon ngayon. Ang salita niya ang pumapawi sa ating mga pag-aalinlangan at pagkabahala na wala na nga tayong pag-asa. Pero, kapag nakinig at tinanggap natin ang kanyang salita, tumatapang tayo. Nagagawa nating makipagkasundo sa ating sarili, sa Diyos at sa kapwa. May nakakawala sa kalooban natin kaya't nagkakalakas ng loob tayo para komprontahin ang matagal na nating iniiwasan.



Ganito kabisa ang salita ng Diyos. Pinalalayas nito ang espiritu ng kaduwagan, ng pag-aalinlangan, ng pagmamatigas ng loob, ng kayabangan, ng galit, ng inggit, ng kawalang-pag-asa, ng takot. Kapag nakinig tayo sa kanyang salita, may pagkakasundong nangyayari sa ating loob.



Bumabad tayo sa kanyang salita. Una, maglaan ng oras ng pananahimik araw-araw kahit anong abala mo sa anumang gawain. Pumunta sa pinakasulok ng iyong mundo at makipagtagpo sa iyong Diyos na nananabik na makipagtagpo sa iyo. Manahan ka sa kanyang pagmamahal. Sa pananahimik, magsasalita siya sa iyong puso. Makikinig ka sa pamamagitan din ng iyong puso.



Magbuklat ng Bibliya. Namnamin ang mensahe nito at dalhin sa pananalangin. Magsasalita siya sigurado sa iyong puso. Magbuklat din ng mga babasahing espiritwal. Huwag maging kuripot sa pagbili ng mga ganitong uri ng babasahin. Gumagasta ka nga sa mga babasahin at mga panooring alam mo namang magdadala sa iyo sa kasalanan. Pakainin ng tama ang kaluluwa at huwag ang mga mensaheng malaswa, mahalay, bayolente, materyoso, banidad, at lahat ng uri ng kamunduhan. Salita lang ng Diyos ang pagkain ng kaluluwa, ng isip, ng puso.



Magsikap gumawa ng mabuti araw-araw lalo na sa mga taong araw-araw mo ring nakakasalamuha kahit hindi ka nila napapansin. Ang paggawa ng mabuti ay pagkain din at gamot sa puso nating may espiritwal na karamdaman. Ang pag-ibig, ang pagmamalasakit, ay bitamina ng kaluluwa. Kung nagpupunla ka ng binhi ng pag-ibig, mabubuhay ang iyong espiritu.



Iwaksi ang pagkamakasarili. Kahit minsan parang agrabyado ka. Mas mabutoi kung mas higit kang nakakapagbigay. Huwag kang makipagtawaran. Wala ka sa palengke. Huwag kang magbilang ng mabuting ibinibigay mo. Bigay ka lang ng bigay. Sa gayon, mahihilom ang iyong kalooban.



Ito at marami pang iba ang mga paraan para makapakinig tayo sa salita ng Diyos. Manalig sa kanyang salita. Nakagagaling ito!



MANALANGIN:

Panginoon, magsalita ka! Nakikinig ang iyong lingkod.

Thursday, August 26, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-26-10)

MATEO 24: 42-51

42 Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Tandaan ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman."



45 "Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? 46 Mapalad ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! 47 Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, 'Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.' 49 Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang ibang mga alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. 51 Buong higpit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin."



MAGNILAY:

Marami tayong pinanghihinayangan sa buhay kasi hindi natin pinaghandaan, kasi hindi natin sineryoso, kasi hindi natin pinahalagahan, kasi binalewala natin, kasi hindi natin pinrayoridad... Sayang, sayang. Kung sana, kung sana...pero huli na. Wala na.



Ito ang babala ni Hesus. Maghanda. Hindi natin alam ang oras. Para itong magnanakaw na dumarating ng bigla. Kawawa ka kapag nadatnan kang nangangapa.



Nasa huli ang pagsisisi. Hindi na maibabalik pa ang kahapon. Kaya't sa bawa't sandali gawin ang pinakamainam, ang pinakamabuti. Huwag mag-aksaya ng oportunidad. Minsan lang ito kumatok. Kapag hindi ka nakapagbukas, baka wala ka nang pagbubuksan pa.



MANALANGIN:

Panginoon, maikli ang buhay. Marupok din ito. Kaya't ang pinakamagandang maaari kong gawin ay gawin ko na ngayon, hindi bukas. Gawin mo akong handa sa kahit anupamang maaari kong maingkwentro sa buhay.

Wednesday, August 25, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-25-10)

MATEO 23: 27-32 27

"Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. 28 Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan."



29 "Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ipinagpapatayo ninyo ng libingan ang mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, 'Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami sasama sa pagpatay sa mga propeta.' 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin na ninyong kayo'y mga anak ng mga nagpapatay sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang pinasimulan ng inyong mga ninuno!



MAGNILAY:

Ang unang biktima ng pagkukunwari o pagiging ipokrito ay ang ating sarili na walang ibang hanap at nais kundi ang totoo. Sa ating pagkukunawari ang unang nasasaktan ay ang ating sarili. Maaari tayong magbalatkayo sa iba, maaari nating mapapaniwala ang iba sa kung sino tayo hindi, pero kelan man ay hindi natin malilinlang ang sarili. Alam ng sarili natin ang totoo at hindi totoo.



Ang mapagkunwari ay walang tunay na kasiyahan. Araw-araw siyang tumatakas. At ang pinakamahirap takasan ay ang sarili. Lagi ito kumokompronta. Nilalantad nito ang hindi totoo.



Ang sarili ay tahanan ng Diyos. Sa Diyos, hindi puwede ang hindi totoo. Pundasyon ng tunay na kabanalan ang pagiging totoo. Kung totoo ka, banal. Kung nagkukunwari ka, walang lugar ang kabanalan sa puso mo.



Maaaring malinlang natin ang iba sa una. Pero, walang mangmang a isinilang. Mahahalata at mahahalata ang nagkukunwari. Walang nakatagi na hindi malalantad.



MANALANGIN:

Panginoon ng Katotohanan, tulungan mo akong mamuhay sa katotohanan lamang. Walang kasing laya at kasing saya ang taong totoo.

Sunday, August 15, 2010

Sunday Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-15-10)

REVELATION 11:19; 12:1-6, 10Then the sanctuary of God in heaven opened, and the ark of thecovenant could be seen inside it. Then came flashes of lightning,peals of thunder and an earthquake and violent hail. Now a great signappeared in heaven: a woman, robed with the sun, standing on the moon,and on her head a crown of twelve stars. She was pregnant, and inlabour, crying aloud in the pangs of childbirth. Then a second signappeared in the sky: there was a huge red dragon with seven heads andten horns, and each of the seven heads crowned with a coronet. Itstail swept a third of the stars from the sky and hurled them to theground, and the dragon stopped in front of the woman as she was at thepoint of giving birth, so that it could eat the child as soon as itwas born. The woman was delivered of a boy, the son who was to ruleall the nations with an iron sceptre, and the child was taken straightup to God and to his throne, while the woman escaped into the desert,where God had prepared a place for her to be looked after for twelvehundred and sixty days. Then I heard a voice shout from heaven,'Salvation and power and empire for ever have been won by our God, andall authority for his Christ, now that the accuser, who accused ourbrothers day and night before our God, has been brought down.



FIRST CORINTHIANS 15:20-26In fact, however, Christ has been raised from the dead, as the first-fruits of all who have fallen asleep. As it was by one man that deathcame, so through one man has come the resurrection of the dead. Justas all die in Adam, so in Christ all will be brought to life; but allof them in their proper order: Christ the first-fruits, and next, athis coming, those who belong to him. After that will come the end,when he will hand over the kingdom to God the Father, having abolishedevery principality, every ruling force and power. For he is to be kinguntil he has made his enemies his footstool, and the last of theenemies to be done away with is death, for he has put all things underhis feet.



LUKE 1:39-56Mary set out at that time and went as quickly as she could into thehill country to a town in Judah. She went into Zechariah's house andgreeted Elizabeth. Now it happened that as soon as Elizabeth heardMary's greeting, the child leapt in her womb and Elizabeth was filledwith the Holy Spirit. She gave a loud cry and said, 'Of all women youare the most blessed, and blessed is the fruit of your womb. Whyshould I be honoured with a visit from the mother of my Lord? Look,the moment your greeting reached my ears, the child in my womb leaptfor joy. Yes, blessed is she who believed that the promise made her bythe Lord would be fulfilled.' And Mary said: My soul proclaims thegreatness of the Lord and my spirit rejoices in God my Saviour;because he has looked upon the humiliation of his servant. Yes, fromnow onwards all generations will call me blessed, for the Almighty hasdone great things for me. Holy is his name, and his faithful loveextends age after age to those who fear him. He has used the power ofhis arm, he has routed the arrogant of heart. He has pulled downprinces from their thrones and raised high the lowly. He has filledthe starving with good things, sent the rich away empty. He has cometo the help of Israel his servant, mindful of his faithful love -according to the promise he made to our ancestors -- of his mercy toAbraham and to his descendants for ever. Mary stayed with her somethree months and then went home.



REFLECTIONToday we celebrate the Solemnity of Mary's Assumption, that Mary didnot suffer physical corruption after her death. She was taken body andsoul upon her death into heaven. What is the significance of thisfeast?



The first thing we find in Mary's life is suffering. Mary's sufferingbegan when she was asked to bear a son before being married to Joseph.The anxieties in her heart, - would Joseph still accept her? If thepublic finds out, will she be stoned to death in public? Later, whenshe and Joseph took the child Jesus to the Temple. There, the holy manSimeon said of Jesus: "Behold, this child is destined for the fall andthe rise of many in Israel, and to be a sign that will becontradicted." Turning to Mary he said, "And sorrow, like a sharpsword, will pierce your own heart." Suffering continued in Mary's life when in later years she saw theopposition grow against Jesus. Her suffering reached its peak when shestood beneath the crucified body of her Son. Mary bore her sufferingwith courage and with patience. And that's where she inspires us tobear our suffering as courageously and patiently as she did.



The second thing that we find in Mary's life is the spirit of serviceto others. The spirit manifested itself when the angel Gabrielannounced that she was to be the mother of the Son of God. Her answerwas short and to the point: "Behold, I am the handmaid of the Lord.May it be done to me according to your word." Mary's spirit of servicecontinued to manifest itself when she learned of Elizabeth's pregnancyand went to help. Finally, that spirit of service continued tomanifest itself when Mary asked help from Jesus for the young marriedcouple at Cana.



The third thing that we find in Mary's life is a spirit of profoundprayerfulness. This spirit of prayerfulness is seen in her prayer ofpraise to God. Mary offered this prayer called the Magnificat rightafter learning that Elizabeth's child leaped in the womb when sheapproached Elizabeth with Jesus in her womb. Mary's spirit ofprayerfulness continued at the birth of Jesus, when the Gospel tellsus that Mary "kept all these things [connected with Jesus' birth]reflecting on them in her heart." And it reached a special peak whenthe Acts of the Apostles relates that she "devoted" herself "toprayer" with the Apostles in preparation for the coming of the HolySpirit. Because of her prayerfulness, she was always ready to do thewill of God. That's why she was sinless, that's why she was taken bodyand soul to heaven upon her death to be with God forever.



Mary inspires us to want to carry our cross patiently as she carriedhers. She inspires us to want to serve others generously and joyfully,as she served them. Finally, she inspires us to pray regularly as shedid. Who can be a better Advocate than Mary our Mother?

Wednesday, August 11, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-12-10)

MATEO18:21-19:1

Ang Talinhaga Tungkol sa Lingkod na Di-marunong Magpatawad

21 Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, "Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?"

22 Sinagot siya ni Jesus, "Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito. 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Unang dinala sa kanya ang aliping may utang na milyun-milyong piso. 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa, 'Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.' 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.

28 "Ngunit pagkaalis roon ay nakatagpo niya ang isa niyang kamanggagawa na may utang na ilang daang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg, sabay sigaw, 'Magbayad ka ng utang mo!' 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, 'Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.' 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.

31 "Labis na nagdamdam ang ibang mga tauhan ng hari nang malaman iyon, kaya't pumunta sila sa hari at isinumbong ang buong pangyayari. 32 Ipinatawag ng hari ang malupit na lingkod. 'Napakasama mo!' sabi niya. 'Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?' 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran ang lahat ng kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo patatawarin nang buong puso ang inyong mga kapatid."



1 Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan.



MAGNILAY:

Haligi ng Kristiyanong pananampalataya at espiritwalidad ang pagpapatawad. Masasabi nating hindi Kristiyano ang anumang uri ng espiritwalidad kung hindi nakasalig sa pagpapatawad. Ito ay permanenteng sangkap ng buhay Krsityano. Nakapaloob ito sa desisyon nating maging Kristiyano at mamuhay Kristiyano. Istilo ito ng buhay. Disposisyon ng isip at puso. Hindi na ito pinagdedesisyunan pa - magpapatawad ba ako o hindi? Yung proseso na lang ang pinagmumuni-munihan at pinagninilayan pero hindi na namimili kung "Oo" sa pagpapatawad o "Hindi."



Kung magpapatawad tayo ay pitumpu't ulit na pito. Ibig sabihin ay walang hanggang, palagian, walang limitasyon. Hangga't may humuhingi ng patawad ay magpatawad. Kahit hindi humingi ng tawad, matuto pa rin tayong magpatawad sa puso natin dahil kung hindi ay tayo ang magdurusa. Lalala ang sugat hanggang lumalim at manganak ng marami pang uri ng sama ng loob at muhi. Magiging biktima tayo at alipin ng pagkamuhi na alam nating sagabal sa matiwasay na buhay. Bagama't minsan, hindi ganoon kasimple ang proseso nguni't gayon pa man, laging magdesisyong maging bukas ssa pagpapatawad.



Ang palagiang pagpapatawad ay nagmula rin sa Diyos na nagpatawad sa atin. Kung may isang hindi karapat-dapat patawarin dahil sa atraso sa Diyos, tayo yun. Pero, pinatawad tayo ng Diyos at laging pinatatawad tuwing hihingi tayo sa kanya nito. Kung tayo pinatatawad lagi, sino tayo para magmalaking hindi tayo magpapatawad. Napakalinaw ng mensahe ng ating talinhaga. Kuing ayaw mong magpatawad, huwag ka rin humingi nito sa Diyos.



Ipagdasal natin na lumago tayo sa pagiging Kristiyano. Ang hindi kayang magpatawad ay nangangahulugan ng mabagal o hindi paglago sa pananampalataya. Minsan, ang kawalang-kakayanang magpatawad ay dala ng pagkabulag natin sa kagandahan at kabutihan ng buhay. Kung kulang pag-ibig sa puso natin, napakahirap ang magpatawad.



MANALANGIN:

Panginoong Hesus, ipadama mo nawa sa amin ang laki ng ipinatawad mo sa amin upang huwag kaming magdamot at mag-atubili na magpatawad sa aming kapwa. Tulungan mo kaming gawin ang pagpapatawad na istilo ng aming buhay at permanenteng disposisyon ng aming puso.

Tuesday, August 10, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-10-10)

JUAN 12:24-26
24 Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 Ang taong nagpapahalaga sa kanyang sarili lamang ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay pumaparoon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.

MAGNILAY:
"Kung may tiyaga, may nilaga."

Ito ang unang mensahe ng Salita ng Diyos sa atin ngayon. Walang magandang bagay sa buhay ang nakakamit ng walang hirap. Makatapos ng pag-aaral, magtagumpay sa trabaho, maayos na pagsasama, matiwasay sa buhay-pamilya, kaunlaran at kapayapaan sa lipunan - lahat ng ito ay hindi makakamit ng walang hirap ng pagsisikap, pagtitiyaga at pagdidisiplina sa sarili. Ito ang importanteng karunungan na noong una pa sana natin naitanim sa ating puso't isipan. Ito rin sana yung natutunan natin sa pagpapalaki sa atin ng mga magulang.

Sa kabilang banda, kung ang laging hanap natin ay yung madali, kaunting hirap, kuing makakalusot sa hirap, at iba pang tulad nito, huwag tayong umasa ng mga magaganda at malalalim na bagay sa buhay. Kaunti ang nakakamit ng mga kaunti rin magsakrispisyo sa buhay. Ang kalidad ng buhay ng mga walang tiyaga ay siguradong sobrang baba kumpara sa mga talagang may tiyaga.

"Habang nagbibigay ka, lalo ka naman nagkakaroon."

Ito rin ang isang mensahe ng Salita ng Diyos ngayon. Ito ang kabalintunaan o kabaligtaran ng buhay. Takot tayong magbigay kasi baka mawalan tayo. Pero habang tayo ay hindi nagbibigay, saka naman tayo nawawalan. Sa pag-angkin tayo madalas maakit pero ito ang siguradong daan sa kawalan. Walang madamot ang sumaya dahil sa pagiging madamot. Ang hindi pagbibigay ng sarili kailanman ay hindi naging paraan para masabi mong makabuluhan ang iyong buhay. Walang kaibigang maituturing ang isang taong makasarili. Gutom at uhaw ang kaluluwa ng isang taong hindi natututong magbigay.

Sa kabilang banda, ang taong nagbibigay ng sarili para sa iba ay nagkakamit ng malalim na kaligayahan na nagbibigay-buhay sa sarili. Iba ang saya ng puso ng isang taong nakapag-alay ng sarili para sa kapwa. Oo, nawalan ka ng oras, pera, o ng anumang bagay na maaaring ibahagi pero may kapalit itong hgit pa sa iyong naibigay. Ang mamatay sa sarili ang daan para ikaw ay mabuhay. Minsan, mahirap arukin ng isip pero ito ang totoo. Nakakatakot sumugal sa ganitong prinsipyo pero hangga't hindi ka namamatay sa sarili, hindi ka mabubuhay. Kabalintunaan nga - matagal ng patay ang mga hindi kayang mamamatay sa sarili para sa iba.

MANALANGIN:
Panginoong Hesus, turuan mo kaming matutunan ang doktrina ng krus. Ito ang nagpapaalala sa amin ng paraan upang magkaroon ng buhay. Ikaw ay namatay para sa amin kung kaya nagkaroon kami ng buhay. Masundan nawa namin ang iyong yapak. Si San Lorenzo na diakono at martir, halimbawa ng pagpapakasakit at pagsasakripisyo, ay magbigay nawa sa amin ng inspirasyon.

Saturday, August 7, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-07-10)

MATEO 17: 14-20
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo
14 Nang sila'y makabalik, napakaraming tao ang kanilang nadatnan. Lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, 15 "Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan kapag sinusumpong. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. 16 Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling."

17 Sumagot si Jesus, "Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!" 18 Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad.

19 Pagkatapos, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, nang wala na ang ibang nakakarinig, "Bakit po hindi namin mapalayas ang demonyo?" 20-21 Sumagot siya, "Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Lumipat ka roon!' at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa."

MAGNILAY:
Lahat ay nagsisimula sa simpleng paniniwala. Kung ikaw ay naniniwala, magagawa mong posible ang imposible, malapit ang malayo, naaabot ang di naaabot. Sa simpleng paniniwala umuusbong ang kumpiyansa, ang kakayahan at determinasyon na mga sangkap para makamit ang mga minimithi at pinapangarap. Ang simpleng paniniwala ay pinto rin upang matuklasan ang maraming posibilidad sa buhay na madalas hindi natin namamalayan dahil takot tayong magsaliksik at sumubok. Mas malalim pa pala ang pagkatao naytin sa nalalaman lang natin tungkol sa ating sarili. Mas malawak pa pala ang mundo at buhay kumpara sa makitid nating kaalaman dito.

Sa kabilang banda, ang taong walang paniniwala ay hanggang dito na lamang. Takot at duwag ang maaaring sabihin tungkol sa kanya. Walang matutuklasan, hindi uusad, limitado. Ito ang magiging kapalaran ng isang taong walang paniniwala. Darating ang araw na mauubos pati ang dahilan kung bakit pa siya nabubuhay. Kukupas ang kulay ng buhay. Lulubog ang araw ng kanyang buhay. Manlalamig ang dating may konting init na pinanggagalingan ng kaunting lakas. Ang walang paniniwala ay tatamarin kinalaunan, mababagot sa buhay, maaaburido at mawawalan ng panlasa sa buhay.

Sa huli, ang simpleng paniniwala ay magbubukas sa ating mata sa Diyos na kumikilos sa bawa't sandali ng ating buhay. Sa kanya tayo nakikipagtulungan. Sa kanya tayo nakikipag-ugnayan. Sa kanya tayo lahat uuwi balang araw bilang kaganapan ng ating minamahal na buhay.

MANALANGIN:
Panginoong Hesus, ihasik mo sa aking puso ang binhi ng pananampalataya. Gawin mong ang aking puso ay maging handa upang ang binhing ito ay tumubo at yumabong. Palaguin mo ang aking paniniwala at hayaan mong matuklasan ko ang yaman ng buhay na ito na siya mong pinakamalahagang kaloob sa amin.

Wednesday, August 4, 2010

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-05-10)

MATEO 16: 13-23
Ang Pahayag ni Pedro Tungkol kay Jesus

13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?" 14 At sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta." 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, "Ngunit para sa inyo, sino ako?" 16 Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit." 20 At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.

Unang Pagpapahayag ni Jesus Tungkol sa Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay
21 Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, "Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay."

22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan, "Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo."

23 Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, "Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao."

MAGNILAY:
Ang madali ay pamantayan ng demonyo. Ang masarap ay istratehiya ng diyablo. Ang walang hirap ay lohika ni Satanas. Kaya ang tumatahak sa landas ng madali, masarap, at walang hirap ay kampon ni Satanas.

Ito ang ipinamulkha ni Hesus kay Pedro. Matapos siyang parangalan dahil sa pagpapahayag niya ng kung sino ang Panginoong Hesus - ang Kristo, ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay - ay bigla siyang binaligtad dahil nagtangka siyang pigilan si Hesus na tahakin ang landas ng pagsasakripisyo alang-alang sa mapangligtas niyang pag-ibig sa sangkatauhan. Tinawag siyang "Pedro" noong una dahil siya ang magiging batong saligan ng Simbahang itatatag ng Panginoon, pero hindi naglaon tinawag siyang "Satanas" dahil nagmumungkahi siya ng pamamaraang makademonyo - ang umiwas sa hirap at sakripisyo at piliin ang daang madali.

Ang krus ang patunay na mahal nga tayo ni Hesus. Ang pagiging handa niyang maghirap para sa atin ay katibayan ng tunay at tapat na pag-ibig. Kakambal na ng pag-ibig ang sakripisyo dahil ang pag-ibig ay pagbibigay ng sarili na hindi magaganap kung wala ang pagsasakripisyo. Nguni't sa sakripisyong ito bubukal ang buhay at lakas.

Lahat gustong mabago ang lahat-lahat sa lipunan natin. Pero alam kaya ng lahat ang dapat nilang isakripisyo para makamit ito? Madalas, gusto lang natin ng pagbabago pero hindi naman tayo payag na magsakripisyo. Magsasakripisyo tayo para makamit ang pagbabago.

Gusto nating maabot ang mga pangarap. Pero madalas wala naman tayong ginagawa. Gusto lang natin ang sarap ng walang ginagawa. Puro panandaliang diskarte ang gusto natin. Walang mangyayari sa mga panandaliang paraan.

May halaga sa krus. Hindi ito dapat iwasan kundi paghandaan para pasanin. Ang krus ay pinto ng maraming oportunidad na lumago, lumalim at lumawak. Sa pagyakap natin sa krus, nauunawaan natin kung ano nga ba ang tunay na pag-ibig. Kaya pala nagpakasakit si Hesus, namatay sa krus pero pagkatapos ay muling nabuhay!

MANALANGIN:
Panginoon Hesus, ituro mo sa amin ang karunungan ng krus upang malugod namin ito tanggapin, akapin at pasanin sapagka't sa krus lamang napapatunayan ang tunay at wagas na pag-ibig.

Daily Gospel Reflection by Fr. Rey An Yatco (08-04-10)

MATEO15: 21-28
Ang Pananalig ng Isang Cananea

21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, "Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito."

23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, "Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin." 24 Sumagot si Jesus, "Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo." 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, "Tulungan po ninyo ako, Panginoon."

26 Sumagot si Jesus, "Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso."

27 "Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon," tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo." At noon di'y gumaling ang kanyang anak.

MAGNILAY:
Ang kabuuan ng kuwento ng Ebanghelyo ay tila tumatalakay sa isyu ng "racismo" o diskriminasyon dahil sa kinabibilangang lahi. Ang tagpong ito ay naglalarawan ng relasyon ng mga Hudyo sa mga hindi Hudyo. Hentil o pagano ang bansag ng mga Hudyo sa mga hindi kabilang sa kanilang lahi. Isang pagtuya ito dahil pinapahiwatig nila na sila ang mas pinagpala at may karapatan sa Diyos dahil sila ang piniling bayan. Ito ang takbo ng isip ng isang Hudyo.

Sa Ebanghelyo, malinaw itong inilarawan sa paghingi ng tulong ng isang babaeng Cananea. Sa Lumang Tipan, ang mga Cananeo ang mahigpit na kalaban ng mga Israelita. Sila ang mga paganong katunggali nila noon pa man sa Lupang Pangako. Kaya ganoon na lamang ang muhi nila sa kanila. Ganoon na lang ang bigat ng loob nila sa kanila. Sa Ebanghelyo, pinagtapat ang Hudyo at ang Cananeo, ang una sa katauhan ni Hesus at ang huli sa katauhan ng babae. Bukod dito, ang isa pang balakid sa pagtatagpong ito ay ang pagiging babae ng Cananeang ito. Mababa ang tingin sa mga babae at hindi dapat sila nakikipag-usap sa mga lalake lalo't sa publiko. Kaya nga, ang mabibigat na sangkap para hindi pansinin ni Hesus ang babae ay naroon sa tagpong iyon. Ang pagkumpara sa babae bilang aso ay siya na yatang pinakamatinding pagdidiin sa distansiya na dapat magkaroon sa pagitan ni Hesus at ng Cananea.

Gayunpaman, nagpamalas ng matinding pananampalataya at pagpapakumbaba ang Cananea. At ito ang nagwasak sa mga pader ng paghihiwalay na itinayo mula pa noong una at patuloy na naglalayo sa mga Hudyo at hindi Hudyo. Tinunaw ng pananampalatayang ito ang mga pusong tumigas na na parang bato dahil sa masalimuot na kuwento ng kanilang kasaysayan.

Pinahiwatig ni Hesus na siya at ang alay niyang kaligtasan ay para sa lahat ng may pananampalataya Hudyo man o hindi. Pinakita ni Hesus na siya ang Tagapagligtas ng lahat ng tao. Walang sinisino ang kanyang pag-ibig at pagmamalasakit. Sa kanya, walang hindi kasali. Sa kanya, magkakasama lahat anumang lahi o estado sa buhay o kasarian o pinag-aralan. Magkakapatid ang lahat sa pananampalataya.

Madaling sabihin pero ang diskriminasyon maging sa mga Kristiyano na ay buhay na buhay pa rin sa maraming paraan. Lantaran ang pagkakahiwalay ng mga may kayang magbigay at mga walang kayang magbigay, ng mga magaling magsalita at ng mga nahihiyang magsalita, ng mga may asal opisina at mga may asal kanto, ng mga amoy pabango at mga amoy pawis, ng mga nag-iingles at mga nag-tatagalog lang, at marami pang iba. Minsan, ang hirap nilang pagsamahin upang magkakilanlan, magrespetuhan at magtulungan sa iisang Kristiyanong komunidad. Meron gustong sila ang nasa itaas at ang iba'y nasa ibaba, sila ang nauuna at ang iba'y nahuhuli.

Minsan din, kung sino pa ang kabilang na sa komunidad ng Panginoon ay nagiging mapagmataas at ganoon na lamang kung manglait ng mga tinuturing na makasalanan ng lipunan. Minsan ang hadlang para makapsok ang mga makasalanan sa Kaharian ng Diyos ay mismong mga nagsasabing tagasunod sila ng Panginoon. Huwag nawang makalimutan na misyon ng bawa't Kristiyano ang akitin ang lahat para sa Panginoon. Nakahiwalay man ang iba pero sila ay mga kapatid na dapat nating gawan ng paraan para mapalapit sa Diyos at hindi husgahan, laitin at apihin. Pagpapakumbaba sa kabila ng biyaya ng Diyos ang palatandaan ng tunay na tagasunod niya.

Sa Diyos, lahat ay magkakapatid hangga't nananampalataya sa pag-ibig ng Panginoon. Ito ang dapat mamayani sa isang tunay na Kristiyanong komunidad.

MANALNGIN:
Panginoong Hesus, buwagin mo ang mga pader na naghihiwalay sa amin upang maging isang pamilya at isang komunidad na sumusunod at naglilingkod sa iyo.